Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Gawa 12:1-11

Mga Gawa 12:1-11 RTPV05

Nang mga panahon ding iyon, sinimulang usigin ni Haring Herodes ang ilang kaanib ng iglesya. Pinapugutan niya sa pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan. At nang makita niyang ito'y ikinalugod ng mga Judio, si Pedro naman ang kanyang ipinadakip. Nangyari ito noong Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Pagkadakip kay Pedro, siya'y ikinulong at pinabantayan sa apat na pangkat ng tig-aapat na kawal. Ang balak ni Herodes ay iharap siya sa bayan pagkatapos ng Paskwa, kaya't nanatiling nakabilanggo si Pedro. Samantala, ang iglesya nama'y taimtim na nananalangin sa Diyos para kay Pedro. Nang gabing iyon, natutulog si Pedro sa pagitan ng dalawang kawal. Nakagapos siya ng dalawang tanikala at may mga bantay pa sa harap ng pinto ng bilangguan. Balak ni Herodes na iharap siya sa bayan kinabukasan. Walang anu-ano'y lumitaw ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag na mabuti sa bilangguan. Tinapik nito si Pedro sa tagiliran at ginising. “Dali, bumangon ka,” sabi ng anghel. Nakalag ang mga tanikala sa mga kamay ni Pedro. “Magbihis ka't magsuot ng sandalyas,” sabi ng anghel, at ganoon nga ang kanyang ginawa. Sinabi pa sa kanya ng anghel, “Magbalabal ka't sumunod sa akin.” Sumunod nga si Pedro sa anghel, ngunit hindi niya alam kung totoo nga ang nangyayaring iyon. Akala niya'y nananaginip lamang siya. Nakalampas sila sa una at pangalawang bantay at nakarating sa pintuang bakal na labasan papunta sa lunsod. Ito'y kusang nabuksan at sila'y lumabas. Pagkaraan nila sa isang kalye, biglang nawala ang anghel. Noon natauhan si Pedro, kaya't sinabi niya, “Ngayon ko natiyak na totoo pala ang lahat! Isinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa ibig ng mga Judio na mangyari sa akin.”