Nabalitaan ni Adonizedec, hari ng Jerusalem, na sinakop at tinupok ni Josue ang lunsod ng Ai. Nabalitaan din niya ang ginawa ni Josue sa hari at mga mamamayan ng Ai, at ang ginawa niya sa hari ng Jerico at sa mga tagaroon. Nalaman din niya na ang mga taga-Gibeon ay nakipagkasundo at naninirahang kasama ng mga Israelita. Labis itong ikinabahala ng mga taga-Jerusalem, sapagkat ang Gibeon ay kasinlaki ng mga lunsod na may sariling hari, higit na malaki kaysa Ai, at magigiting ang mga mandirigma nito. Kaya nagpadala ng mensahe si Adonizedec kay Hoham, hari ng Hebron; kay Piream, hari ng Jarmut; kay Jafia, hari ng Laquis; at kay Debir, hari ng Eglon. Ganito ang kanyang ipinasabi: “Kailangan namin ang inyong tulong. Kailangang salakayin natin ang Gibeon sapagkat ang mga tagaroon ay nakipagkasundo kay Josue at sa mga Israelita.” Nagkaisa nga ang limang haring Amoreo; ang mga hari ng Jerusalem, ng Hebron, ng Jarmut, ng Laquis at ng Eglon, at pinaligiran nila at sinalakay ang Gibeon. Nagpasabi naman kay Josue sa kampo ng Gilgal ang mga taga-Gibeon, “Huwag po ninyong pabayaan itong inyong mga abang alipin! Pumarito po kayong madali upang kami'y saklolohan. Iligtas ninyo kami! Pinagtutulung-tulungan po kami ng lahat ng mga haring Amoreong naninirahan sa kaburulan.” Kaya nga't dumating si Josue buhat sa Gilgal, kasama ang kanyang buong hukbo pati ang magigiting niyang mandirigma. Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila. Ibinigay ko na sila sa iyong mga kamay. Wala ni isa man sa kanilang makakatalo sa inyo.” Magdamag na naglakbay si Josue at ang kanyang hukbo buhat sa Gilgal at bigla nilang sinalakay ang mga Amoreo. Niloob ni Yahweh na magulo ang mga ito dahil sa takot nang makita ang hukbo ng Israel. Nilipol sila ng mga Israelita sa Gibeon; hinabol sila sa paglusong ng Beth-horon hanggang sa Azeka at sa Makeda. Samantalang tumatakas sila sa paghabol ng mga Israelita, pinaulanan sila ni Yahweh ng malalaking tipak ng yelo buhat sa langit; umabot ito hanggang sa Azeka at napakaraming namatay. Mas marami pa ang namatay sa pagbagsak ng yelo kaysa tabak ng mga Israelita. Noong araw na ang mga Israelita'y pinagtagumpay ni Yahweh laban sa mga Amoreo, nakipag-usap si Josue kay Yahweh. Ito ang sinabi niya na naririnig ng buong bayan: “Huminto ka, Araw, sa tapat ng Gibeon, at ikaw rin, Buwan, sa Libis ng Ayalon.” Tumigil nga ang araw at hindi gumalaw ang buwan hanggang sa matalo ng mga Israelita ang kanilang mga kaaway. Hindi ba't nasusulat ito sa Aklat ni Jasher? Tumigil ang araw sa gitna ng langit at hindi lumubog sa buong maghapon. Kailanma'y hindi pa nangyari at hindi na muling mangyayari na si Yahweh ay sumunod sa isang tao at nakipaglaban sa panig ng Israel.
Basahin Josue 10
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Josue 10:1-14
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas