Miracles | Ipakilala SiyaHalimbawa
Mga Gawa 2:1–8, 14
Pagdating ng araw ng pista na tinatawag na Pentecostes, nagtipon ang lahat ng mananampalataya sa isang bahay. Habang nagtitipon sila, bigla na lang silang nakarinig ng ugong na mula sa langit, na katulad ng malakas na hangin. At puro ugong na lang ang kanilang narinig sa bahay na kanilang pinagtitipunan. Pagkatapos, may nakita silang mga ningas ng apoy na parang mga dila na kumalat at dumapo sa bawat isa sa kanila. Napuspos silang lahat ng Banal na Espiritu, at nakapagsalita ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan. Ang Banal na Espiritu ang siyang nagbigay sa kanila ng kakayahang makapagsalita nang ganoon. Nang panahon ding iyon, doon sa Jerusalem ay may mga relihiyosong Judio na nanggaling sa ibaʼt ibang bansa sa buong mundo. Pagkarinig nila sa ugong na iyon, nagmadali silang pumunta sa pinagtitipunan ng mga mananampalataya. Namangha sila dahil narinig nilang sinasalita ng mga mananampalataya ang kani-kanilang wika. Sinabi nila, “Aba, hindi baʼt mga taga-Galilea silang lahat? Bakit sila nakakapagsalita ng sarili nating wika?”
Kaya tumayo si Pedro kasama ang 11 apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga kababayan kong mga Judio, at kayong lahat na nakatira sa Jerusalem, makinig kayo sa akin, dahil ipapaliwanag ko kung ano ang ibig sabihin ng mga nangyayaring ito.”
Karagdagang Babasahin: Mga Gawa 2:9–41; Exodus 4:10–12; Isaias 52:7; Mga Taga-Roma 10:14–17
Sa tradisyon ng mga Judio, ang Pista ng Pentecostes ay isang panahon upang pasalamatan ang Diyos para sa unang ani ng trigo. Sa Mga Gawa 2, ipinagdiwang ng mga disipulo ang ibang uri ng ani sa Pentecostes: ang ani ng mga taong tumugon sa ebanghelyo.
Sinabihan ni Jesus ang mga disipulo sa Mga Gawa 1 na sila ang magiging saksi Niya sa lahat ng dulo ng mundo at pagdating sa Mga Gawa 2, ibinigay Niya sa kanila ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu, isang kaloob na kailangan upang matupad nila ang pagtawag na iyon.
Ang Banal na Espiritu ay ang mismong kaloob ng Diyos, na nananahan sa mga mananampalataya at nagbibigay sa kanila ng kakayahan hindi lamang para ipamuhay ang buhay Kristiyano kundi para maging daluyan rin ng mga himala. Bawat himala at kamangha-manghang bagay na ginagawa ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng mga mananampalataya ay nagdadala sa kanila pabalik sa himala ng buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Jesus.
Pero balikan natin ang Dakilang Utos. Binigyan ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod ng utos na puntahan at gawing tagasunod Niya ang lahat ng lahi. Maaaring mukha itong imposible, ngunit dito tayo umaasa sa kapangyarihan ng Diyos nang may pananampalataya at pagsunod. Binibigyan tayo ng Banal na Espiritu ng kakayahang magawa ang hindi natin kayang gawin. Sa araw ng Pentecostes, natanggap ng mga disipulo ang hindi kapani-paniwalang kaloob na ito.
Ang makikita natin sa simula ng ikalawang kabanata ng aklat ng Mga Gawa ay isang himala—ang pagpuspos ng Banal na Espiritu sa mga disipulo at pagsasalita nila sa iba’t ibang wika. Nagulat ang mga tao nang marinig nila ang mga “kamangha-manghang ginawa ng Diyos” (Mga Gawa 2:11) sa kani-kanilang wika. Maraming tao ang nagsimulang magtipon-tipon at kahit may mga nagdududa sa nangyayari, binigyan ng Diyos si Pedro ng kakayahang mangaral nang may kahusayan, at sa pangangaral na ito, 3,000 na tao ang nagsisi at tumanggap sa ebanghelyo!
Ang kaloob ding ito—ang pagpupuspos at pagbibigay ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu—ay nakalaan pa rin sa atin ngayon. Ngunit ang kaloob na ito ay hindi lamang para sa atin. Ito ay para makilala ng buong mundo ang nag-iisang tunay na Diyos. Binigyan Niya tayo ng kakayahan upang ipahayag ang Kanyang ebanghelyo nang may katiyakan at katapangan.
Maaaring maramdaman natin na hindi tayo handa o karapat-dapat para sa pagsasagawa ng Dakilang Utos, ngunit hindi ibinigay sa atin ng Diyos ang misyong ito nang walang Tagatulong, ang Banal na Espiritu. Sa pamamagitan ng kaloob na ito, maaari tayong gamitin ng Diyos sa mga paraang kamanghamangha para maisulong ang Kanyang kaharian.
- Nagkaroon ka na ba ng personal na ugnayan sa Banal na Espiritu? Kailan ang huling pagkakataon na muli kang pinuspos ng Diyos ng Kanyang Espiritu?
- Maaari tayong umasa sa kaloob ng Banal na Espiritu. Paano mababago ng katotohanang ito ang pananaw mo tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo?
Hakbang ng Pananampalataya
Intensyonal na makipag-usap sa isang tao tungkol sa ebanghelyo at magtiwalang tutulungan ka ng Banal na Espiritu na magsalita nang may katapangan at kaliwanagan.
Panalangin
Aming Diyos, maraming salamat sa kaloob Mong Banal na Espiritu. Tinatanggap ko Siya sa aking buhay nang may pananampalataya at pag-asa. Salamat sa kapangyarihang maisapamuhay nang matagumpay ang buhay Kristiyano, nang may katapangan at katapatan. Tinatanggap ko ang Iyong pagtawag na ipahayag ang ebanghelyo sa aking mga kapitbahay at sa ibang bayan. Alam kong kasama Kita. Ipakita Mo sa akin kung paano mamuhay nang may misyon upang malaman ng iba ang biyaya at kabutihan ng Iyong ebanghelyo. Nananalangin ako sa pangalan ni Jesus, AMEN.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa pagsisimula ng bawat taon, maglaan tayo ng oras para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Sa panahong ito, tingnan natin kung paano ipinapakilala ng Diyos ang Kanyang sarili at ipinapakita ang lalim ng Kanyang pagmamahal sa atin sa pamamagitan ng mga himala.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/