Pagpapatawad Para Sa Mga Nakasakit Sa AtinHalimbawa
Ang “Uniporme” ng Cristiano
Iba't ibang uniporme ang nakikita nating suot ng mga tao sa iba't ibang uri ng industriya. Ang mga mekaniko, tagapagluto, kawani sa ospital, pulis, at bumbero ay lahat nagsusuot ng uniporme. Sa katunayan, may mga korporasyon na ang pinagkakakitaan ay gumawa at maglinis lang ng mga uniporme. Mayroon bang tinatawag na "bihis ng Cristiano"? Maaaring hindi sa pananamit mismo ngunit marapat na sa pagmamalasakit sa isa't isa! Hinihikayat tayo ng siping ito (sa Abtag01 na salin) na "magbihis" ng ating mga sarili sa paraang nagpapahayag ng pagsasadya at malinaw na layunin. Kailangan nating magbihis nang pare-pareho sa ilang partikular na paraan. Kailangan nating magbihis ng kahabagan, ng kabaitan, ng kababaang-loob, ng kaamuan, at ng katiyagaan. Bakit? Dahil sa ilalim ng mga bihis na iyan ay mga taong may mga sala. Ang mga salang iyan ay may iba't ibang anyo. Kaya't binibigyan tayo ng Diyos ng mga katangian na tanda ng isang Cristiano, at pagkatapos ay binibigyan Niya tayo ng isang pag-uugaling marapat na pairalin sa pagtrato sa mga sala—pagppatawad.
Pagpapatawad ang pang-araw-araw na pag-uugali ng mga malagong mananampalataya. Hinirang tayo ng Diyos na maging mga banal. Ang pagiging banal ay nangangahulugan ng pagiging "nakatalaga" o "nakalaan" sa isang partikular na layunin—na maging tulad ni Cristo. Sa siping ito, tayo ay hinirang upang maipahayag ang pag-ibig ng Diyos sa isa't isa. Gayunpaman, alam ng Diyos na tayong lahat ay may mga kasalanan. Ang Diyos ay may kapangyarihan sa mga kasalanan na iyan, at inaasahan Niya tayong tanggapin ang mga pagkukulang ng isa't isa! Ang plano ng Diyos ay ang italaga (gawing banal, gawing laan) ang mga mananampalataya sa pamamagitan ng pakikiniig sa isa't isa. Kapag tayo ay nagpapatawad, nagiging kalarawan natin ang anak ng Diyos na si Jesu-Cristo. Ang ating mga kasalanan, at mga kasalanan ng iba, ay nagiging mga oportunidad na maisabuhay ang magandang ugali na pagpapatawad.
Handa ka bang ipahayag ang iyong mga kasalanan (tingnan ang Santiago 5:16)? Handa ka bang mabihisan ng kahabagan, ng kabaitan, ng kababaang-loob, ng kaamuan, at ng katiyagaan? Handa ka ba na maging tulad ni Cristo at magpatawad sa mga nagkasala sa iyo?
Marapat na makita ang pagpapatawad sa mga mananampalataya. Tiyak na may personal na benepisyo ang pamumuhay nang may pagpapatawad. Ngunit mas malaking kapakinabangan ang nakakamtan habang nagpapatawad tayo sa isa't isa: Ang Diyos ay naluluwalhati, at si Cristo ay napaparangalan at naitatanghal sa isang mundong nanonood! Kalarawan natin si Cristo!
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Nagdurusa man tayo ng emosyonal o pisikal na sugat, ang pagpapatawad ay siyang pundasyon ng buhay Cristiano. Nakaranas si Jesu-Cristo ng hindi patas at hindi makatarungang pagtrato, maging ang hindi tamang kamatayan. Ngunit sa Kanyang huling oras, pinatawad Niya ang nanunuyang magnanakaw na nasa kabilang krus at maging ang mga nagparusa sa Kanya.
More
Nais naming pasalamatan si Joni at Friends, International at Tyndale House Publishers, mga lumikha ng Beyond Suffering Bible, sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: www.beyondsufferingbible.com/