Place of Grace | Isang Debosyonal para sa Semana Santa mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng PagkabuhayHalimbawa
Ang Paglibing kay Cristo
BASAHIN
Kinabukasan, Araw ng Pamamahinga, pumunta ang mga namamahalang pari at ang mga Pariseo kay Pilato. Sinabi nila, “Natatandaan po namin na noong buhay pa ang mapagpanggap na iyon, sinabi niya na mabubuhay daw siyang muli pagkatapos ng tatlong araw. Kaya mabuti sigurong pabantayan po ninyo ang kanyang libingan sa mga susunod na araw, dahil baka nakawin ng mga tagasunod niya ang kanyang bangkay at ipamalitang nabuhay siya. Kapag nangyari ito, mas magiging masahol pa ang pandarayang ito kaysa sa noong una.” Sumagot si Pilato sa kanila, “May mga guwardya kayo. Kayo na ang magpabantay ayon sa nalalaman ninyo.” Kaya pumunta sila sa libingan, at tinatakan nila ang bato na nakatakip sa libingan upang malaman nila kung may nagbukas, at nag-iwan sila roon ng ilang mga bantay.
MATEO 27:62–66
Basahin din: Lucas 23:55–56; Juan 19:39–40
PAG-ISIPAN
Habang ipinagpapatuloy natin ang ating mga debosyon ngayong linggo, maglaan tayo ng ilang sandali upang manalangin at hilingin sa Diyos na kausapin at tulungan tayo sa isang paraang nakapagpapaginhawa:
Mapagmahal at maawaing Ama,
kami ay nagpapakumbaba sa
Iyong labis na pagkamapagbigay
sa pagpapadala Mo ng Iyong kaisa-isang Anak
upang kami ay maibalik sa Iyo.
Palalimin Mo ang aming pananampalataya
at palaguin ang aming pagtitiwala
upang buong tapang naming maipahayag kung sino Ka
at kung ano ang Iyong ginawa
para sa amin. Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Sa ating kultura, ang araw matapos mamatay at mailibing si Jesus ay kilala bilang isang tahimik na araw. Marami pa rin ang naniniwala na patay pa rin si Jesus tuwing Banal na Sabado sa bawat Semana Santa.
Sa Bibliya, ang tanging mga tiyak na detalye na binigay para sa araw na ito ay ang pag-uusap sa pagitan ni Pilato at ng bantay kung saan ay nagkasundo sila na bantayan ang libingan ni Jesus. Maliban doon, wala masyadong nakasulat sa Kasulatan tungkol sa mga ginagawa ng mga disipulo o kung nasaan man sila noong mga panahong ito. Ngunit bago pa ang paglilibing kay Jesus, sinabi na ng Kasulatan kung ano ang nangyari. Noong inaresto si Jesus, nagkawatak-watak ang mga disipulo. Noong namatay Siya, inihanda ng ilan sa mga tagasunod ni Jesus—si Jose na taga-Arimatea, si Maria, si Maria na taga-Magdala, at maging si Nicodemus—ang Kanyang katawan gamit ang mira at pabango bago Siya inilibing. Kaya sa araw na ito, maaaring natatago pa ang mga natirang disipulo at naghihintay sa tamang oras para magpakita at alamin ang mga nangyari kay Jesus.
Pag-isipan mo ang kamatayan ni Jesus sa krus bilang pinakadakilang sakripisyo para tubusin ang sangkatauhan mula sa kaharian ng kadiliman tungo sa Kanyang kahanga-hangang liwanag.
Sa araw na ito ng Pamamahinga, may dalawang grupo ng mga tao sa paligid:
- Hindi naniniwala kay Jesus ang mga relihiyosong pinuno at sa halip ay tiniyak na sarado ang Kanyang libingan at hindi mabubuksan. Sinubukan nila na siguraduhing hindi makakalabas si Jesus sa libingan at hindi magtatangkang nakawin ng mga disipulo ang Kanyang katawan. Habang tila nakalimot ang mga disipulo sa pangakong mabubuhay muli si Jesus, naalala naman ito ng mga relihiyosong pinuno. Sa sa lenggwahe natin sa kasalukuyan, masasabing kinansela nila si Jesus at ang anumang posibilidad na mabubuhay Siyang muli.
- Ilan sa Kanyang mga disipulo ay tunay na naniwala at nagmalasakit kay Jesus sa kabila ng kawalang katiyakan dahil sa Kanyang kamatayan. Sa araw na iyon ng pahinga, nanatili silang tapat kay Jesus at malapit lang sa kung saan Siya inilibing
Ang araw na ito ay ipinagdiriwang sa iba’t ibang paraan sa buong mundo ng mga nagsasabing sila ay Kristiyano. Ang iba ay ginagamit ito bilang araw ng libangan at pagsasaya, at nakakaligtaan na nila ang masakripisyong pagkamatay ni Jesus. Ang iba naman ay may ibang matinding pananaw. Dahil sa paniniwalang magpahanggang ngayon ay patay pa rin si Jesus, ginagawa pa rin nila ang iba’t ibang mga relihiyosong rituwal upang ipagluksa ang Kanyang kamatayan.
Kahit anong pananaw pa man ang pinaggagalingan mo, nawa’y magsilbing pagkakataon ang araw na ito para mapag-isipan mo ang kamatayan ni Jesus sa krus bilang pinakadakilang sakripisyo para tubusin ang sangkatauhan mula sa kaharian ng kadiliman tungo sa Kanyang kahanga-hangang liwanag. Ngayon, kung naisantabi mo man ang masakripisyong pagkamatay ni Jesus, maglaan ng panahon upang gunitain at alalahanin kung ano ang ginawa Niya para sa ‘yo. Kung ikaw ay nagluluksa, mapagpakumbaba mong ipagdiwang ang Kanyang kagustuhan na akuin ang iyong kamatayan sa krus at ihayag mo ang iyong pasasalamat sa Kanyang sakripisyo. Sa katunayan, ang krus ang lugar kung saan ibinuhos ni Jesus hindi lamang ang Kanyang dugo kundi ang pagpapakita ng lalim ng Kanyang biyaya at pagmamahal. Bilang mga Kristiyano, naniniwala tayo na ang pagkamatay ni Jesus sa krus ang nagdala sa atin ng kapatawaran. Kay Cristo, napunasan na ang ating mga kasalanan at kahihiyan.
Pwede tayong maging maligaya sa araw na kagaya nito dahil alam natin na hindi nagtapos sa Banal na Sabado ang kwento. Parating na ang Linggo at hindi Siya mapipigilan ng libingan!
TUMUGON
- Aling tugon sa kamatayan ni Cristo ang mas nauunawaan mo? Paano mo dati ipinagdiriwang ang Banal na Sabado at paano ito nagbago dahil sa pagkakaintindi mo sa ebanghelyo?
- Ano ang sinasabi sa 2 Corinto 5:21 at Colosas 2:13–14 tungkol sa ginawa ni Jesus para sa atin?
- Paano napapalakas ng katotohanang mababasa sa Colosas 3:3 ang loob mo para mamuhay nang malaya sa pagkondena? Paano ka nahihikayat ng salita ng Diyos na mamuhay nang may pagsunod sa Kanya?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Taun-taon, nagtitipon-tipon ang mga mananampalataya para ipagdiwang ang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng Pagkabuhay, pag-isipan natin kung paano ipinakita ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapadala sa Kanyang Anak upang mamatay sa krus at dalhin tayo sa lugar ng biyaya't pagmamahal na nagbibigay sa atin ng kakayahang ipamuhay ang naging tagumpay ni Cristo.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/