Pagkatapos ay umalis ang mga Fariseo at pinag-uusapan nila kung paano siyang mabibitag sa kanyang pananalita.
Kaya't sinugo nila ang kanilang mga alagad sa kanya, kasama ng mga Herodiano, na nagsasabi, “Guro, alam naming ikaw ay tapat, at itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan at wala kang pinapanigang sinuman, sapagkat hindi ka nagtatangi ng tao.
Sabihin mo nga sa amin, ano sa palagay mo? Matuwid bang magbuwis kay Cesar, o hindi?”
Ngunit batid ni Jesus ang kanilang kasamaan, sinabi niya, “Bakit ninyo ako sinusubok, mga mapagkunwari?
Ipakita ninyo sa akin ang salaping pambuwis.” At dinala sa kanya ang isang denario.
Sinabi niya sa kanila, “Kaninong larawan ito at ang nakasulat?”
Sinabi nila sa kanya, “Kay Cesar.” Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Kaya't ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar at sa Diyos ang sa Diyos.”
Nang marinig nila ito ay namangha sila. Kanilang iniwan siya at sila'y umalis.
Nang araw ding iyon ay lumapit kay Jesus ang mga Saduceo, na nagsasabing walang pagkabuhay na muli; at kanilang tinanong siya,
na sinasabi, “Guro, sinabi ni Moises, ‘Kung mamatay ang isang tao na walang anak, pakakasalan ng kanyang kapatid na lalaki ang asawa niya, at magkakaroon ng mga anak para sa kanyang kapatid na lalaki.’
Ngayon, mayroon sa aming pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at siya'y namatay. Sapagkat hindi siya nagkaroon ng anak ay iniwan niya ang kanyang asawa sa kanyang kapatid na lalaki.
Gayundin naman ang nangyari sa ikalawa at sa ikatlo, hanggang sa ikapito.
At kahuli-hulihan sa lahat ay namatay ang babae.
Kaya sa muling pagkabuhay, alin sa pito ang magiging asawa ng babae? Yamang siya'y napangasawa nilang lahat.”
Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Nagkakamali kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman ang mga kasulatan, o ang kapangyarihan ng Diyos.
Sapagkat sa muling pagkabuhay ay hindi sila nag-aasawa o pinag-aasawa pa kundi sila'y tulad sa mga anghel sa langit.
At tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, hindi ba ninyo nabasa ang sinabi sa inyo ng Diyos,
‘Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob’? Siya ay hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy.”
Nang marinig ito ng napakaraming tao, namangha sila sa kanyang aral.
Ngunit nang marinig ng mga Fariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Saduceo, ay nagtipon sila.
At isa sa kanila, na tagapagtanggol ng kautusan, ay nagtanong sa kanya upang siya'y subukin.
“Guro, alin ba ang dakilang utos sa kautusan?”
At sinabi sa kanya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.’
Ito ang dakila at unang utos.’
At ang pangalawa ay katulad nito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.’
Sa dalawang utos na ito nakasalig ang buong kautusan at ang mga propeta.”
Habang nagkakatipon ang mga Fariseo ay tinanong sila ni Jesus,
na sinasabi, “Ano ang palagay ninyo tungkol sa Cristo? Kaninong anak siya?” Sinabi nila sa kanya, “Kay David.”
Sinabi niya sa kanila, “Kung gayo'y bakit si David nang nasa Espiritu ay tumatawag sa kanya ng Panginoon, na nagsasabi,
‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
“Maupo ka sa aking kanan,
hanggang sa mailagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa”’?
Kung tinatawag nga siya ni David na Panginoon, paanong siya'y naging kanyang anak?”
Walang nakasagot sa kanya kahit isang salita, at wala na ring sinumang nangahas pang magtanong sa kanya ng anuman buhat sa araw na iyon.