Hindi mo ba naririnig ang tawag ng karunungan,
at ang tinig ng unawa'y hindi pa ba napakinggan?
Nasa dako siyang mataas,
sa tagpuan ng mga landas;
nasa mga pintuan siya, sa may harap nitong bayan,
nakatindig sa pagpasok at ito ang kanyang sigaw:
“Kayo'y tinatawagan ko, tao ng sandaigdigan,
para nga sa lahat itong aking panawagan.
Kayong walang nalalaman ay mag-aral na maingat,
at kayong mga mangmang, pang-unawa ay ibukas.
Salita ko ay pakinggan pagkat ito'y mahalaga,
bumubukal sa labi ko ay salitang magaganda.
Pawang katotohanan itong aking bibigkasin,
at ako ay nasusuklam sa lahat ng sinungaling.
Itong sasabihin ko ay pawang matuwid,
lahat ay totoo, wala akong pinilipit.
Ito ay maliwanag sa kanya na may unawa,
at sa marurunong ito ay pawang tama.
Payo ko'y pahalagahan nang higit pa sa pilak,
at ang dunong, sa ginto ay huwag sanang itutumbas.
“Pagkat akong karunungan ay mahigit pa sa hiyas,
anumang kayamanan ay hindi maitutumbas.
Ako ay nagbibigay ng talas ng kaisipan,
itinuturo ko ang landas ng hinaho't karunungan.
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay naglalayo sa kasamaan.
Ako ay namumuhi sa lahat ng kalikuan,
sa salitang baluktot, at sa diwang kayabangan.
Mayroon akong lakas at taglay na kakayahan,
ganoon din naman, unawa't kapangyarihan.
Dahil sa akin, ang hari'y nakapamamahala,
nagagawa ng mga pinuno ang utos na siyang tama.
Talino ng punong-bayan ay sa akin nagmumula,
at ako rin ang dahilan, dangal nila't pagdakila.
Mahal ko silang lahat na sa aki'y nagmamahal,
kapag hinanap ako nang masikap, tiyak na masusumpungan.
Ang yaman at karangalan ay aking tinataglay,
kayamanang walang maliw, kasaganaan sa buhay.
Ang bunga ko ay higit pa sa gintong dinalisay,
mataas pa kaysa pilak ang halagang tinataglay.
Ang landas kong dinaraanan, ay daan ng katuwiran,
ang aking tinatahak, ay landas ng katarungan.
Ang sa aki'y nagmamahal binibigyan ko ng yaman,
aking pinupuno ang kanilang mga sisidlan.
“Sa lahat ng nilikha ni Yahweh, ako ang siyang una,
noong una pang panahon ako ay nalikha na.
Matagal nang panahon nang anyuan niya ako,
bago pa nalikha at naanyo itong mundo.
Wala pa ang mga dagat nang ako'y lumitaw,
wala pa ang mga bukal ng tubig na malilinaw.
Wala pa ang mga burol, ganoon din ang mga bundok,
nang ako ay isilang dito sa sansinukob.
Ako muna ang nilikha bago ang lupa at bukid,
nauna pa sa alabok, at sa lupang daigdig.
Nang likhain ang mga langit, ako ay naroroon na,
maging nang ang hangganan ng langit at lupa'y italaga.
Naroon na rin ako nang ang ulap ay ilagay,
at nang kanyang palitawin ang bukal sa kalaliman.
Nang ilagay niya ang hangganan nitong dagat,
nang ang patibayan ng mundo ay ilagay at itatag,
ako'y lagi niyang kasama at katulong sa gawain,
ako ay ligaya niya at sa akin siya'y aliw.
Ako ay nagdiwang, nang daigdig ay matapos,
dahil sa sangkatauhan, ligaya ko ay nalubos.
“At ngayon, aking anak, ako nga ay pakinggan,
sundin ang payo ko't liligaya ang iyong buhay.
Upang maging matalino, ang turo ko ay dinggin mo,
huwag mong pababayaan ni lalayuan ito.
Mapalad ang taong sa akin ay nakikinig,
sa akin ay nag-aabang at palaging nakatitig.
Pagkat ang makasumpong sa akin ay nakasumpong ng buhay,
at ang kalooban ni Yahweh ay kanyang nakakamtan.
Ngunit ang di makasumpong sa akin, sarili ang sinasaktan,
ang napopoot sa akin, iniibig ay kamatayan.”