Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA GAWA 12:1-11

MGA GAWA 12:1-11 ABTAG01

Nang panahong iyon, inilapat ni Herodes ang kanyang mga kamay upang pagmalupitan ang ilan sa mga kaanib ng iglesya. Pinatay niya sa pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan. Nang makita niya na ito'y ikinasiya ng mga Judio, kanya namang isinunod na dakpin si Pedro. Ito ay nang panahon ng pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Nang siya'y mahuli na niya, kanyang inilagay siya sa bilangguan at siya'y ibinigay sa apat na pangkat na mga kawal upang siya'y bantayan at binabalak na siya'y iharap sa taong-bayan pagkatapos ng Paskuwa. Habang si Pedro ay nasa bilangguan, ang iglesya ay taimtim na nanalangin sa Diyos para sa kanya. Nang gabing si Pedro ay malapit nang ilabas ni Herodes, natutulog siya sa pagitan ng dalawang kawal na nakagapos ng dalawang tanikala at ang mga bantay sa harap ng pintuan ay nagbabantay sa bilangguan. At biglang nagpakita ang isang anghel ng Panginoon at tumanglaw ang isang liwanag sa kulungan. Tinapik niya si Pedro sa tagiliran at siya'y ginising, na sinasabi, “Bumangon kang madali.” At nalaglag ang mga tanikala sa kanyang mga kamay. Sinabi sa kanya ng anghel, “Magbihis ka at isuot mo ang iyong mga sandalyas.” At iyon nga ang ginawa niya. At sinabi niya sa kanya, “Ibalot mo sa iyong sarili ang iyong balabal at sumunod ka sa akin.” Si Pedro ay lumabas, at sumunod sa kanya. Hindi niya alam na tunay ang nangyayari sa pamamagitan ng anghel, ang akala niya'y nakakakita siya ng isang pangitain. Nang sila'y makaraan sa una at sa pangalawang bantay, dumating sila sa pintuang-bakal na patungo sa lunsod. Ito'y kusang nabuksan sa kanila, sila'y lumabas at dumaan sa isang lansangan at agad siyang iniwan ng anghel. Nang matauhan si Pedro, ay kanyang sinabi, “Ngayo'y natitiyak ko na sinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa lahat ng inaasahan ng mga Judio.”