Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at si Juan na kanyang kapatid, at sila'y dinalang bukod sa isang mataas na bundok.
Nagbagong-anyo siya sa harap nila at nagliwanag ang kanyang mukha na tulad ng araw, at pumuti ang kanyang mga damit na tulad sa ilaw.
At nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa kanya.
Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti na tayo ay naririto. Kung ibig mo, ay gagawa ako rito ng tatlong tolda, isa sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.”
Samantalang nagsasalita pa siya, biglang naliliman sila ng isang maliwanag na ulap, at may isang tinig mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak; sa kanya ako'y lubos na nalulugod. Makinig kayo sa kanya.”
Nang marinig ito ng mga alagad, napasubsob sila at sinidlan ng malaking takot.
Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinawakan na nagsasabi, “Bumangon kayo at huwag kayong matakot.”
Nang tumingin sila sa itaas, wala silang nakitang sinuman, maliban kay Jesus.
Nang pababa na sila sa bundok, iniutos ni Jesus sa kanila na nagsasabi, “Huwag ninyong sasabihin kanino man ang pangitain, hanggang ang Anak ng Tao ay muling buhayin mula sa mga patay.”
Tinanong siya ng kanyang mga alagad, na nagsasabi, “Bakit kaya sinasabi ng mga eskriba na kailangang dumating muna si Elias?”
Sumagot siya, at sinabi, “Totoong darating si Elias at ibabalik ang lahat ng mga bagay.
Ngunit sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias, at siya'y hindi nila kinilala kundi ginawa nila sa kanya ang anumang kanilang naibigan. Gayundin naman ang Anak ng Tao ay malapit nang magdusa sa kanila.”
Naunawaan nga ng mga alagad na si Juan na Tagapagbautismo ang sinasabi niya sa kanila.
Nang dumating sila sa napakaraming tao, lumapit sa kanya ang isang tao, lumuhod sa harapan niya,
at nagsabi, “Panginoon, mahabag ka sa aking anak na lalaki, sapagkat siya'y may epilepsiya at lubhang nahihirapan; sapagkat madalas siyang bumabagsak sa apoy at sa tubig.
Dinala ko siya sa iyong mga alagad, ngunit siya'y hindi nila mapagaling.
Sumagot si Jesus at sinabi, “O lahing walang pananampalataya at napakasama, hanggang kailan ko pa kayo makakasama? Gaano katagal akong magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya rito.”
Sinaway ni Jesus ang demonyo at lumabas ito sa bata. Gumaling ang bata nang oras ding iyon.
Pagkatapos ay lumapit nang sarilinan ang mga alagad kay Jesus at sinabi nila, “Bakit hindi namin iyon napalayas?”
Sinabi niya sa kanila, “Dahil maliit ang inyong pananampalataya. Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung mayroon kayong pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mustasa, sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon mula rito,’ at ito'y lilipat; at sa inyo ay walang hindi maaaring mangyari.
[Ngunit ang ganito'y hindi lumalabas kundi sa pamamagitan ng panalangin at ayuno.]”
Habang sila'y nagkakatipon sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang Anak ng Tao ay malapit nang ipagkanulo sa kamay ng mga tao.
Siya'y papatayin nila ngunit siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw.” At sila'y labis na nalungkot.
Pagdating nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis na kalahating siklo, at sinabi nila, “Hindi ba nagbabayad ng buwis sa templo ang inyong guro?”
Sinabi niya, “Oo, nagbabayad siya.” At nang dumating siya sa bahay, inunahan na siya ni Jesus tungkol dito, na sinasabi, “Ano sa palagay mo, Simon? Kanino naniningil ng bayad o buwis ang mga hari sa lupa? Sa kanila bang mga anak o sa ibang tao?”
Kaya't nang sabihin niya, “Sa ibang tao,” ay sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayo'y hindi na pinagbabayad ang mga anak.
Ngunit upang hindi sila matisod sa atin, pumunta ka sa dagat at maghulog ka ng bingwit. Kunin mo ang unang isdang mahuhuli at kapag ibinuka mo ang kanyang bibig, matatagpuan mo ang isang siklo. Kunin mo iyon at ibigay mo sa kanila, para sa akin at sa iyo.”