At nangyari, na nang matapos ni Jesus ang lahat ng mga salitang ito, ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad,
Nalalaman ninyo na pagkaraan ng dalawang araw ay darating ang paskua, at ibibigay ang Anak ng tao upang ipako sa krus.
Nang magkagayo'y ang mga pangulong saserdote, at ang mga matanda sa bayan ay nangagkatipon sa looban ng dakilang saserdote, na tinatawag na Caifas;
At sila'y nangagsanggunian upang hulihin si Jesus sa pamamagitan ng daya, at siya'y patayin.
Datapuwa't sinabi nila, Huwag sa kapistahan, baka magkagulo sa bayan.
Nang nasa Betania nga si Jesus sa bahay ni Simon na ketongin,
Ay lumapit sa kaniya ang isang babae na may dalang isang sisidlang alabastro ng unguento na lubhang mahalaga, at ibinuhos sa kaniyang ulo, samantalang siya'y nakaupo sa pagkain.
Datapuwa't nang makita ito ng mga alagad, ay nangagalit sila, na nangagsasabi, Ano ang layon ng pagaaksayang ito?
Sapagka't ito'y maipagbibili sa malaking halaga, at maibibigay sa mga dukha.
Datapuwa't nang mahalata ito ni Jesus ay sinabi sa kanila, Bakit ninyo binabagabag ang babae? sapagka't gumawa siya sa akin ng mabuting gawa.
Sapagka't laging nangasa inyo ang mga dukha; datapuwa't ako'y hindi laging nasa inyo.
Sapagka't sa pagbubuhos niya nitong unguento sa aking katawan, ay ginawa niya ito upang ihanda ako sa paglilibing.
Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Saan man ipangaral ang evangeliong ito sa buong sanglibutan, ay sasaysayin din ang ginawa ng babaing ito sa pagaalaala sa kaniya.
Nang magkagayo'y isa sa labingdalawa, na tinatawag na Judas Iscariote, ay naparoon sa mga pangulong saserdote,
At sinabi, Ano ang ibig ninyong ibigay sa akin, at siya'y ibibigay ko sa inyo? At siya'y tinimbangan nila ng tatlongpung putol na pilak.
At buhat nang panahong yao'y humanap siya ng pagkakataon upang maibigay siya.
Nang unang araw nga ng mga tinapay na walang lebadura ay nagsilapit ang mga alagad kay Jesus, na nagsisipagsabing, Saan mo ibig na ipaghanda ka namin upang kumain ng kordero ng paskua?
At sinabi niya, Magsipasok kayo sa bayan sa gayong tao, at sabihin ninyo sa kaniya, Sinabi ng Guro, malapit na ang aking panahon; sa iyong bahay magpapaskua ako pati ng aking mga alagad.
At ginawa ng mga alagad ang ayon sa ipinagutos sa kanila ni Jesus; at inihanda nila ang kordero ng paskua.
Nang dumating nga ang gabi, ay nakaupo siya sa pagkain na kasalo ang labingdalawang alagad;
At samantalang sila'y nagsisikain, ay sinabi niya, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo.
At sila'y lubhang nangamanglaw, at nagpasimula ang bawa't isa na magsabi sa kaniya, Ako baga, Panginoon?