Noon ding araw na iyon, si Jesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa. Dahil sa dami ng taong lumalapit sa kanya, sumakay siya sa isang bangka at doon naupo. Tumayo naman sa dalampasigan ang mga tao at sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinhaga. Ganito ang sinabi niya:
“May isang magsasakang lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May mga binhi namang nalaglag sa mabatong lupa. Dahil manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang mga binhi, ngunit natuyo agad ang mga ito nang mabilad sa matinding init ng araw, palibhasa'y mababaw ang ugat. May mga binhi namang nalaglag sa may matitinik na halaman. Lumago ang mga halamang ito at sinakal ang mga binhing tumubo doon. Ngunit ang mga binhing nahasik sa matabang lupa ay namunga; may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu. Makinig ang may pandinig!”
Lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, “Bakit po ninyo dinadaan sa talinhaga ang inyong pagtuturo sa kanila?” Sumagot siya, “Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng langit, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinhaga sapagkat tumitingin sila ngunit hindi nakakakita, at nakikinig ngunit hindi naman nakakarinig ni nakakaunawa man. Natutupad nga sa kanila ang propesiya ni Isaias na nagsasabi,
‘Makinig man kayo nang makinig subalit hindi ninyo mauunawaan kailanman,
at tumingin man kayo nang tumingin subalit hindi rin kayo makakakita kailanman.
Sapagkat naging mapurol na ang isip ng mga taong ito;
mahirap makarinig ang kanilang mga tainga,
at ipinikit nila ang kanilang mga mata,
kung hindi gayon, sana'y nakakita ang kanilang mga mata,
nakarinig ang kanilang mga tainga,
nakaunawa ang kanilang mga isip,
at nagbalik-loob sila sa akin,
at pinagaling ko sila.’
“Subalit mapalad kayo sapagkat nakakakita ang inyong mga mata at nakakarinig ang inyong mga tainga! Tandaan ninyo: maraming propeta at matutuwid na tao ang naghangad na makita ang inyong nasasaksihan at marinig ang inyong napapakinggan subalit hindi nila ito nakita ni narinig.”
“Pakinggan ninyo ang kahulugan ng talinhaga tungkol sa manghahasik. Kapag ang isang tao ay dumirinig ng mensahe tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi naman niya iyon inuunawa, siya ay katulad ng binhing nalaglag sa daan. Dumarating ang Masama at agad inaalis sa kanyang isip ang mensaheng kanyang napakinggan.
“Ang katulad naman ng binhing nalaglag sa mabatong lupa ay ang taong dumirinig ng mensahe. Kaagad at masaya niya itong tinanggap ngunit hindi tumimo ang mensahe sa kanyang puso. Sandali lamang itong nanatili, at pagdating ng mga kapighatian at pagsubok dahil sa mensahe, agad siyang tumatalikod sa kanyang pananampalataya.
“Ang binhi namang nahulog sa may damuhang matinik na halaman ay naglalarawan ng mga taong dumirinig ng mensahe ngunit dahil sa pagkabalisa sa maraming mga bagay at pagkahumaling sa kayamanan, ang mensahe ay nawalan ng puwang sa kanilang puso at ito ay hindi nagkaroon ng bunga sa taong iyon.
“At ang katulad naman ng binhing napahasik sa matabang lupa ay ang mga taong dumirinig at umuunawang mabuti sa mensahe, kaya't ito ay namumunga nang sagana, may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu.”