Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Maghari Ka sa AminHalimbawa

Kingdom Come

ARAW 5 NG 15

PANALANGIN:

O Diyos, kapag natutukso akong ipagkait ang kagandahang-loob sa iba, ipaalala Mo sa akin ang kagandahang-loob na kusang-loob Mong ibinibigay sa akin. 


PAGBASA:

Kapag binasa natin ang talinghaga sa Lucas 15, natutukso tayong paratangan ang anak na panganay na isang halimbawa ng sukdulang pagmamataas at pagturing na matuwid ang sarili—isang taong napakalayo sa ating pagkatao. Ngunit kung ganyan tayo, hindi natin matututunan ang isang mahalagang katotohanan: Lahat tayo ay may “anak na panganay” sa atin.


Kung susuriin mong mabuti ang anak na panganay, maaari mong makita na ang kanyang reaksyon ay hindi ganoon ka-grabe kung tutuusin. Ang galit na naramdaman niya ay nakaugat sa pagiging patas. Naniniwala siya na hindi makatarungan para sa kanyang ama na tratuhin ang kanyang kapatid sa parehong paraan ng pagtrato nito sa kanya. Sa totoo lang, may punto siya. Hindi ba't parang dapat lang namang mas maganda ang pagturing sa kanya kaysa kanyang kapatid na nakababata? Hindi ba't ang kanyang pagsunod at patuloy na paggawa ay marapat tumbasan ng mas mataas?


Madalas nating tinitingnan ang di-nararapat na kagandahang-loob na alok ng Diyos na positibo lamang. Ngunit kung minsan, kapag nakikita natin ito sa ating tunay na buhay at mga relasyon, ang kagandahang-loob ay maaaring maging katisuran. Kapag napabayaan nating mapuslitan ng paghahambing, ang kagandahang-loob ay naghaharap sa atin ng isang tunay na problema. Hindi ito makatarungan. 


Paano naging makatarungan ang palampasin ng Diyos ang kasalanan ng isang tao, lalo na kung tayo ang nasaktan nito? Tuwirang tinugunan ni Pablo ang tensyon na ito sa kanyang liham sa mga Cristiano sa Roma. 


Siya ang inialay ng Diyos bilang handog, upang sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang kasalanan ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Ginawa ito ng Diyos upang patunayang siya'y matuwid. Noong unang panahon, nagtimpi siya at ipinagpaumanhin ang mga kasalanang nagawa ng mga tao. Ngunit ngayon ay tuwirang ipinapakita ng Diyos na siya'y matuwid at siya ang nagpapawalang-sala sa mga sumasampalataya kay Jesus.

—Mga Taga-Roma 3:25–26


Paanong ang Diyos ay kapwa “makatarungan” at “ang nagpapawalang-sala” sa mga nagkasala? Siya ba ay nagpaparaya ng kasalanan na parang walang nangyari? Ibig sabihin ba noon ay hindi niya sineseryoso ang kasalanan?


Ito ay tila isang kontradiksyon, at totoo nga, malibang mayroong higit pa sa kuwento—malibang may paraang ang kabayaran ng kasalanan ay maaaring mabayaran nang hindi kinakailangang kunin mula sa taong nagkasala. Isinulat ni Pablo na si Jesus ang ating naging "handog para mapatawad ang ating mga kasalanan”—ang sakripisyong nagbayad ng halaga para tayo'y mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos. 


Si Jesus ang kasagutan sa problemang ihinaharap sa atin ng kagandahang-loob. Sa pamamagitan ni Jesus, ang Diyos ay maaaring maging “ang nagpapawalang-sala” habang nananatiling “makatarungan” na Siya pa ring hindi nagbabago sa paghahatid ng kabayaran ng kasalanan.


Kaya, kapag natutukso kang ipagkait ang kagandahang-loob o kapatawaran sa isang tao dahil hindi sila karapat-dapat nito, tandaan na hindi lumalapit sa atin si Jesus na nagsasabing, "Mahal kita dahil perpekto ka." Sa halip, lumalapit Siya sa atin sa kabila ng ating mga pagkukulang at sinasabing, “Mahal kita kung ano ka, at babayaran Ko ang halaga para gawin kang perpekto.” Hindi nakuntento ang Diyos sa patas na relasyon sa iyo; kusa Niyang ibinigay ang kabayaran. Pagdating sa ating relasyon sa Diyos, hindi natin kailangan ng patas—kailangan natin ng kagandahang-loob. Bilang mga nakatanggap ng isang bagay na napakahalaga, dapat tayong nangungunang magpaabot ng kagandahang-loob sa iba.



PAGNINILAY:

 Maglaan ng oras at itala ang iyong mga kasagutan sa mga sumusunod na tanong:

• Saan mo ipinagkakait ang kagandahang-loob? Mayroon ka bang pangyayari o tao na naiisip? Bakit parang napakahirap na magpaabot ng kagandahang-loob sa sitwasyong ito?

• Mayroon bang sinuman sa iyong buhay na pinaniniwalaan mong hindi kayang abutin ng kagandahang-loob? Paano mo magagawang dalhin ang tao at sitwasyon na ito sa harap ng Ama at hilingin na ang Kanyang puso ng kagandahang-loob ay mabuo sa iyo?


Kapag nagkaroon ka na ng pagkakataong sagutin ang mga tanong sa itaas, humanap ng tahimik na lugar na mauupuan at tumahimik nang ilang sandali kasama si Jesus. Habang ikaw ay tumatahimik, iunat ang iyong mga kamay na nakakuyom ang mga kamao, nakaharap pababa. Isipin na niyayakap ng Ama ang taong nanakit sa iyo. Kung sa tingin mo ay tumataas ang tensyon, hayaan ang iyong mga kamao na kumuyom nang mas mahigpit. Manatili doon ng ilang sandali kung kailangan mo. Kapag handa ka na, huminga nang malalim at hilingin sa Diyos na ibigay sa iyo ang Kanyang puso para sa taong ito. Baliktarin ang iyong mga kamao, itaas ang iyong mga palad. Magrelaks at huminga nang malalim habang ibinubuka ang iyong mga kamay at binibitiwan ang mga ito sa Ama. 


Kung hindi ka pa handang palayain ang tensyon, hayaan ang gawaing ito na maging isang taos-pusong panalangin na tulungan ka ng Diyos na lumipat sa direksyong iyon.




Banal na Kasulatan

Araw 4Araw 6

Tungkol sa Gabay na ito

Kingdom Come

Narinig namin na si Jesus ay nag-aalok ng "buhay na ganap" at hinahangad namin ang karanasang iyon. Nais namin ang buhay na iyon na nasa kabilang dako ng pagbabago. Ngunit anong uri ng pagbabago ang kailangan natin? At paano natin isasagawa ang proseso ng pagbabago? Sa Maghari Ka sa Amin, ikaw ay makatutuklas ng isang bagong paraang makapamuhay ng pambihira at kamangha-manghang buhay na paanyaya sa atin ng Diyos.

More

Nais naming pasalamatan ang North Point Community Church sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: http://northpoint.org