Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Abide: Prayer & Fasting FilipinoHalimbawa

Abide: Prayer & Fasting Filipino

ARAW 1 NG 7

Basahin ang Deuteronomio 8:1–20

Ibinaba niya kayo sa pamamagitan ng paggutom sa inyo at pagkatapos, binigyan niya kayo ng ‘manna’—isang klase ng pagkain na hindi pa ninyo natitikman maging ng inyong mga ninuno mula pa noong una. Ginawa ito ng PANGINOON para ituro sa inyo na hindi lang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa bawat salita ng PANGINOON. 
Deuteronomio 8:3 

Karagdagang Babasahin: Mateo 4:3–4, Lucas 4:1–4, Juan 4:34

Ang tinapay ay pangunahing pagkain sa Sinaunang Malapit na Silangan. Maging sa kasalukuyan, may tinapay na natatangi at kilala bilang bahagi ng isang kultura. May malutong na baguette sa France, walang pampaalsang roti sa India, mala-espongha na injera sa Ethiopia, manipis na tortilla sa Mexico, at malambot na pandesal sa Pilipinas.

Subalit sa Deuteronomio 8:3, inihayag ni Moises na ang tao ay hindi lamang sa tinapay nabubuhay. Habang ang mga Israelita ay nasa disyerto, tinugunan ng Diyos ang kanilang pangangailangan sa pamamagitan ng pagpapaulan ng manna, isang mala-tinapay na pagkain mula sa langit. Habang naghahanda sila sa pagpasok sa Lupang Ipinangako, isang mayamang lupain, ipinaalala ni Moises sa kanila kung sino ang nagpakain sa kanila sa disyerto. At kahit pa hindi na nila kailangan ang pag-ulan ng tinapay mula sa langit sa bagong lugar na pupuntahan nila, ang pagtitiwala nila sa Diyos ay hindi nagbabago. Nakasalalay sa pagtitiwala at pagsunod nila sa Salita ng Diyos ang pamumuhay at pag-unlad nila sa lupaing ito. Kailangan nila ng Salita ng Diyos gaya ng pangangailangan nila sa tinapay upang sila ay mabuhay.

Ang pagtitiwala natin sa Salita ng Diyos ay tulad ng tinapay na inaasahan nating darating. Sa bawat araw ng pag-aayunong ito, ang katawan natin ay mas maghahanap ng sustansya na ibinibigay ng tinapay. Subalit sa paghahangad na ito, sa napakatinding pangangailangan sa pagkain, mas nagkakaroon ng katuturan para sa atin ang paghahalintulad ng Salita ng Diyos sa tinapay. Gaya ng paghahangad ng katawan natin ng tinapay, dapat nating hangarin ang Salita ng Diyos, mamuhay nang may kamalayan sa pangangailangan natin sa Kanya at sa Kanyang Salita araw-araw.

Sa katunayan, natutunan natin sa ebanghelyo ni Juan na si Jesus mismo ang Salita ng Diyos. Sinabi Niyang Siya ang “tinapay ng buhay,” at ipinangako Niyang sinuman ang lumapit sa Kanya ay hindi na magugutom o mauuhaw. Kung tayo ay lalapit sa Kanyang harapan at pupunuin natin ang ating mga sarili ng Salita ng Diyos, matatanggap natin ang Kanyang kaligtasan at mararanasan natin ang pagiging ganap sa Kanya.

Ang Salita ng Diyos ay totoo. Ang Salita ng Diyos ay makapangyarihan. Ipinakilala Niya sa atin ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng Kanyang Salita, at tayo ay nakakaranas ng pagbabago at nagkakaroon ng kakayahang mamuhay para sa Kanya.

Sa pagsisimula natin ng isang linggong pag-aayuno at sa patuloy na paglakas ng ating gutom sa paglipas ng bawat araw, nawa ay maging mas malakas ang paghahangad natin sa Salita ng Diyos.


Isipin ang isang sitwasyon na kinailangan mong umasa sa Diyos. Pasalamatan Siya sa pagbibigay sa iyo ng kalakasan hanggang sa mapagtagumpayan mo ito.


Anong mga pahayag sa kasulatan ang nagpalakas ng iyong loob noong nakaraang taon? Maglaan ng panahon upang pasalamatan ang Diyos para sa maaasahan at makapangyarihan Niyang Salita sa buhay mo.


Ang Salita ng Diyos ang NAGBIBIGAY SA ATIN NG LAKAS.

Deuteronomio 8:3

Ibinaba niya kayo sa pamamagitan ng paggutom sa inyo at pagkatapos, binigyan niya kayo ng ‘manna’—isang klase ng pagkain na hindi pa ninyo natitikman maging ng inyong mga ninuno mula pa noong una. Ginawa ito ng PANGINOON para ituro sa inyo na hindi lang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa bawat salita ng PANGINOON.


Manalangin

Aming Diyos, maraming salamat sa inihandog Ninyong Bibliya. Sa pamamagitan ng Inyong Salita, nangungusap Kayo sa akin, at ipinapaalala Ninyo na Kayo ay para sa akin. Ipinapakita Ninyo ang Inyong hindi nagbabagong katangian, at natututo akong pakinggan ang Inyong Salita habang binabasa at pinagninilay-nilayan ko ang Inyong Kasulatan. Panginoon, tulungan po Ninyo akong magkaroon ng paghahangad na sundin ang Inyong Salita araw-araw, isang paghahangad na mas lalo pang lalakas habang patuloy akong namumuhay sa piling Ninyo. Ang Inyong Salita ang nagbibigay kalakasan sa aking espiritu at nagbibigay ng katuparan sa aking puso. Habang ako ay nananalangin, nag-aayuno, at nagtatalaga ng aking sarili sa Inyo ngayong linggo, nawa ay mas lumalim pa ang pagkaunawa at pagmamahal ko sa Inyo at magpatuloy akong lumapit sa Inyo. Sa pangalan ni Jesus, AMEN.

Banal na Kasulatan

Araw 2

Tungkol sa Gabay na ito

Abide: Prayer & Fasting Filipino

Sa simula ng bawat taon, naglalaan tayo ng oras para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Ngayong taon, pagtutuunan natin ng pansin ang salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang Salita, nakikilala natin Siya at tayo ay nakakaranas ng pagbabago at nagkakaroon ng kakayahang mamuhay para sa Kanya.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: https://www.everynation.org.ph/