Nang araw na yaon ay lumabas si Jesus sa bahay, at naupo sa tabi ng dagat.
At nakisama sa kaniya ang lubhang maraming tao, ano pa't lumulan siya sa isang daong, at naupo; at ang buong karamihan ay nangakatayo sa baybayin.
At pinagsalitaan niya sila ng maraming mga bagay sa mga talinghaga, na sinasabi, Narito, ang manghahasik ay yumaon upang maghasik.
At sa paghahasik niya, ay nangahulog ang ilang binhi sa tabi ng daan, at dumating ang mga ibon at kinain nila;
At ang mga iba'y nangahulog sa mga batuhan, na doo'y walang sapat na lupa: at pagdaka'y sumibol, sapagka't hindi malalim ang lupa:
At pagsikat ng araw ay nangainitan; at dahil sa walang ugat, ay nangatuyo.
At ang mga iba'y nangahulog sa mga dawagan, at nagsilaki ang mga dawag, at ininis ang mga yaon.
At ang mga iba'y nangahulog sa mabuting lupa, at nangagbunga, ang ila'y tigisang daan, at ang ila'y tigaanim na pu, at ang ila'y tigtatatlongpu.
At ang may mga pakinig, ay makinig.
At nagsilapit ang mga alagad, at sinabi nila sa kaniya, Bakit mo sila pinagsasalitaan sa mga talinghaga?
At sumagot siya at sinabi sa kanila, Sa inyo'y ipinagkaloob ang mangakaalam ng mga hiwaga ng kaharian ng langit, datapuwa't hindi ipinagkaloob sa kanila.
Sapagka't sinomang mayroon ay bibigyan, at siya'y magkakaroon ng sagana: nguni't sinomang wala, pati ng nasa kaniya ay aalisin sa kaniya.
Kaya't sila'y pinagsasalitaan ko sa mga talinghaga; sapagka't nagsisitingin ay hindi sila nangakakakita, at nangakikinig ay hindi sila nangakakarinig, ni hindi sila nangakakaunawa.
At natutupad sa kanila ang hula ni Isaias, na sinasabi,
Sa pakikinig ay inyong maririnig, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mapaguunawa;
At sa pagtingin ay inyong makikita, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mamamalas:
Sapagka't kumapal ang puso ng bayang ito,
At mahirap na mangakarinig ang kanilang mga tainga,
At kanilang ipinikit ang kanilang mga mata;
Baka sila'y mangakakita ng kanilang mga mata,
At mangakarinig ng kanilang mga tainga,
At mangakaunawa ng kanilang puso,
At muling mangagbalik loob,
At sila'y aking pagalingin.
Datapuwa't mapapalad ang inyong mga mata, sapagka't nangakakakita; at ang iyong mga tainga, sapagka't nangakakarinig.
Sapagka't katotohanang sinasabi ko sa inyo, na hinangad na makita ng maraming propeta at ng mga taong matuwid ang inyong nakikita, at hindi nila nakita; at marinig ang inyong naririnig, at hindi nila narinig.
Pakinggan nga ninyo ang talinghaga tungkol sa manghahasik.
Kung ang sinoman ay nakikinig ng salita ng kaharian, at ito'y hindi niya napaguunawa, ay pinaroroonan ng masama, at inaagaw ang nahasik sa kaniyang puso. Ito yaong nahasik sa tabi ng daan.
At ang nahasik sa mga batuhan, ay yaong nakikinig ng salita, at pagdaka'y tinatanggap ito ng buong galak;
Gayon ma'y wala siyang ugat sa kaniyang sarili, kundi sangdaling tumatagal; at pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa salita, ay pagdaka'y natitisod siya.
At ang nahasik sa mga dawagan, ay yaong dumirinig ng salita; nguni't ang pagsusumakit na ukol sa sanglibutan, at ang daya ng mga kayamanan, ay siyang umiinis sa salita, at yao'y nagiging walang bunga.
At ang nahasik sa mabuting lupa, ay siyang dumirinig, at nakauunawa ng salita; na siyang katotohanang nagbubunga, ang ila'y tigisang daan, ang ila'y tigaanim na pu, at ang ila'y tigtatatlongpu.