Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 20:1-23

MATEO 20:1-23 ABTAG

Sapagka't ang kaharian ng langit ay tulad sa isang tao na puno ng sangbahayan, na lumabas pagkaumagang-umaga, upang umupa ng manggagawa sa kaniyang ubasan. At nang makipagkasundo na siya sa mga manggagawa sa isang denario sa bawa't araw, ay isinugo niya sila sa kaniyang ubasan. At siya'y lumabas nang malapit na ang ikatlong oras, at nakita ang mga iba sa pamilihan na nangakatayong walang ginagawa; At sinabi niya sa kanila, Magsiparoon din naman kayo sa ubasan, at bibigyan ko kayo ng nasa katuwiran. At nagsiyaon ng kanilang lakad sa ubasan. Lumabas siyang muli nang malapit na ang mga oras na ikaanim at ikasiyam, at gayon din ang ginawa. At lumabas siya nang malapit na ang ikalabingisang oras at nakasumpong siya ng mga iba na nangakatayo; at sinabi niya sa kanila, Bakit kayo'y nangakatayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa? At sinabi nila sa kaniya, Sapagka't sinoma'y walang umupa sa amin. Sinabi niya sa kanila, Magsiparito din naman kayo sa ubasan. At nang dumating ang hapon, sinabi ng panginoon ng ubasan sa kaniyang katiwala, Tawagin mo ang mga manggagawa, at bayaran mo sila ng kaupahan sa kanila, na mula sa mga huli hanggang sa mga una. At paglapit ng mga inupahan nang malapit na ang ikalabingisang oras ay tumanggap bawa't tao ng isang denario. At nang magsilapit ang mga nauna, ang isip nila'y magsisitanggap sila ng higit; at sila'y nagsitanggap din bawa't tao ng isang denario. At nang kanilang tanggapin ay nangagbulongbulong laban sa puno ng sangbahayan, Na nangagsasabi, Isa lamang oras ang ginugol nitong mga huli, sila'y ipinantay mo sa amin, na aming binata ang hirap sa maghapon at ang init na nakasusunog. Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi sa isa sa kanila, Kaibigan, hindi kita iniiring: hindi baga nakipagkayari ka sa akin sa isang denario? Kunin mo ang ganang iyo, at humayo ka sa iyong lakad; ibig kong bigyan itong huli, nang gaya rin sa iyo. Hindi baga matuwid sa aking gawin ang ibig ko sa aking pagaari? o masama ang mata mo, sapagka't ako'y mabuti? Kaya't ang mga una'y mangahuhuli, at ang mga huli ay mangauuna. Samantalang umaahon si Jesus, ay bukod niyang isinama ang labingdalawang alagad, at sa daa'y sinabi niya sa kanila, Narito, nagsisiahon tayo sa Jerusalem; at ibibigay ang Anak ng tao sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba; at kanilang hahatulang siya'y patayin, At ibibigay siya sa mga Gentil upang siya'y kanilang alimurahin, at hampasin, at ipako sa krus: at sa ikatlong araw siya'y ibabangon. Nang magkagayo'y lumapit sa kaniya ang ina ng mga anak na lalake ni Zebedeo, na kasama ang kaniyang mga anak na lalake na siya'y sinamba, at may hinihinging isang bagay sa kaniya. At sinabi niya sa kaniya, Ano ang ibig mo? Sinabi niya sa kaniya, Ipagutos mo na itong aking dalawang anak ay magsiupo, ang isa sa iyong kanan, at ang isa sa iyong kaliwa, sa iyong kaharian. Nguni't sumagot si Jesus at sinabi, Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Mangyayari bagang inuman ninyo ang sarong malapit nang aking iinuman? Sa kaniya'y sinabi nila, Mangyayari. Sinabi niya sa kanila, Katotohanang iinuman ninyo ang aking saro: datapuwa't ang maupo sa aking kanan, at sa aking kaliwa, ay hindi sa akin ang pagbibigay; datapuwa't yaon ay para sa kanila na mga pinaghandaan ng aking Ama.