Umalis ang mga Pariseo at nag-usap-usap kung paano nila mahuhuli si Jesus sa kanyang pananalita. Kaya pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa kanilang mga alagad kasama nang ilang tagasunod ni Herodes. Sinabi ng mga sugo, “Guro, nalalaman naming kayo'y tapat at itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng mga tao. Wala kayong itinatangi sapagkat pareho ang pagtingin ninyo sa mga tao. Ano po ang palagay ninyo? Naaayon ba sa Kautusan na magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?”
Alam ni Jesus ang kanilang masamang layunin kaya't sinabi niya, “Kayong mga mapagkunwari! Bakit nais ninyo akong hulihin? Ipakita ninyo sa akin ang isang salaping pambuwis.”
At ipinakita nga nila ang isang salaping pilak. “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit diyan?” tanong ni Jesus.
“Sa Emperador po,” tugon nila.
Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa kanya, at sa Diyos ang para sa Diyos.”
Namangha sila nang marinig ito, at sila'y umalis.
Nang araw ding iyon, may lumapit kay Jesus na ilang Saduseo. Ang mga ito ay hindi naniniwalang muling mabubuhay ang mga patay. Sinabi nila, “Guro, itinuro po ni Moises na kung mamatay na walang anak ang isang lalaki, ang kanyang kapatid ay dapat pakasal sa nabiyuda upang magkaanak sila para sa namatay. Noon po'y may pitong magkakapatid na lalaki rito sa amin. Nag-asawa ang panganay at namatay siyang walang anak, kaya't ang kanyang asawa ay pinakasalan ng kanyang kapatid. Gayundin po ang nangyari sa pangalawa, sa pangatlo, hanggang sa pampito. Pagkamatay nilang lahat, namatay naman ang babae. Ngayon, sino po sa pito ang magiging asawa niya sa muling pagkabuhay, yamang siya'y napangasawa nilang lahat?”
Sumagot si Jesus, “Maling-mali ang iniisip ninyo, palibhasa'y hindi ninyo nauunawaan ang mga Kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos. Sa muling pagkabuhay, ang mga tao'y hindi na mag-aasawa; sila ay magiging tulad ng mga anghel sa langit. Tungkol naman sa muling pagkabuhay ng mga patay, hindi pa ba ninyo nababasa sa Kasulatan ang sinabi sa inyo ng Diyos? Sabi niya, ‘Ako nga ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.’ Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy.”
Nang marinig ito ng mga tao, namangha sila sa kanyang katuruan.
Nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Jesus ang mga Saduseo. Isa sa kanila, na dalubhasa sa Kautusang Judio, ang nagtanong kay Jesus upang subukin ito. “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” tanong niya.
Sumagot si Jesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang katuruan ng mga propeta.”
Tinanong naman ni Jesus ang mga Pariseong nagkakatipon doon. “Ano ang pagkaalam ninyo tungkol sa Cristo? Kanino siyang anak?”
“Kay David po,” sagot nila.
Sabi ni Jesus, “Kung gayon, bakit siya tinawag ni David na ‘Panginoon’ nang nasa kanya ang Espiritu? Ganito ang kanyang sinabi,
‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon:
Maupo ka sa kanan ko,
hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.’
Ngayon, kung si David ay tumawag sa kanya ng ‘Panginoon,’ paanong masasabing anak ni David ang Cristo?” Isa man sa kanila'y walang nakasagot, at mula noo'y wala nang nangahas magtanong sa kanya.