Set Apart | Isang Biblikal na Pananaw sa KabanalanHalimbawa
1 Pedro 2:21–25
Ang mga pagdurusa ni Cristo para sa atin ang halimbawang dapat nating tularan. Ito ang dahilan kung bakit tayo tinawag, para tularan natin ang buhay ni Cristo. Hindi siya nagkasala o nagsinungaling man. Ininsulto siya pero hindi siya gumanti ng insulto. Pinahirapan siya pero hindi siya nagbanta. Ipinagkatiwala niya ang lahat sa Diyos na humahatol nang makatarungan. Si Cristo ang umako sa mga kasalanan natin nang ipako siya sa krus, para iwanan na natin ang buhay na makasalanan at mamuhay nang matuwid. Dahil sa mga sugat niya, gumaling tayo. Para tayong mga tupang naligaw noon, pero nakabalik na tayo ngayon sa Panginoon na Tagapag-alaga at Tagapagbantay ng ating buhay.
Karagdagang Babasahin: Isaias 53:3–6, 7; Lucas 15:1–7; Juan 10:11; Mga Taga-Roma 6:10–11, 23; Mga Taga-Galacia 3:13
Ang krus ang pinakamahalagang bahagi ng mensahe ng ebanghelyo. Nagpapasalamat tayo kay Jesus dahil ang kamatayan Niya sa krus ang nagpanumbalik sa atin sa Diyos. Ngayon, ang pagpako sa krus ay isang gawaing hindi na pamilyar sa atin. Sa kultura ni Jesus, ang pagpako sa krus ay isang nakakahiya at napakasakit na paraan ng pagkamatay. Isa itong paraang ginamit ng mga Romano para pahirapan at ipahiya ang mga nagkasala, at ginagamit nila ang kanilang biktima bilang babala sa iba.
Sa unang tingin, ang kamatayan ni Jesus ay dapat na magsilbing isang babala—”Kung mabubuhay ka gaya ng lalaking ito, mamamatay ka.” Ngunit sa katunayan, ito ay nagbibigay kalayaan—“Si Cristo ang umako sa mga kasalanan natin nang ipako siya sa krus, para iwanan na natin ang buhay na makasalanan at mamuhay nang matuwid.” Ang pagpako sa krus ay kumakatawan sa pagiging hindi banal, ngunit inako ni Cristo ang ating mga kasalanan upang tayo’y maging banal.
Ang Kanyang kamatayan ang pangunahing bahagi ng ating kabanalan, ang sakripisyo Niya ang naging simula ng bago nating pagkakakilanlan. Hindi ang ating mga gawa, pinanggalingang pamilya, pinansyal na sitwasyon, o katayuan sa lipunan ang magliligtas sa atin at magdadala sa atin sa katuwiran. Lahat ng ating espiritwal na pagpapala, kabilang na ang basehan ng ating kabanalan, ay nakasalalay sa krus ni Cristo.
Ang Kanyang buhay, kamatayan, at pagkabuhay-muli ay may impluwensiya sa bawat bahagi ng ating buhay. Ipinagkakaloob Niya ang kaligtasan ng ating kaluluwa, kagalingan ng ating katawan, kapayapaan at karunungan, at pagbalik sa pamilya ng Diyos. Lahat ng kaloob na ito ay libre Niyang ibinigay, at natatanggap natin ang kabuuan ng ating kaligtasan sa pamamagitan lamang ng biyayang galing sa pananampalataya.
Ang sakripisyo ni Cristo ang naging tulay natin sa Diyos. Siya ang naglagay ng matibay na pundasyon kung saan natin maitatayo ang ating buhay, at masasandalan natin ang tinapos na Niyang gawin. Dahil sa Kanyang ginawa, tayo ay naging matuwid sa harap ng Diyos. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng muli Niyang pagkabuhay, makakapamuhay din tayo nang banal. Ang basehan ng ating kabanalan ay ang krus ni Cristo.
Si Cristo ang umako sa mga kasalanan natin nang ipako siya sa krus, para iwanan na natin ang buhay na makasalanan at mamuhay nang matuwid. Dahil sa mga sugat niya, gumaling tayo.
Pag-isipan: Pag-isipan ang kahalagahan ng krus at ng sakripisyo ni Cristo para sa iyo.
Pag-isipan: Ang kabanalan ay nakasalalay sa krus ni Cristo. Ano ang ibig sabihin nito sa iyong pamumuhay nang may pananampalataya?
Faith Step
Isulat ang pangalan ng mga taong ipinapanalangin mong magkaroon ng pananampalataya. Ipanalangin na bigyan ka ng Diyos ng pagkakataon ngayong linggo para maibahagi ang ebanghelyo sa kanila.
Panalangin
Jesus, salamat sa Iyong sakripisyo sa krus. Karapat-dapat akong tumanggap ng kamatayan dahil sa mga kasalanan ko, ngunit ipinagkaloob Mo sa akin ang buhay na walang hanggan nang walang hinihinging kabayaran. Tinubos Mo ako sa kadiliman at ginawa Mo akong banal. Salamat dahil hindi nakasalalay sa akin ang kabanalan ko. Nakasalalay ito sa Iyong buhay, kamatayan, at pagkabuhay-muli. Nawa’y maalala ko ang kabutihan ng Iyong ebanghelyo sa lahat ng araw ng aking buhay. Panginoon, pinupuri Kita dahil Ikaw ang naging tulay sa pagitan natin, at idinadalangin ko na maging matapang ako sa pagbabahagi ng Iyong kabutihan sa mga tao sa paligid ko. Amen.
Tungkol sa Gabay na ito
Sa simula ng bawat taon, maglaan tayo ng oras para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Sa panahong ito, tingnan natin kung paano tayo tinawag ng Diyos na tanggapin ang Kanyang biyaya upang tayo ay maging banal at mamuhay para kay Cristo.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/