Umalis ang mga Pariseo at nagplano kung paano nila mahuhuli si Jesus sa kanyang mga pananalita. Kaya pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa kanilang mga kasamahan at ang ilan sa mga tauhan ni Herodes. Sinabi ng mga ito, “Guro, alam po namin na totoo ang mga sinasabi ninyo. Itinuturo nʼyo ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Dios. Wala kayong pinapaboran, dahil hindi kayo tumitingin sa katayuan ng tao. Ano sa palagay nʼyo? Tama po ba na tayong mga Judio ay magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma o hindi?” Pero alam ni Jesus ang masama nilang balak, kaya sinabi niya, “Mga pakitang-tao! Bakit ninyo ako sinusubukang hulihin sa tanong na iyan? Patingin nga ng perang ipinambabayad ng buwis.” Iniabot nila sa kanya ang pera. Tinanong sila ni Jesus, “Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit sa pera?” Sumagot sila, “Sa Emperador.” Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Dios ang para sa Dios.” Namangha sila nang marinig ang sagot ni Jesus, kaya iniwan nila siya.
Nang araw ding iyon, lumapit at nagtanong kay Jesus ang ilang mga Saduceo – mga taong hindi naniniwala sa muling pagkabuhay. Sinabi nila, “Guro, sinabi ni Moises na kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa asawa niya, dapat pakasalan ng kanyang kapatid ang naiwan niyang asawa para magkaanak sila para sa kanya. Noon ay may pitong magkakapatid na lalaki rito sa amin. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid. Pero namatay din siya na wala silang anak. Ganoon din ang nangyari sa ikatlo hanggang sa ikapitong kapatid. At kinalaunan, namatay din ang babae. Ngayon, sa araw ng muling pagkabuhay ng mga patay, sino po ba sa pito ang magiging asawa ng babaeng iyon dahil silang lahat ay napangasawa niya?” Sumagot si Jesus, “Maling-mali kayo, dahil hindi ninyo nauunawaan ang Kasulatan at ang kapangyarihan ng Dios. Sapagkat sa muling pagkabuhay hindi na sila mag-aasawa. Magiging tulad sila ng mga anghel sa langit. Tungkol naman sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang sinabi ng Dios sa inyo? Sinabi niya, ‘Ako ang Dios nila Abraham, Isaac, at Jacob.’ Hindi siya Dios ng mga patay kundi ng mga buhay.” Nang marinig ito ng mga tao, namangha sila sa kanyang pagtuturo.
Nang mabalitaan ng mga Pariseo na walang magawa ang mga Saduceo kay Jesus, nagtipon silang muli at lumapit sa kanya. Isa sa kanila, na tagapagturo ng Kautusan, ang nagtanong kay Jesus upang subukin siya, “Guro, ano po ba ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” Sumagot si Jesus, “ ‘Mahalin mo ang Panginoon mong Dios nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip.’ Ito ang pinakamahalagang utos sa lahat. At ang ikalawang pinakamahalagang utos ay katulad din nito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa katulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.’ Ang buong Kautusan ni Moises at ang mga isinulat ng mga propeta ay nakasalalay sa dalawang utos na ito.”
Habang nagkakatipon pa ang mga Pariseo, tinanong sila ni Jesus, “Ano ba ang pagkakakilala ninyo sa Cristo? Kaninong angkan siya nagmula?” Sumagot sila, “Kay David.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung angkan lang siya ni David, bakit tinawag siya ni David na ‘Panginoon,’ sa patnubay ng Banal na Espiritu? Ito ang sinabi niya,
‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
Maupo ka sa aking kanan hanggang sa mapasuko ko sa iyo ang iyong mga kaaway.’
Kung tinawag siya ni David na Panginoon, paano siya naging angkan lang ni David?” Wala ni isa mang nakasagot sa tanong ni Jesus. Mula noon, wala nang nangahas na magtanong sa kanya.