Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Set Apart | Isang Biblikal na Pananaw sa KabanalanHalimbawa

Set Apart | Isang Biblikal na Pananaw sa Kabanalan

ARAW 3 NG 7

1 Pedro 2:10–11

Dati’y hindi kayo mga taong sakop ng Diyos, pero ngayon, mga sakop na niya kayo. Noon, hindi kayo kinaawaan ng Diyos, pero ngayon, kinaawaanna niya kayo. Mga minamahal, mga dayuhan kayong nakikitira lang sa mundong ito. Kaya nakikiusap ako sa inyong talikuran na ninyo ang masasamang pagnanasa ng inyong katawan na nakikipaglaban sa inyong espiritu.

Karagdagang Babasahin: Salmo 119:18–20; Mga Taga-Roma 7:21–25; Mga Taga-Filipos 3:20; 2 Corinto 4:16; Mga Hebreo 11:12–16

Ano o nasaan ang lugar na itinuturing mong ‘tahanan’? Maaaring ito ay isang lugar kung saan ka lumaki, ang siyudad kung saan kayo lumipat ng pamilya mo, o ang bansang kinailangan mong lisanin nang hindi inaasahan.

Magkaiba ang ugnayan ng mga dayuhan at bihag sa isang “tahanan.” Ang mga dayuhan ay mga manlalakbay na dumaraan lamang sa isang lugar sa maikling panahon hanggang sa marating nila ang totoo nilang destinasyon. Ang mga bihag naman ay mga taong pinaalis o itinaboy mula sa kinalakihan nilang lugar.

Sa pagtawag ni Pedro sa kanyang mga mambabasa bilang mga “dayuhan” at “bihag” sa 1 Pedro 2:11, hinamon ni Pedro ang konsepto nila ng isang tahanan. Nilinaw niya—hindi sila permanenteng residente sa mundong ito at nabubuhay sila sa isang lugar na hindi talaga nila tahanan. Hanggang sa pagdating ni Cristo, dapat silang mamuhay bilang mga iniligtas at banal na mamamayan sa isang nagkasalang mundo.

Sinabihan sila ni Pedro na “talikuran na ang masasamang pagnanasa ng katawan,” ang mga makasalanang hangarin na nagrerebelde at nakikipaglaban sa Diyos. Kailangan nating panghawakan ang tawag ng Diyos tungo sa kabanalan habang lumalaban ang mga hangaring ito sa ating mga espiritu.

Binigyan tayo ng Diyos ng awa at biyaya para talikuran ang mga hangaring ito. Ibinigay Niya sa atin ang Kanyang Salita para baguhin ang ating isipan. Inilagay Niya tayo sa isang espiritwal na komunidad na magpapalakas at manghihikayat sa atin. Kahit sa mga sandaling nararamdaman nating mahina at bigo tayo, ang kaloob na pagsisisi ang nagbibigay ng daan para makabalik tayo sa Diyos nang may biyaya at walang ikinakahiya.

Habang binabasa natin ang talatang ito ilang siglo matapos itong maisulat, nakikilala natin ang pakiramdam ng espiritwal na pagkakalayo, kawalan ng kasiyahan, at paghahangad na maaaring naramdaman din ng mga orihinal na mambabasa ni Pedro. Ito ang pagsubok. Bilang mga dayuhan, nakatira tayo sa isang panandaliang tahanan, ngunit nakakatuksong mamuhay na parang dito tayo nabibilang. Araw-araw, kailangan nating magpasyang hindi natin uunahin ang ating sarili at susundin natin ang tawag ng Diyos na maging banal.

Mga minamahal, mga dayuhan kayong nakikitira lang sa mundong ito. Kaya nakikiusap ako sa inyong talikuran na ninyo ang masasamang pagnanasa ng inyong katawan na nakikipaglaban sa inyong espiritu.

Pag-isipan: Binago ba ng pagiging isang “dayuhan” o “bihag” ang pananaw mo tungkol sa mundo sa paligid mo?

Pag-isipan: May mga praktikal ka bang bagay na magagawa ngayon upang talikuran ang pagnanasa ng iyong katawan?

Faith Step

Kausapin ang kasama mo sa pananalangin tungkol sa “mga pagnanasa ng katawan” na maaaring pareho ninyong pinagdaraanan. Maglaan ng panahon para sa pananalangin, pagsisisi at paghiling sa Banal na Espiritu na baguhin at palakasin ka.

Panalangin

Jesus, salamat dahil gumawa Ka ng daan upang ako ay maging banal, kahit sa panahong nahihirapan akong pagtagumpayan ang mga makasalanang hangarin. Inilagay Mo ako bilang dayuhan at bihag sa mundong ito, ngunit ipinagdarasal ko na maghari Ka sa aking puso at araw-araw Mong baguhin ang aking kalooban. Tulungan Mo akong tanggapin ang pagsubok ng kabanalan at araw-araw na piliin ang pagiging matuwid, kahit sa panahong natutukso akong sundin ang kagustuhan ng aking laman. Baguhin Mo ako mula sa loob hanggang sa labas upang maging liwanag ako sa mundong ito. Idinadalangin ko ito sa Iyong pangalan, amen.

Araw 2Araw 4

Tungkol sa Gabay na ito

Set Apart | Isang Biblikal na Pananaw sa Kabanalan

Sa simula ng bawat taon, maglaan tayo ng oras para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Sa panahong ito, tingnan natin kung paano tayo tinawag ng Diyos na tanggapin ang Kanyang biyaya upang tayo ay maging banal at mamuhay para kay Cristo.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/