Place of Grace | Isang Debosyonal para sa Semana Santa mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng PagkabuhayHalimbawa
Ang Matagumpay na Pagpasok
BASAHIN
Pagkatapos magkwento ni Jesus, nagpatuloy siya sa paglalakad at nanguna sa kanila papuntang Jerusalem. Nang malapit na sila sa mga nayon ng Betfage at Betania, sa bundok na kung tawagin ay Bundok ng mga Olibo, pinauna niya ang dalawa niyang tagasunod. Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok n’yo roon makikita ninyo ang isang batang asno na nakatali. Hindi pa ito nasasakyan ng kahit sino. Kalagan ninyo at dalhin dito. Kung may magtanong kung bakit ninyo kinakalagan ang asno, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon.” Kaya lumakad ang dalawang inutusan, at nakakita nga sila ng asno ayon sa sinabi ni Jesus. Nang kinakalagan na nila ang asno, tinanong sila ng mga may-ari, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?” Sumagot sila, “Kailangan ito ng Panginoon.” Dinala nila ang asno kay Jesus, at isinapin nila ang kanilang mga balabal nila sa likod ng asno at pinasakay si Jesus. Habang nakasakay siya sa asno papuntang Jerusalem, inilatag ng mga tao ang kanilang mga balabal sa dadaanan niya. Nang pababa na siya sa Bundok ng mga Olibo at malapit na sa Jerusalem, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng tagasunod niya at nagpuri nang malakas sa Diyos dahil sa mga himalang nasaksihan nila. Sinabi nila, “Pinagpala ng Panginoon ang haring kanyang ipinadala. Mayroon na tayong magandang relasyon sa Diyos. Purihin ang Diyos sa langit!”
LUCAS 19:28–38
Basahin din: Zacarias 9:9; Mateo 21:1–11; Marcos 11:1–11; Juan 12:12–15
PAG-ISIPAN
Ngayong linggo, habang sinusundan natin ang kuwento ni Jesus sa mga araw patungo sa Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, nawa’y hindi lamang natin ito tingnan bilang isang relihiyosong tradisyon o panahon ng paglilibang kundi isa ring makabuluhang panahon para makapag-isip-isip at sumamba.
Ang kwento sa talatang ito ay kilala bilang ang matagumpay na pagpasok ni Jesus sa Jerusalem. Lahat ng apat na libro ng ebanghelyo ay nagkuwento tungkol dito. Sa salaysay ni Lucas, sinabi sa atin na noong pumasok si Jesus sa Jerusalem, Siya ay sinalubong at binati ng maraming disipulo na nagdiriwang, nagpupuri sa Diyos, at naglalatag ng kanilang mga balabal sa daan habang Siya ay dumaraan sakay ng isang bisiro o batang asno. Sinasabi naman nina Mateo at Marcos sa atin na ang mga tao ay naglatag din ng mga madahong sanga na pinutol nila sa mga puno, habang si Juan naman ay partikular na nagsabing nagdala ng mga sanga ng niyog ang mga tao habang lumalabas upang makita si Jesus. Bakit may ganoon kalaking pagdiriwang at pagpupuri?
Ang matagumpay na pagpasok ni Jesus sa Jerusalem ay bahagi ng Kanyang itinakdang paglalakbay tungo sa krus kung saan inalay Niya ang Kanyang buhay, ibinuhos Niya ang Kanyang biyaya, at sa huli ay nagtagumpay Siya laban sa kasalanan at kamatayan.
Tinukoy nina Mateo at Juan ang isang propesiya sa Zacarias 9:9 na natupad—tungkol sa isang matuwid na Hari na darating na nakasakay sa isang bisiro at magdadala ng kaligtasan—at kung paanong naisakatuparan ito ni Jesus nang pumasok Siya sa Jerusalem. Hindi nakakapagtakang nagdiwang ang mga tao!
Makikita natin sa kuwento ang tatlong magkakaibang grupo na nasalubong ni Jesus at titingnan natin ang mga natanggap ni Jesus mula sa bawat grupo:
- Una ay ang mga disipulo na inutusan upang kumuha ng bisiro na gagamitin ni Jesus para pumasok ng Jerusalem. Sinunod nila lahat ang bilin ni Jesus at nahanap ang lahat ng sinabi Niya.
