Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Miracles | Ipakilala SiyaHalimbawa

Miracles | Ipakilala Siya

ARAW 6 NG 7

Mga Gawa 16:25–32

Nang maghahatinggabi na, nananalangin sina Pablo at Silas at umaawit ng mga papuri sa Diyos. Nakikinig naman sa kanila ang ibang mga bilanggo. Walang anu-anoʼy biglang lumindol nang malakas at nayanig ang bilangguan. Nabuksan ang lahat ng pintuan ng bilangguan at natanggal ang mga kadena ng lahat ng bilanggo. Nagising ang guwardya at nakita niyang bukas ang mga pintuan. Akala niyaʼy tumakas na ang mga bilanggo, kaya hinugot niya ang kanyang espada at magpapakamatay na sana. Pero sumigaw si Pablo, “Huwag kang magpakamatay! Narito kaming lahat!” Nagpakuha ng ilaw ang guwardya at dali-daling pumasok sa loob at nanginginig na lumuhod sa harapan nina Pablo at Silas. Pagkatapos, dinala niya sina Pablo sa labas at tinanong, “Ano ang dapat kong gawin para maligtas?” Sumagot sila, “Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka at ang iyong pamilya.” At ipinangaral nina Pablo ang salita ng Diyos sa kanya at sa lahat ng miyembro ng kanyang pamilya.

Karagdagang Babasahin: Salmo 150:1–6; Mga Taga-Colosas 3:16; Salmo 28: 1–9; Exodus 14:13–22

Nabilanggo sina Pablo at Silas dahil sa pagministeryo nila sa Filipos. Binugbog sila at ipinakulong, kinadena ang mga binti nila sa lapag, at pinaligiran sila ng iba pang mga bilanggo. Dahil wala silang bintana, kahit maaraw sa labas, madilim ang selda sa loob kung saan sila ikinulong, kung kaya’t nang malapit nang maghatinggabi, ang naririnig lamang nila ay ang tunog ng mga kadena at posas.

Para sa maraming Kristiyano sa buong mundo ngayon, naroon ang bantang mauusig at makukulong sila dahil sa kanilang pananampalataya. Hindi man maranasan ng iba ang pisikal na pagkabilanggo, nararanasan naman nila ang emosyonal o mental na pagkabilanggo. Lahat tayo ay dumaraan sa mga desperadong panahon na hindi natin malalampasan sa sarili nating kakayahan. Pero sa mga madidilim na panahong ito, kinakatagpo tayo ng Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng himala.

Nang magpasya sina Pablo at Silas na magtiwala sa Diyos sa kabila ng kanilang pinagdaraanan, natanggal ang mga kadena, pero hindi lamang ito ang nangyari. Dahil sa himalang ito, napalaya rin ang bantay ng kulungan. Matapos masaksihan ang himalang ito at makitang nasa selda pa rin ang mga bilanggo, tinanong niya, “Ano ang dapat kong gawin para maligtas?” Nakita niya mismo ang kapangyarihan at pag-ibig ng Diyos. Walang hanggan ang epekto ng himalang ito sa buhay ng guwardiya at ng kanyang pamilya. May kapangyarihan ang Diyos para bigyan tayo ng pisikal at espirituwal na kalayaan.

Ang kamangha-mangha sa kwentong ito ay kapag ipinagpatuloy natin ang pagbabasa, makikita natin ang dakilang pagkilos ng Diyos para mapalaya sina Pablo at Silas kinaumagahan. Kahit sa pinakaimposibleng sitwasyon, hindi tayo nalilimutan ng Diyos. Gaya ng pagtitiwala nina Pablo at Silas sa Diyos, hindi lamang sila pinalaya sa bilangguan, ginamit pa sila upang maipangaral ang ebanghelyo sa isang buong sambahayan.

  • Isipin ang panahong iniligtas ka ng Diyos mula sa isang madilim at desperadong sitwasyon. Maglaan ng panahon upang papurihan ang Diyos at pasalamatan Siya sa paglayang ibinigay Niya.
  • May bahagi ba ng buhay mo kung saan nahihirapan kang magtiwala sa Diyos? Ipanalanging patatatagin Niya ang iyong pananampalataya para maranasan mo ang tagumpay.

Hakbang ng Pananampalataya

Sa talatang ito, sumamba at nanalangin sina Pablo at Silas. Maglaan ng panahon para sa pagsamba at pananalangin habang ipinagdarasal mo ang isang kakilalang may pinagdaraanan na isang desperadong sitwasyon.

Panalangin

Dakilang Diyos, walang mahirap sa Iyo. Ipinapanalangin ko na maranasan ng mga taong dumaraan sa madidilim na sitwasyon ang ganap na paglaya. Ipinapanalangin ko na mailigtas sila mula sa anumang bumibilanggo sa kanila at dalangin kong makita Ka, ang dakilang tagapagligtas ng mundo, sa pamamagitanng kanilang mga patotoo. Tinatanggap ko ang kalayaang pinagtagumpayan ni Cristo, at naniniwala akong hawak Mo ang kalayaang espirituwal at natural dito sa lupa. Ito ang aking panalangin, sa pangalan ni Jesus, AMEN.

Banal na Kasulatan

Araw 5Araw 7

Tungkol sa Gabay na ito

Miracles | Ipakilala Siya

Sa pagsisimula ng bawat taon, maglaan tayo ng oras para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Sa panahong ito, tingnan natin kung paano ipinapakilala ng Diyos ang Kanyang sarili at ipinapakita ang lalim ng Kanyang pagmamahal sa atin sa pamamagitan ng mga himala.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/