Nang ikalabinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar, si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea, at tetrarka sa Galilea si Herodes. Ang kanyang kapatid na si Felipe ang tetrarka sa lupain ng Iturea at Traconite, at si Lisanias ang tetrarka sa Abilinia, Sa panahon ng mga pinakapunong pari na sina Anas at Caifas, dumating ang salita ng Diyos kay Juan, na anak ni Zacarias, sa ilang. Siya'y nagtungo sa buong lupain sa palibot ng Jordan, na ipinangangaral ang bautismo ng pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Gaya ng nasusulat sa aklat ng mga salita ni propeta Isaias, “Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang, ‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas. Bawat libis ay matatambakan, at bawat bundok at burol ay papatagin, at ang liko ay tutuwirin, at ang mga baku-bakong daan ay papantayin. At makikita ng lahat ng laman ang pagliligtas ng Diyos.’” Kaya't sinabi ni Juan sa napakaraming tao na dumating upang magpabautismo sa kanya, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo na tumakas sa poot na darating? Kaya't mamunga kayo ng karapat-dapat sa pagsisisi at huwag ninyong sabihin sa inyong sarili, ‘Si Abraham ang aming ama.’ Sapagkat sinasabi ko sa inyo na magagawa ng Diyos na magbangon mula sa mga batong ito ng magiging anak ni Abraham.
Basahin LUCAS 3
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: LUCAS 3:1-8
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas