Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ang Mangangaral 3:1-11

Ang Mangangaral 3:1-11 RTPV05

Ang lahat sa mundong ito ay may kanya-kanyang panahon, may kanya-kanyang oras. Ang panahon ng pagsilang at panahon ng pagkamatay; ang panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot ng tanim. Ang panahon ng pagpatay at panahon ng pagpapagaling; ang panahon ng paggiba at panahon ng pagtatayo. Ang panahon ng pagluha at panahon ng pagtawa; ang panahon ng pagluluksa at panahon ng pagdiriwang. Ang panahon ng pagkakalat ng mga bato at panahon ng pagtitipon sa mga ito; ang panahon ng pagyayakap at panahon ng paglalayo. Ang panahon ng paghahanap at panahon ng pagkawala niyon; ang panahon ng pag-iingat sa isang bagay at panahon ng pagtatapon. Ang panahon ng pagpunit at panahon ng pagtahi; ang panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita. Ang panahon ng pagmamahal at panahon ng pagkapoot; ang panahon ng digmaan at panahon ng kapayapaan. Ano ang mapapala ng tao sa kanyang pinagpaguran? Alam ko na ang itinakda ng Diyos sa tao. Iniangkop niya ang lahat ng bagay sa tamang kapanahunan. Ang tao'y binigyan niya ng pagnanasang alamin ang bukas ngunit hindi binigyan ng pagkaunawa sa ginawa ng Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas.