Aking anak, ang mga pangaral ko ay dinggin mo,
at ang aking mga utos, ingatan nga at sundin mo.
Ang pakinig mo'y ibaling sa wastong karunungan,
at ito ay isipin nang iyong maunawaan.
Pagsikapan mong hanapin ang tunay na kaalaman,
pang-unawa'y pilitin mong makita at masumpungan.
Kung ito ay parang pilak na iyong hahanapin,
at tulad ng ginto, na iyong miminahin,
malalaman mo kung ano ang kahulugan ng paggalang at pagsunod kay Yahweh,
at matatamo ang kaalaman tungkol sa Diyos.
Sapagkat si Yahweh ang nagkakaloob ng karunungan,
sa bibig niya ang kaalaman at unawa'y bumubukal.
Bibigyan niya ng unawa ang matuwid ang pamumuhay,
at ang taong matapat ay kanyang iingatan.
Binabantayan niya ang daan ng katarungan,
at ang lakad ng lingkod niya'y kanyang sinusubaybayan.
Kaya nga, iyong mauunawaan ang katuwiran at katarungan,
at iyong susundan ang landas ng kabutihan.
Lalawak ang karunungang matatanim sa isipan,
madadama ang kasiyahang dulot nitong kaalaman.
Ang natamong kaalaman sa iyo ay mag-iingat,
ang unawa'y maglilihis sa liku-likong landas.
Ilalayo ka nito sa masamang pamumuhay,
at doon sa mga taong ang nais ay kaguluhan;
ilalayo ka rin nito sa mga tampalasan,
na ang landas na pinili ay landas ng kadiliman,
mga taong ang hilig ay paggawa ng kasamaan,
ang kanilang kasiyaha'y pawang walang kabuluhan.
Sa ugaling taglay nila'y di sila maaasahan,
sila ay hindi tapat, hindi mapagkakatiwalaan.
Malalayo ka sa babaing mahalay,
at sa kanyang pang-aakit ay hindi ka maaakay.
Siya ay babaing hindi tapat sa asawa;
ang sumpaan sa altar ay binale-wala niya.
Kaya naman ang landas niya'y patungo sa kamatayan,
at ang kanyang buhay ay tungo sa kawakasan.
Sinumang maakit niya ay tuluyang natatangay,
at hindi na makakabalik sa maayos na pamumuhay.
Kaya nga, tahakin mo ang landas ng kabutihan,
huwag itong hiwalayan hanggang hininga ay mapatid.
Pagkat ang mabuting tao'y magtatagal sa daigdig,
ang may buhay na matapat ay hindi matitinag.
Ngunit ang masama sa lupai'y mawawala,
bubunutin pati ugat ng lahat ng mandaraya.