Abide: Prayer & Fasting FilipinoHalimbawa
Basahin ang Santiago 1:19–25
Dahil kung nakikinig lang ang isang tao sa salita ng Diyos pero hindi naman niya tinutupad ang sinasabi nito, katulad siya ng isang taong tumitingin sa salamin na pagkatapos makita ang sarili ay umaalis at agad kinakalimutan ang ayos niya.
Santiago 1:23–24
Karagdagang Babasahin: Mga Taga-Roma 2:13
Si Santiago ay sumulat para sa mga Kristiyanong Judio na nasa iba’t ibang bahagi ng Imperyo ng Roma at nakakaranas ng mga pagsubok. Sa gitna ng mga pagsubok na ito, sinusundan nila ang mga makamundong gawain ng mga tao sa kanilang paligid sa halip na isapamuhay ang Salita ng Diyos. At dahil dito, sa kabuuan ng kanyang liham, sinabi ni Santiago na hindi sapat ang makinig sa Salita ng Diyos. Dapat nating isabuhay ang sinasabi nito.
Inihambing ni Santiago ang isang tao na nakakarinig ng Salita ng Diyos subalit hindi nagsasapamuhay nito sa isang tao na tumingin sa salamin at pagkatapos ay kinalimutan kung ano ang hitsura niya. Ang paghahambing ay halos katawa-tawa. Paano mo magagawang tingnan nang mabuti ang iyong sarili upang malaman kung ano ba talaga ang hitsura mo at pagkatapos ay kalimutan ito? Subalit ito mismo ang punto na nais sabihin ni Santiago. Tinitingnan mo ba ang iyong sarili sa salamin sa umaga upang tiyaking hindi magulo ang iyong buhok o walang bagay na nakasiksik sa iyong mga ngipin? Kapag may nakita kang malaking dumi sa mukha mo, lalabas ka ba ng bahay nang kinakalimutan ito? Kung paanong isang kamangmangan ang umalis nang walang gagawin tungkol sa dumi sa iyong mukha at kalimutan kung ano ang iyong hitsura, isang kamangmangan ang pag-alam sa sinasabi ng Salita ng Diyos at pagkatapos ay mamuhay nang hindi ito sinusunod.
Tulad ng isang salamin, ipinapakita ng Salita ng Diyos kung ano talaga tayo. Kung wala ang Kanyang Salita, madali nating malilinlang ang ating sarili sa pag-aakalang tayo ay mas higit pa sa kung sino talaga tayo, maipagsasawalang-bahala natin ang ating mga kahinaan, at magagawa nating magdahilan para sa ating kasalanan, lalo na kung tayo ay nasa kalagitnaan ng isang mapanghamong sitwasyon, gaya ng mga kinakausap ni Santiago sa kanyang liham. Subalit hindi ito mangyayari kung papanatilihin natin ang Salita ng Diyos sa ating buhay. Kung titingnan natin ang ating buhay sa ilalim ng katotohanan ng Salita ng Diyos, makikita natin kung sino talaga tayo at makikita natin ang biyaya at habag ng Diyos upang magawa nating magsisi at magbago.
Dapat nating tingnan ang Salita ng Diyos upang maipakita nito sa atin kung sino talaga tayo, subalit hindi tayo dapat huminto rito. Dapat nating talikuran ang anumang hindi mabuti at isapamuhay ang Kanyang Salita.
Paano mo nakita ang biyaya at habag ng Diyos na kumikilos sa buhay mo?
May mga bahagi ba ng buhay mo kung saan nagdadalawang-isip kang sundin ang Salita ng Diyos? Maglaan ng panahon upang purihin Siya sa Kanyang pagmamahal at habag sa iyo.
Ang Salita ng Diyos ang NAGPAPAKITA SA ATIN KUNG SINO TAYO.
Santiago 1:23–24
Dahil kung nakikinig lang ang isang tao sa salita ng Diyos pero hindi naman niya tinutupad ang sinasabi nito, katulad siya ng isang taong tumitingin sa salamin na pagkatapos makita ang sarili ay umaalis at agad kinakalimutan ang ayos niya.
Manalangin
Habang binabasa ko ang Inyong Salita, Panginoon, nananalig ako na ipapakita Ninyo sa akin kung sino ako at kung sino ang nais Ninyong maging ako. Saliksikin Ninyo ang puso ko at ipakita Ninyo kung saan at paano ko maisasapamuhay ang Inyong Salita. Bigyan Ninyo ako ng pagpapakumbaba upang gawin ang sinasabi ng Inyong Salita bilang pagtugon ko nang may pananampalataya sa Inyong inihandog na kaligtasan. Banal na Espiritu, maraming salamat sa Inyong kapangyarihan na tumutulong sa aking sumunod, bumabago ng aking puso, at gumagabay sa aking mga hakbang. Sa pangalan ni Jesus, AMEN.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa simula ng bawat taon, naglalaan tayo ng oras para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Ngayong taon, pagtutuunan natin ng pansin ang salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang Salita, nakikilala natin Siya at tayo ay nakakaranas ng pagbabago at nagkakaroon ng kakayahang mamuhay para sa Kanya.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: https://www.everynation.org.ph/