Maghari Ka sa AminHalimbawa
PANALANGIN:
Oh Diyos, nilikha Ninyo ako nang may layunin. Tulungan Ninyo akong mamuhay nang nasa isip ang layuning iyan. Buksan Ninyo ang aking mga mata sa mga paraang mahalin ko nang mabuti ang iba at ituro sila sa Inyo.
PAGBASA:
Nilikha tayo ng Diyos nang may layunin—para sa isang layunin. Maniwala ka man o hindi, naghanda na Siya ng mga paraang maipakita at maibahagi mo ang pag-ibig ng Diyos sa iba. (At kung nagtataka ka, alam Niya kung saan ka mahusay!)
Maraming mga tagasunod ni Jesus ang namumuhay na pinaghihiwalay ang iba't ibang aspeto ng buhay, lalo na pagdating sa kanilang buhay-trabaho at kanilang pananampalataya. Ngunit paano kung ang iyong hanapbuhay ay isa sa mga pangunahing paraang nais ng Diyos na palaguin ang iyong pananampalataya?
Alam mo bang ang karaniwang tao ay gumugugol ng humigit-kumulang 90,000 oras—halos isang-katlo ng kanilang pagtanda—sa hanapbuhay? Kung ang ating pananampalataya ay hindi nababakas sa ating buhay-trabaho, wala itong impluwensya sa ginagawa natin sa malaking bahagi ng ating oras. Lubos na nagmamalasakit ang Diyos sa ating trabaho at sa pagturing natin dito bilang mga tagasunod ni Jesus.
Hindi palaging natutulungang mabuti ng simbahan ang mga taong matuklasan ang higit na kahulugan at layunin ng kanilang trabaho. Sa katunayan, ang ilang mga sermon ay tila nagsasabing ang tanging paraang makapaglingkod sa Diyos ay ang iwan ang iyong trabaho at magtrabaho sa isang simbahan. Ngunit ito ay napakalayo sa katotohanan.
Isinulat ng repormador ng simbahan na si Martin Luther ang, “Hindi sa paglalagay ng maliliit na krus sa mga sapatos ginagawa ng Cristianong sapatero ang kanyang tungkulin, kundi sa paggawa ng magagandang sapatos, dahil interesado ang Diyos sa mahusay na paggawa.”
Si Dorothy Sayers, isang aktibista at may-akda, ay nagpahayag ng katulad na damdamin nang isulat niya ang, "Ang pakikipag-ugnayan ng simbahan sa isang matalinong karpintero ay kadalasang limitado sa paghikayat sa kanyang huwag maglasing at manggulo sa kanyang mga oras ng pahinga at pumunta sa simbahan tuwing Linggo. Ang dapat sabihin sa kanya ng simbahan ay ito: na ang pinakaunang iniaatas sa kanya ng kanyang relihiyon ay na dapat siyang gumawa ng magagandang mesa.”
Ang totoo nito, halos lahat ng uri ng hanapbuhay ay nag-aambag sa ilang paraan sa pangkalahatang kabutihan ng iba. Dahil dito, ang ating trabaho ay isa sa mga paraang ipinaaabot ng Diyos ang Kanyang pagmamahal at pangangalaga sa Kanyang nilikha. Upang mapaglingkuran ang Diyos sa iyong trabaho, hindi mo kailangang itigil ang iyong hanapbuhay at magtrabaho sa isang simbahan—maaari mong paglingkuran ang Diyos sa trabaho nang may simpleng pagbabago sa iyong pananaw. Siguro kailangan mong tingnan ang iyong trabaho sa lente ng positibong epekto nito sa iba. Marahil ay kailangan mong muling ipangako ang paggawa ng de-kalidad na trabahong lakip ang integridad. O baka kailangan mo lang mapagtantong inilagay ka ng Diyos sa kinaroroonan mo nang may layunin at "upang iukol... sa paggawa ng mabuti" kung saan gumugugol ka ng 40 oras bawat linggo.
PAGNINILAY:
Narito ang ilang mga katanungan habang iniisip mo kung paanong magkaugnay ang iyong buhay at hanapbuhay:
• Sa paanong paraan nakapaglilingkod sa iba ang iyong hanapbuhay?
• Paano magagawang higit na tumuon sa paglilingkod sa iba sa pamamagitan ng iyong hanapbuhay?
• Paano mo maiimpluwensyahan ang kultura sa kung saan ka naghahanapbuhay sa mas positibong paraan?
Gumugol ng panahong isulat ang iyong mga kasagutan. Maaaring mukhang madali lang ang mga tanong, ngunit huwag magmadali sa mga ito. Anyayahan ang Diyos sa usapin sa pamamagitan ng pagdarasal habang isinusulat ang iyong mga iniisip. Hilingin sa Espiritu Santo na mas ipamalay sa iyo ang Kanyang presensya at pangunguna sa mga oras ng iyong trabaho. Pag-isipan mong gawing pang-araw-araw na kagawian ang magtanong sa Diyos ng, "Kanino Mo nais na ipakita ko ang Iyong pagmamahal ngayon?" Pagkatapos ay maging handa na tumugon sa Kanyang pamumuno.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Narinig namin na si Jesus ay nag-aalok ng "buhay na ganap" at hinahangad namin ang karanasang iyon. Nais namin ang buhay na iyon na nasa kabilang dako ng pagbabago. Ngunit anong uri ng pagbabago ang kailangan natin? At paano natin isasagawa ang proseso ng pagbabago? Sa Maghari Ka sa Amin, ikaw ay makatutuklas ng isang bagong paraang makapamuhay ng pambihira at kamangha-manghang buhay na paanyaya sa atin ng Diyos.
More