Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Miracles | Ipakilala SiyaHalimbawa

Miracles | Ipakilala Siya

ARAW 4 NG 7

Mga Gawa 4:32–37

Nagkaisa ang mga mananampalataya sa damdamin at isipan. Itinuring ng bawat isa na ang kanilang mga ari-arian ay hindi lang para sa kanilang sarili kundi para sa lahat. Patuloy ang paggawa ng mga apostol ng mga kamanghamanghang gawa bilang patunay na ang Panginoong Jesus ay talagang nabuhay muli. At lubusang pinagpala ng Diyos ang lahat ng mga mananampalataya. Hindi sila nagkulang sa kanilang pangangailangan dahil ipinagbili ng mga may kaya ang kanilang mga lupaʼt bahay, at ang peraʼy ibinigay nila sa mga apostol. At ibinigay naman ito ng mga apostol sa bawat isa ayon sa kanilang pangangailangan. Ganyan din ang ginawa ng Levitang si Jose na taga-Cyprus. Tinatawag siya ng mga apostol na Bernabe, na ang ibig sabihin ay “Tagapagpalakas ng Loob.” Ibinenta ni Jose ang kanyang lupa at ang peraʼy ibinigay niya sa mga apostol.

Karagdagang Babasahin: Lucas 12:22–31; Exodus 16:4–16; Mga Taga-Filipos 4:18–19; 2 Corinto 9:6–8

Maraming himala tungkol sa probisyon ng Diyos sa mga pahina ng Kasulatan, mula sa mana sa ilang (Exodus 16:15) hanggang sa barya sa bibig ng isda (Mateo 17:27). Sa katunayan, tinuruan tayo ni Jesus na manalangin at umasa sa Diyos para sa ating pang-araw-araw na pangangailangan (Lucas 11:3).

Kapag tayo ay talagang naniniwalang ang Diyos ang nagtutustos ng ating mga pangangailangan, hindi natin panghahawakan ang ating yaman.

Habang tayo ay lumalago bilang mananampalataya, nagbabago rin ang pagkaunawa natin sa ating mga ari-arian. Sa halip na tingnan ang anumang mayroon tayo bilang mga bagay na ating pinagpaguran o karapat-dapat para sa atin, makikita natin ang mga ito bilang mga pagmamay-ari at kayamanang ipinagkaloob ng Diyos na dapat nating pangalagaan. Tinutugunan Niya ang ating pangangailangan upang tayo ay maging mga pagpapala sa iba at matulungan natin sila sa kanilang pangangailangan. Ang ipinagkaloob sa akin ng Diyos ay hindi lamang para sa akin kundi para sa kabutihan ng mga kapatiran sa paligid ko, ang pamilya ng Diyos.

Sa isang pamilya, halos lahat ng bagay ay para sa lahat. Malamang ay hindi mo ipinapahiram ang sipilyo o medyas mo, pero bihira ang pagkakaroon ng isang kapatid na nagmamay-ari ng sofa habang ang isa naman ay nagmamay-ari ng upuan o ang mga magulang na pinagsasabihan ang kanilang mga anak na magpaalam muna bago gumamit ng hapag kainan. Mayroong mga gamit na pagmamay-ari ng lahat, gaya ng ipinakita ng mga mananampalataya sa Mga Gawa 4.

Ang himala sa talatang ito, na nagsasabing walang “nagkulang sa kanilang pangangailangan,” (Mga Gawa 4:34), ay parang hindi naman nakakagulat. Walang malakas na ihip ng hangin, walang anghel, walang pagyanig sa lugar kung saan sila nagkikita-kita, pero sa isang banda, iyon mismo ang mga dahilankung bakit ito kamangha-mangha. Ang pagiging mapagbigay nila ay umangat sa kulturang ginagalawan nila—sa isang lungsod kung saan hindi karaniwan ang pagtulong sa iba, ang kanilang pagbibigay ay isang makapangyarihang pagpapakita ng hindi pangkaraniwang pagmamahal at probisyon ng Diyos.

Ang bawat isa sa atin ay maaaring makaranas ng ganitong sitwasyon kung tayo ay mamumuhay nang puspos ng Espiritu. Ang bunga ng biyaya ng Diyos na “nasa iyo” (Mga Gawa 4:33) ay radikal na pagbibigay. Pagkakalooban tayo ng Diyos gamit ang higit pa sa karaniwang paraan para sa ating pangangailangan, para sa pangangailangan ng iba, at para isulong ang Kanyang kaharian.

  • Mayroon bang panahon kung kailan mapaghimalang ipinagkaloob ng Diyos ang pangangailangan mo? Ano ang iyong naging karanasan dito?
  • Paano magbabago ang pamumuhay mo kung buo ang iyong tiwala na ipagkakaloob sa iyo ng Diyos ang lahat ng kailangan mo?

Hakbang ng Pananampalataya

May kilala ka bang nasa mahirap na sitwasyon ngayon at may pangangailangan? Hingin sa Diyos kung paano ka magiging bahagi ng mapaghimala Niyang pagbibigay ng probisyon para sa taong ito.

Panalangin

Jesus, Ikaw ang pinakadakilang kaloob sa buong kasaysayan: isang Tagapagligtas kapag kami ay walang lakas na iligtas ang aming mga sarili. Palakasin Mo ang aking pagtitiwala na ipagkakaloob Mo ang lahat ng pangangailangan sa lahat ng bahagi ng buhay ko. Pinagpapala Mo ako upang maging pagpapala rin ako sa iba at maipakita sa kanila ang Iyong biyaya. Ipinapanalangin ko na maipahayag ang kaluwalhatian Mo habang patuloy ang mapaghimalang pagkakaloob Mo para sa akin at sa pamamagitan ko. AMEN.

Banal na Kasulatan

Araw 3Araw 5

Tungkol sa Gabay na ito

Miracles | Ipakilala Siya

Sa pagsisimula ng bawat taon, maglaan tayo ng oras para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Sa panahong ito, tingnan natin kung paano ipinapakilala ng Diyos ang Kanyang sarili at ipinapakita ang lalim ng Kanyang pagmamahal sa atin sa pamamagitan ng mga himala.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/