- Pangalawa, makikita natin ang may-ari ng bisiro. Walang masyadong nabanggit tungkol sa kanya maliban na lang sa binigay niya kay Jesus—isinuko niya ang kanyang bisiro at hinayaang maibukod ito at magamit para sa pangangailangan ni Jesus.
- Pangatlo, ang maraming taong bumati kay Jesus na nagdiriwang at nagbibigay papuri sa Kanya habang inilalatag ang kanilang mga balabal at itinataas ang mga sanga ng niyog. Ang paglalatag ng mga balabal at pagtataas ng mga sanga ng niyog ay mga kilos na nagpapakita ng pagsamba at pagkilala sa Kanya bilang Hari.
Lahat ng nabibilang sa tatlong grupong ito ay nagbigay ng anumang mayroon sila kay Jesus. Tumugon sila sa Kanya nang may pagsunod, pagsuko, at papuri. Sa kabilang banda, ang mga relihiyosong lider na mga Fariseo ay hindi ito nagawa dahil hindi nila nakilala na si Jesus ang Panginoon at Mesias. Sa halip na sumunod, sumuko, at magpuri, sila ay nagkukumpara, nakikipagkumpetensiya, at nagrereklamo.
Nawa’y maging tulad tayo ng mga disipulo, ng may-ari ng bisiro, at ng mga tao na nagbigay kay Jesus ng lahat ng mayroon sila at lahat ng nararapat sa Kanya. Nawa’y hindi tayo tumuon sa pagiging relihiyoso at matabunan ang pagkilala kay Cristo. Tunay nga na karapat-dapat si Jesus sa pagtanggap ng lahat ng ating pagsunod, pagsuko, at papuri. Ang nakilala bilang matagumpay na pagpasok ni Jesus sa Jerusalem ay bahagi ng Kanyang itinakdang paglalakbay tungo sa krus kung saan inalay Niya ang Kanyang buhay, ibinuhos Niya ang Kanyang biyaya, at sa huli ay nagtagumpay Siya laban sa kasalanan at kamatayan. Bilang pasasalamat, nawa’y sundin natin Siya, magpasakop tayo sa Kanya, at ibigay natin ang papuring nararapat Niyang matanggap—araw-araw at magpakailanman.
TUMUGON
- Tukuyin ang mga bahagi ng buhay mo kung saan hinihiling ng Diyos na mamuhay ka nang may higit na pagsunod sa Kanya. Sinasabi ng Banal na Kasulatan na kapag mahal natin Siya, susundin natin ang mga ipinag-uutos Niya (Juan 14:15). Habang pinag-iisipan ito, maglaan ng panahon upang magsisi sa anumang pagsuway sa Kanya. Ipanalangin na mas patatagin pa ng Diyos ang pagmamahal mo sa Kanya, at maisabuhay mo ang pagsunod sa mga bahaging ito ng iyong buhay.
- Tulad ng pagbibigay ng may-ari ng bisiro sa kanyang alaga para magamit ng Panginoon, ano kaya ang hinihingi ng Diyos na isuko mo sa Kanya ngayon? Paano mo Siya mapagsisilbihan ngayon?
- Ang matagumpay na pagpasok ni Jesus ay isang paglalakbay tungo sa krus upang ialay ang Kanyang buhay para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Karapat-dapat Siyang tumanggap ng ating papuri. Ngayon, maglaan ka ng ilang minuto para kausapin ang Diyos at pasalamatan Siya sa pagpili Niyang biyayaan ka, at ialay ang Kanyang buhay para sa ‘yo. Ngayong linggo, magkuwento sa iba tungkol sa ginawa ng Diyos para sa ‘yo.
Blessing and Honor ng Victory Worship
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Taun-taon, nagtitipon-tipon ang mga mananampalataya para ipagdiwang ang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng Pagkabuhay, pag-isipan natin kung paano ipinakita ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapadala sa Kanyang Anak upang mamatay sa krus at dalhin tayo sa lugar ng biyaya't pagmamahal na nagbibigay sa atin ng kakayahang ipamuhay ang naging tagumpay ni Cristo.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/