Ngayon pa ma'y nakahanda na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.”
Tinanong siya ng mga tao, “Kung gayon, ano po ang dapat naming gawin?”
Sumagot siya sa kanila, “Kung mayroon kang dalawang balabal, ibigay mo ang isa sa wala. Ganyan din ang gawin ng may pagkain.”
Dumating din ang mga maniningil ng buwis upang magpabautismo. Sila'y nagtanong sa kanya, “Guro, ano po ang dapat naming gawin?”
“Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin,” tugon niya.
Tinanong din siya ng mga kawal, “At kami po naman, ano ang dapat naming gawin?”
“Huwag kayong manghihingi kaninuman sa pamamagitan ng pamimilit o ng pagpaparatang ng di makatuwiran; masiyahan na kayo sa inyong sweldo,” sagot niya.
Nananabik noon ang mga tao sa pagdating ng Cristo, at inakala nilang si Juan mismo ang kanilang hinihintay. Dahil dito sinabi niya sa kanila, “Binabautismuhan ko kayo sa pamamagitan ng tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ang magbabautismo sa inyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng apoy. Siya'y higit na makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas. Hawak na niya ang kalaykay upang linisin ang giikan at upang tipunin ang trigo sa kanyang kamalig. Ngunit ang ipa'y susunugin niya sa apoy na di mamamatay kailanman.”
Marami pang bagay na ipinapangaral si Juan sa mga tao sa kanyang pamamahayag ng Magandang Balita. Si Herodes man na pinuno ng Galilea ay pinagsabihan din ni Juan dahil kinakasama niya ang kanyang hipag na si Herodias at dahil sa iba pang kasamaang ginagawa nito. Dahil dito'y ipinabilanggo ni Herodes si Juan, at ito'y nadagdag pa sa mga kasalanan ni Herodes.
Nang mabautismuhan na ni Juan ang mga tao, binautismuhan din niya si Jesus. Habang nananalangin si Jesus, nabuksan ang langit at bumabâ sa kanya ang Espiritu Santo sa anyong kalapati. Isang tinig mula sa langit ang narinig nila, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”
Magtatatlumpung taon na si Jesus nang siya'y magsimulang magministeryo. Ipinapalagay ng mga tao na siya'y anak ni Jose. Ang kanyang mga ninuno ay sina Eli, Matat, Levi, Melqui, Janai, Jose, Matatias, Amos, Nahum, Esli, Nagai, Maat, Matatias, Semei, Josec, Joda, Joanan, Resa, Zerubabel. Sina Salatiel, Neri, Melqui, Adi, Cosam, Elmadam, Er, Josue, Eliezer, Jorim, Matat, Levi, Simeon, Juda, Jose, Jonam, Eliaquim, Melea, Menna, Matata, Natan. Sina David, Jesse, Obed, Boaz, Salmon, Naason, Aminadab, Admin, Arni, Esrom, Farez, Juda, Jacob, Isaac. Abraham, Terah, Nahor, Serug, Reu, Peleg, Eber, Sala, Cainan, Arfaxad, Shem, Noe, Lamec, Matusalem, Enoc, Jared, Mahalaleel, Kenan, Enos, Set, at si Adan na anak ng Diyos.