Marcos 13
13
Tungkol sa Pagkawasak ng Templo
(Mt. 24:1-2; Lu. 21:5-6)
1Nang palabas na si Jesus sa Templo, sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad, “Guro, tingnan po ninyo! Kaylalaki ng mga gusali at kaygaganda ng mga batong ginamit dito!”
2Sumagot si Jesus, “Nakikita mo ba ang naglalakihang gusaling iyan? Wala riyang matitirang magkapatong na bato. Ang lahat ay iguguho!”
Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating
(Mt. 24:3-14; Lu. 21:7-19)
3Habang nakaupo si Jesus sa Bundok ng mga Olibo, sa may tapat ng Templo, palihim siyang tinanong nina Pedro, Santiago, Juan at Andres, 4“Kailan po ba mangyayari ang mga bagay na ito, at ano po ba ang palatandaan na ang lahat ng mga ito'y malapit nang maganap?”
5Sinabi sa kanila ni Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo malinlang ninuman. 6Maraming lilitaw at magpapanggap na sila ang Cristo, at ililigaw nila ang marami. 7Huwag kayong mababagabag kung makabalita kayo ng mga digmaang malapit sa inyo at mga digmaan sa malayong lugar. Dapat mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. 8Sapagkat makikipagdigma ang mga bansa laban sa kapwa bansa at ang mga kaharian laban sa kapwa kaharian. Lilindol sa iba't ibang dako, at magkakaroon ng mga taggutom. Ang mga ito'y pasimula pa lamang ng paghihirap na tulad ng nararanasan ng isang nanganganak.
9“Mag-ingat#Mt. 10:17-20; Lu. 12:11-12. kayo! Sapagkat kayo'y darakpin at isasakdal sa mga Sanedrin, hahagupitin sa mga sinagoga, at dadalhin kayo sa mga gobernador at mga hari nang dahil sa inyong pagsunod sa akin, upang magpatotoo sa kanila. 10Ngunit dapat munang maipangaral sa lahat ng bansa ang Magandang Balita bago dumating ang wakas. 11Kapag kayo'y dinakip nila upang litisin, huwag kayong mababahala kung ano ang sasabihin ninyo. Sa oras na iyon, sasabihin ninyo ang dapat ninyong sabihin, sapagkat hindi kayo ang magsasalita; ang inyong mga sasabihin ay manggagaling sa Espiritu Santo. 12Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang sariling kapatid upang ipapatay, gayundin ang gagawin ng ama sa kanyang anak, at lalabanan naman ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay ang mga ito. 13Kapopootan#Mt. 10:22. kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, ngunit ang manatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas.”
Ang Kasuklam-suklam na Kalapastanganan
(Mt. 24:15-28; Lu. 21:20-24)
14“Unawain#Dan. 9:27; 11:31; 12:11; 1 Mcb. 1:54; 6:7. ito ng bumabasa: Kapag nakita na ninyo ang kasuklam-suklam na kalapastanganan na nasa dakong di dapat kalagyan, ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papuntang kabundukan. 15Ang#Lu. 17:31. nasa bubungan ay huwag nang magtangkang pumasok pa sa bahay upang kumuha ng anuman, 16at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa upang kumuha ng balabal. 17Sa mga araw na iyon, kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso! 18Ipanalangin ninyong huwag mangyari ang mga ito sa panahon ng taglamig, 19sapagkat#Dan. 12:1; Pah. 7:14. sa mga panahong iyon ang mga tao'y magdaranas ng matinding kapighatian na hindi pa nararanasan mula nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, at hindi na muling mararanasan pa kahit kailan. 20At kung hindi paiikliin ng Panginoon ang panahong iyon, walang sinuman ang makakaligtas; subalit alang-alang sa kanyang mga hinirang, paiikliin niya iyon.
21“Kung may magsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o kaya'y ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. 22Sapagkat may mga magpapanggap na Cristo at may mga magpapanggap na propeta. Magpapakita sila ng mga himala at mga kababalaghan upang iligaw, kung maaari, ang mga hinirang ng Diyos. 23Kaya't mag-ingat kayo. Sinasabi ko na sa inyo ang lahat ng bagay bago pa man ito mangyari.”
Ang Pagbabalik ng Anak ng Tao
(Mt. 24:29-31; Lu. 21:25-28)
24“Subalit#Isa. 13:10; Joel 2:10; 3:4; 4:15; Pah. 6:12; Isa. 13:10; Eze. 32:7. sa mga panahong iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, 25malalaglag#Isa. 34:4; Pah. 6:13; Joel 2:10. mula sa langit ang mga bituin, at magúgulo ang mga kapangyarihan sa kalawakan. 26Pagkatapos,#Dan. 7:13; Pah. 1:7. makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nakasakay sa alapaap, may dakilang kapangyarihan at karangalan. 27Susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na sulok ng daigdig upang tipunin ng mga ito ang mga hinirang ng Diyos.”
Ang Aral Mula sa Puno ng Igos
(Mt. 24:32-35; Lu. 21:29-33)
28“Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos; kapag magulang na ang mga sanga nito at nagkakadahon na, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 29Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, malalaman ninyong malapit na ang kanyang pagdating; siya'y paparating na. 30Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago pa mamatay ang mga taong nabubuhay ngayon. 31Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay mananatili magpakailanman.”
Walang Nakakaalam ng Araw o Oras
(Mt. 24:36-44)
32“Ngunit#Mt. 24:36. walang nakakaalam ng araw o ng oras na iyon, kahit ang mga anghel sa langit, o ang Anak man. Ang Ama lamang ang nakakaalam nito. 33Mag-ingat kayo at maging handa dahil hindi ninyo alam kung kailan ito mangyayari. 34Ang#Lu. 12:36-38. katulad nito'y isang taong maglalakbay sa malayo. Iniwan niya ang kanyang tahanan sa pamamahala ng kanyang mga utusan. Binigyan niya ang bawat isa ng kanya-kanyang gawain, at inutusan niya ang tanod na magbantay. 35Gayundin naman, magbantay kayong lagi dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng sambahayan. Ito'y maaaring sa takipsilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya'y sa umaga. 36Baka siya'y biglang dumating at maratnan kayong natutulog. 37Ang sinasabi ko sa inyo'y sinasabi ko sa lahat. Maging handa kayo!”
Kasalukuyang Napili:
Marcos 13: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society