Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 3:9-38

LUCAS 3:9-38 ABTAG01

Ngayon pa lamang ay nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punungkahoy. Kaya't ang bawat punungkahoy na di mabuti ang bunga ay pinuputol at itinatapon sa apoy.” Tinanong siya ng maraming tao, “Ano ngayon ang dapat naming gawin?” Sumagot siya sa kanila, “Ang may dalawang tunika ay magbahagi sa wala, at ang may pagkain ay gayundin ang gawin.” Dumating din ang mga maniningil ng buwis upang magpabautismo at sinabi nila sa kanya, “Guro, ano ang dapat naming gawin?” Sinabi niya sa kanila, “Huwag na kayong sumingil pa ng higit kaysa iniutos sa inyo.” Tinanong din siya ng mga kawal, “At kami, anong dapat naming gawin?” At sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong mangikil ng salapi kaninuman sa pamamagitan ng dahas o maling paratang at masiyahan kayo sa inyong sahod.” Samantalang ang mga tao'y naghihintay, nagtatanong ang lahat sa kanilang mga puso tungkol kay Juan, kung siya ang Cristo. Sumagot si Juan at sinabi sa kanilang lahat, “Binabautismuhan ko kayo ng tubig. Subalit dumarating ang higit na makapangyarihan kaysa akin. Ako'y hindi karapat-dapat magkalag ng panali ng kanyang mga sandalyas. Kayo'y babautismuhan niya sa Espiritu Santo at sa apoy. Nasa kamay niya ang kanyang kalaykay upang linisin ang kanyang giikan at tipunin ang trigo sa kanyang kamalig, subalit susunugin niya ang dayami sa apoy na hindi mapapatay.” Kaya't sa iba pang maraming pangaral ay ipinahayag niya sa mga tao ang magandang balita. Subalit si Herodes na tetrarka, na sinumbatan niya dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid, at dahil sa lahat ng masasamang bagay na ginawa ni Herodes, ay nagdagdag pa sa lahat ng mga ito sa pamamagitan ng pagpapakulong kay Juan sa bilangguan. Nang mabautismuhan ang buong bayan, at nang mabautismuhan din si Jesus at siya'y nananalangin, ang langit ay nabuksan. At bumaba sa kanya ang Espiritu Santo na may anyong katawan na tulad sa isang kalapati. May isang tinig na nagmula sa langit, “Ikaw ang pinakamamahal kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod.” Si Jesus ay may gulang na tatlumpung taon nang magsimula sa kanyang gawain. Anak siya (ayon sa ipinalagay) ni Jose, ni Eli, ni Matat, ni Levi, ni Melqui, ni Janai, ni Jose, ni Matatias, ni Amos, ni Nahum, ni Esli, ni Nagai, ni Maat, ni Matatias, ni Semein, ni Josec, ni Joda, ni Joanan, ni Resa, ni Zerubabel, ni Salatiel, ni Neri, ni Melqui, ni Adi, ni Cosam, ni Elmadam, ni Er, ni Josue, ni Eliezer, ni Jorim, ni Matat, ni Levi, ni Simeon, ni Juda, ni Jose, ni Jonam, ni Eliakim, ni Melea, ni Mena, ni Matata, ni Natan, ni David, ni Jesse, ni Obed, ni Boaz, ni Salmon, ni Naason, ni Aminadab, ni Admin, ni Arni, ni Hesrom, ni Perez, ni Juda, ni Jacob, ni Isaac, ni Abraham, ni Terah, ni Nahor, ni Serug, ni Reu, ni Peleg, ni Eber, ni Sala, ni Cainan, ni Arfaxad, ni Sem, ni Noe, ni Lamec, ni Matusalem, ni Enoc, ni Jared, ni Mahalaleel, ni Cainan, ni Enos, ni Set, ni Adan, ng Diyos.