Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 20:1-23

MATEO 20:1-23 ABTAG01

“Sapagkat ang kaharian ng langit ay tulad sa isang tao na pinuno ng sambahayan, na maagang lumabas sa umaga upang umupa ng mga manggagawa para sa kanyang ubasan. Matapos makipagkasundo sa mga manggagawa ng isang denario sa isang araw ay kanyang isinugo sila sa kanyang ubasan. At paglabas niya nang ikatlong oras, nakita niya ang iba sa pamilihan na nakatayong walang ginagawa. at sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan, at anumang nararapat ay ibibigay ko sa inyo.’ At pumunta sila. Paglabas niyang muli nang malapit na ang ikaanim na oras at ikasiyam, gayundin ang ginawa niya. At nang malapit na ang ikalabing-isang oras, lumabas siya at nakakita siya ng iba na nakatayo; at sinabi niya sa kanila, ‘Bakit nakatayo kayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa?’ Sinabi nila sa kanya, ‘Sapagkat walang umuupa sa amin.’ Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan.’ Nang magdadapit-hapon na, sinabi ng panginoon ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo ang mga manggagawa, at bayaran mo sila ng mga upa mula sa mga nahuli hanggang sa mga nauna.’ Nang lumapit ang mga inupahan nang ikalabing-isang oras, tumanggap ang bawat isa sa kanila ng isang denario. At nang lumapit ang mga nauna, ang akala nila'y tatanggap sila ng mas malaking halaga; ngunit tumanggap din ang bawat isa sa kanila ng isang denario. At nang tanggapin nila ito ay nagreklamo sila sa pinuno ng sambahayan, na nagsasabi, ‘Isang oras lamang nagtrabaho ang mga huling ito, at ipinantay mo sila sa amin na nagtiis ng hirap at nakakapasong init sa maghapon.’ Ngunit sumagot siya at sinabi sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya; hindi ba't nakipagkasundo ka sa akin sa isang denario? Kunin mo ang para sa iyo at umalis ka na. Nais kong ibigay sa huling nagtrabaho ang kagaya ng ibinigay ko sa iyo. Ako ba ay hindi pinahihintulutang gumawa ng nais ko sa mga bagay na pag-aari ko? O naiinggit ka ba sapagkat ako'y mabuti?’ Kaya't ang huli ay mauuna, at ang una ay mahuhuli.” Habang umaahon si Jesus patungo sa Jerusalem, ibinukod niya ang labindalawang alagad, at sa daan ay sinabi niya sa kanila, “Narito, umaahon tayo patungong Jerusalem. Ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga eskriba; at kanilang hahatulan siya ng kamatayan. At kanilang ibibigay siya sa mga Hentil upang kutyain, hagupitin at ipako sa krus; at siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw.” Pagkatapos ay lumapit kay Jesus ang ina ng mga anak ni Zebedeo, na kasama ang kanyang mga anak na lalaki. Siya'y lumuhod sa kanya at may hiniling na isang bagay sa kanya. At sinabi niya sa kanya, “Ano ang ibig mo?” Sinabi niya sa kanya, “Ipag-utos mo na itong dalawa kong anak ay umupo, ang isa sa iyong kanan, at ang isa sa iyong kaliwa, sa iyong kaharian.” Ngunit sumagot si Jesus at sinabi, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na malapit ko nang inuman? Sinabi nila sa kanya, “Kaya namin.” Sinabi niya sa kanila, “Talagang iinuman ninyo ang aking kopa, ngunit ang maupo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi ako ang magkakaloob, kundi iyon ay para sa kanila na pinaglalaanan ng aking Ama.”