“Ang kaharian ng langit ay maitutulad sa isang taong lumabas nang maagang-maaga upang humanap ng manggagawa para sa kanyang ubasan. Nang magkasundo na sila sa upa na isang salaping pilak sa maghapon, ang mga manggagawa ay pinapunta niya sa kanyang ubasan. Lumabas siyang muli nang mag-aalas nuwebe ng umaga at nakakita siya ng iba pang tatayu-tayo lamang sa palengke. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta din kayo at magtrabaho sa aking ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa.’ At pumunta nga sila. Lumabas na naman siya nang mag-aalas dose ng tanghali at nang mag-aalas tres ng hapon, at ganoon din ang ginawa niya. Nang mag-aalas singko na ng hapon, siya'y lumabas muli at nakakita pa ng mga ibang wala ring ginagawa. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit tatayu-tayo lang kayo dito sa buong maghapon?’ ‘Kasi po'y walang magbigay sa amin ng trabaho,’ sagot nila. Kaya't sinabi niya, ‘Kung gayon, pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.’
“Nang gumagabi na, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at bayaran mo sila magmula sa huli hanggang sa unang nagtrabaho.’ Ang mga nagsimula nang mag-aalas singko ng hapon ay tumanggap ng tig-iisang salaping pilak. Nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang tatanggap sila nang higit doon; ngunit ang bawat isa'y binayaran din ng tig-iisang salaping pilak. Nang magkagayo'y nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. Sinabi nila, ‘Isang oras lamang gumawa ang mga huling dumating, samantalang maghapon kaming nagtrabaho at nagtiis sa nakakapasong init ng araw. Bakit naman pinagpare-pareho ninyo ang aming upa?’ Sumagot ang may-ari ng ubasan sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi ba't nagkasundo tayo sa isang salaping pilak? Kunin mo ang para sa iyo at umalis ka na. Ano sa iyo kung ibig kong bayaran ang nahuli nang tulad ng ibinayad ko sa iyo? Wala ba akong karapatang gawin sa ari-arian ko ang aking maibigan? Kayo ba'y naiinggit dahil ako'y nagmagandang-loob sa iba?’”
At sinabi ni Jesus, “Ang nahuhuli ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli.”
Nang nasa daan na sila papuntang Jerusalem, ibinukod ni Jesus ang labindalawang alagad at sinabi sa kanila, “Pupunta tayo sa Jerusalem. Doo'y ipagkakanulo ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Hahatulan siya ng kamatayan at ibibigay sa mga Hentil. Siya'y kukutyain, hahagupitin at ipapako sa krus ngunit muli siyang bubuhayin ng Diyos sa ikatlong araw.”
Lumapit kay Jesus ang asawa ni Zebedeo, kasama ang dalawa niyang anak na lalaki. Lumuhod siya sa harapan ni Jesus upang sabihin ang kanyang kahilingan.
“Ano ang gusto mo?” tanong ni Jesus.
Sumagot siya, “Kapag naghahari na po kayo, paupuin ninyo sa inyong tabi ang dalawa kong anak, isa sa kanan at isa sa kaliwa.”
“Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi,” sabi ni Jesus sa kanila. “Maiinuman ba ninyo ang kopa na malapit ko ng inuman?”
“Opo,” tugon nila.
At sinabi ni Jesus, “Daranasin nga ninyo ang hirap na titiisin ko. Ngunit wala sa akin ang pagpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga upuang iyo'y para sa pinaglalaanan ng aking Ama.”