Mga Kawikaan 28
28
Ang Matuwid at ang Masama
1Tumatakbo ang masama kahit walang humahabol,
ngunit panatag ang matuwid, ang katulad ay leon.
2Kung ang bayan ay magkasala, maraming gustong mamahala,
ngunit kung matalino ang namumuno, malakas at matatag ang bansa.
3Ang pinunong sa mahihirap ay sumisiil
ay tulad ng ulang sumisira sa pananim.
4Ang masama ay pinupuri ng masuwayin sa batas,
ngunit kalaban nila ang mga taong sa tuntunin ay tumutupad.
5Hindi alam ng masama kung ano ang katarungan,
ngunit ang mga sumasamba kay Yahweh, lubos itong maiintindihan.
6Mabuti na ang mahirap na namumuhay sa katuwiran,
kaysa taong mayaman ngunit makasalanan.
7Ang anak na matalino ay sumusunod sa aral,
ngunit ang nakikipagbarkada sa masasama ay kahihiyan ng magulang.
8Ang kayamanang natamo sa pamamagitan ng patubuan
ay mauuwi sa maawain at matulungin sa nangangailangan.
9Ang panalangin ng taong hindi sumusunod sa kautusan ay kasuklam-suklam.
10Ang tumutukso sa mabuti upang magpakasama
ay mabubulid sa sariling pakana,
ngunit ang taong may tapat na pamumuhay ay magmamana ng maraming kabutihan.
11Ang palagay ng mayaman ay marunong siya,
ngunit ang mahirap na may unawa ay mabuti pa sa kanya.
12Kapag matuwid ang nasa kapangyarihan, ang lahat ay nagdiriwang,
ngunit kung ang pumalit ay masama, lahat ay nasa taguan.
13Ang nagkukubli ng kanyang sala ay hindi mapapabuti,
ngunit kahahabagan ng Diyos ang nagbabalik-loob at nagsisisi.
14Mapalad ang taong sumusunod sa ating Diyos,
ngunit ang matigas ang ulo ay mapapahamak.
15Ang masamang hari ay tila leong mabagsik
at nakakatakot na parang osong mabangis.
16Ang haring walang pang-unawa ay tiyak na malupit;
ang pamamahala ng tapat na hari ay lalawig.
17Ang pumatay sa kapwa ay humuhukay ng sariling libingan,
at ang taong ito'y di dapat tulungan.
18Ang taong tapat ay ligtas sa kapahamakan,
ngunit ang masama ay biglang mabubuwal.
19Sagana sa pagkain ang magsasakang masipag,
ngunit naghihirap ang taong tamad.
20Ang taong tapat ay mananagana sa pagpapala,
ngunit paparusahan ang yumaman sa pandaraya.
21Ang paghatol nang may kinikilingan ay hindi mainam,
ngunit dahil sa suhol may hukom na gumagawa ng ganitong kasamaan.
22Ang kuripot ay nagmamadaling yumaman
ni hindi iniisip na kahirapan ay daratal.
23Ang tapat sa pagsaway sa bandang huli'y pasasalamatan
kaysa sa taong panay ang pagpuri kahit hindi nararapat.
24Ang anak na ninakawan ang kanyang magulang at sasabihing ito'y hindi kasalanan,
ay masahol pa sa karaniwang magnanakaw.
25Ang taong gahaman ay lumilikha ng kaguluhan,
ngunit ang nagtitiwala kay Yahweh, uunlad ang kabuhayan.
26Ang nagtitiwala sa sariling kakayahan ay mangmang,
ngunit ang sumusunod sa magandang payo ay malayo sa kapahamakan.
27Ang tumutulong sa mahirap ay di magkukulang,
ngunit susumpain ang nagbubulag-bulagan.
28Kapag masama ang pinuno, ang lahat ay nagkukubli,
ngunit kapag sila ay wala na, ang mabubuti'y dumadami.
Kasalukuyang Napili:
Mga Kawikaan 28: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society