Lumaya Mula Sa Paghahambing Isang 7 Araw na Gabay Ni Anna LightHalimbawa
Ang pinakamadali, pinaka-nakakasirang paraan na tayo ay naghahambing ay sa pamamagitan ng social media. Sinasabi kong pinaka-nakakasira dahil sa dalawang bagay: ginagamit natin ang social media araw-araw, malamang na maraming beses sa isang araw, at kadalasan tayo ay nag-iisa at nakabukod sa ating mga pag-iisip. Ang malungkot na katotohanan ay hindi ito isyu noong nakaraang sampung taon. Naging masyadong palasak ang social media sa ating kultura sa nakalipas na dekada na ito ay nagdulot ng epidemya ng mga kaluluwang naghahanap ng atensyon subalit nakakaramdan ng pagkalungkot higit kailanman.
Ang isang bagay na ginawa para tayo ay pag-ugnayin ay nag-umpisang paghiwalayin tayo at kung hindi tayo maingat, ang mapanirang pag-iisip na ito ng paghahambing ay magpapatuyo ng ating puso nang mas mabilis kaysa sa anupaman.
Bakit?
Ang isang regular na tao ay may limang social media account at gumugugol ng isang oras at apatnapung minuto bawat araw sa pagtingin sa mga account na iyon.
At nagtataka tayo kung bakit nahihirapan tayo sa paghahambing, kakulangan, kawalan ng kapanatagan, at kakapusan.
Ano ang mas madalas na inilalagay natin sa harapan ng ating mga mukha?
Pero, hindi ako naniniwala na ang sagot dito ay tanggalin ang iyong sarili mula sa social media. Ang pagkakamali ay nasa mga kalabisan. Dapat nating alalahanin na tayo ay dapat na nasa mundo, ngunit hindi tayo taga-mundo. Kailangan nating matutunang gamitin ang social media, gaya ng anupaman, para sa ating kabutihan, at sa Kanyang kaluwalhatian.
Ang mga uri ng ating katawan at pisikal na kaanyuan ay isa pang mabilis na paghahambing na ginagawa natin. Maaaring tumingin tayo sa tao at sa loob ng isang sulyap ay nagkakaroon na tayo ng paghuhusga at pagkukumpara base sa kanilang bihis, sa pustura, buhok o kung paano nila dinadala ang kanilang sarili. Minsan may mga simpleng pagmamasid sa tao at walang mali doon. Nagkaka-problema kung ikinukumpara natin ang ating sarili sa iba base sa panlabas na kaanyuan.
Madalas ang paghahambing ay sa pamamagitan ng mga ari-arian tulad ng mga bahay, sasakyan, sweldo, at bakasyon. Nakikita natin ang panlabas, ang sisidlan, sagisag, tatak, o uniporme, at dagli tayong nanghuhusga ng hindi inaalam ang buong kwento. Ang problemang ito ay nangyayari kung hindi tayo tunay na kumokonekta sa iba. Iniisip natin na hindi natin sila kapantay o walang maibibigay sa atin base sa ating pagtingin sa kanila.
Ikinukumpara din natin ang mga karanasan at narating ng iba sa atin. Gusto mo ng asawa, pero wala ka pang asawa. Gusto mo ng mga anak, o hinihiling mo na sana magkaroon ka ng mga tahimik na sandali malayo sa iyong mga anak! Nagnanais ka ng pamilya na hindi magulo. Perpekto ang kanyang katawan, sinisikap mo pa ring tanggalin ang tabang nanatili habang limang taon na ang iyong anak. Umangat ang kanyang kumpanya samantalang ang sa iyo ay bumagsak.
Ang mga bagay na pinaghahambing natin ay lubos na nagpapakita kung ano ang importante sa atin. Ipaglalaban ko na hindi natin basta itigil lamang ang paghahambing at pagseselos. Natutunan ko na magagamit natin ito upang ayusin ang ating mga buhay at maliwanagan ang ating sariling kamalayan. Pag-uusapan pa natin ang tungkol dito bukas.
Panginoon, buksan Mo ang aking mga mata sa mga bagay na nagbibigay sa akin ng pakiramdam ng pagka-inggit. Tulungan Mo akong iharap ang salamin sa aking sarili at paglaanan ko ng panahon na isipin nang malalim kung saan ko ginugugol ang aking oras. Ipakita Mo sa akin kung bakit nakakaramdan ako ng banta sa mga tao o mga pangyayari at tulungan Mo ako na hindi kailanman ilagay ang aking sarili sa itaas o sa ibaba ng iba base sa mabilis na paghuhusga sa kanilang panlabas na anyo.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Alam mo na binibigyan ka ng Diyos ng buhay na mas masagana kaysa sa buhay mo ngayon, pero ang nakakalungkot na katotohan ay ang paghahambing ay pumipigil sa'yo para magpatuloy sa susunod na antas. Sa gabay sa pagbabasa na ito isisiwalat ni Anna Light ang mga pananaw na babasag sa takip na inilalagay ng paghahambing sa iyong kakayahan, at tinutulungan kang isabuhay ang buhay na malaya at masagana na siyang dinisenyo ng Diyos para sa iyo.
More