Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 11:1-23

Juan 11:1-23 RTPV05

Sa bayan ng Bethania ay may isang taong nagkasakit. Siya si Lazaro na kapatid nina Marta at Maria. Si Maria ang nagbuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan iyon ng kanyang buhok. Dahil may sakit si Lazaro, nagpasabi kay Jesus ang magkapatid, “Panginoon, ang minamahal ninyong kaibigan ay may sakit.” Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi niya, “Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos.” Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazaro. Gayunman, nagpalipas pa siya doon ng dalawang araw mula nang mabalitaang may sakit si Lazaro. Pagkatapos nito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Magbalik tayo sa Judea.” Sumagot ang mga alagad, “Guro, hindi po ba't kamakailan lamang ay pinagtangkaan kayong batuhin ng mga pinuno ng mga Judio? Bakit pupunta na naman kayo doon?” Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't may labindalawang oras sa maghapon? Hindi matitisod ang lumalakad kung umaga sapagkat nakikita niya ang nagbibigay-liwanag sa daigdig na ito. Subalit natitisod ang lumalakad kung gabi sapagkat wala na siyang liwanag.” Idinugtong pa ni Jesus, “Natutulog ang kaibigan nating si Lazaro. Pupunta ako upang gisingin siya.” “Panginoon, kung natutulog lang po siya ay gagaling siya,” sagot ng mga alagad. Ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na si Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay talagang natutulog lamang ito. Dahil dito'y tuwirang sinabi ni Jesus, “Patay na si Lazaro; ngunit ako'y nagagalak dahil wala ako roon upang kayo'y sumampalataya sa akin. Tayo na, puntahan natin siya.” Niyaya ni Tomas, na tinatawag na Kambal, ang kanyang mga kasama, “Sumama tayo sa Guro, mamamatay tayong kasama niya.” Pagdating ni Jesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. May tatlong kilometro lamang ang layo ng Jerusalem sa Bethania, kaya't maraming taga-Jerusalem ang dumalaw kina Marta at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid. Nang mabalitaan ni Marta na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito, ngunit si Maria nama'y naiwan sa bahay. Sinabi ni Marta, “Panginoon, kung kayo po ay narito, buháy pa sana ang kapatid ko. Subalit nalalaman kong kahit ngayo'y ipagkakaloob sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.” “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” sabi ni Jesus.