Miracles | Ipakilala SiyaHalimbawa
Mga Gawa 28:1–9
Nang makaahon na kami at ligtas na sa panganib, nalaman namin na ang islang iyon ay tinatawag na Malta. Napakabait sa amin ng mga taga-roon at mabuti ang kanilang pagtanggap sa aming lahat. Nagsiga sila para makapagpainit kami, dahil umuulan at maginaw. Nanguha si Pablo ng isang bigkis ng kahoy na panggatong. Pero nang mailagay na niya ang mga kahoy sa apoy, biglang lumabas ang makamandag na ahas dahil sa init ng apoy, at tinuklaw ang kanyang kamay. Pagkakita ng mga taga-roon sa ahas na nakabitin sa kamay ni Pablo, sinabi nila, “Tiyak na kriminal ang taong ito. Nakaligtas siya sa dagat pero ayaw pumayag ng diyos ng katarungan na mabuhay pa siya.” Pero ipinagpag lang ni Pablo ang ahas doon sa apoy at hindi siya napano. Hinihintay ng mga tao na mamaga ang kamay ni Pablo o kayaʼy matumba siya at mamatay. Pero matapos nilang maghintay nang matagal, walang nangyari kay Pablo. Kaya nagbago ang kanilang iniisip. Sinabi nila, “Isa siyang diyos!” Ang pangalan ng pinuno ng lugar na iyon ay si Publius. Ang kanyang lupa ay malapit lang sa lugar kung saan kami umahon. Mabuti ang kanyang pagtanggap sa amin, at doon kami tumuloy sa kanila sa loob ng tatlong araw. Nagkataon noon na ang ama ni Publius ay may sakit. May lagnat siya at disintirya. Kaya pumasok si Pablo sa kanyang silid at nanalangin. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa may sakit at gumaling ito. Dahil sa pangyayaring iyon, ang lahat ng may sakit sa isla ay pumunta sa amin at pinagaling din sila.
Karagdagang Babasahin: Mga Bilang 21:6–9; Salmo 91:13–15; Daniel 6:1–22
Sa buong linggo ng pagdarasal at pag-aayuno, sinuri natin ang ilang himala sa aklat ng Mga Gawa. Hindi sila nagsisilbing mga palabas kundi mga daan para tuparin ang misyon ng Diyos: upang makilala natin Siya at maipakilala Siya sa iba.
Ngunit kapag namumuhay ka bilang tagasunod ni Jesus sa misyon ng Diyos, tiyak na magkakaroon ng mga pagtutol. Ang himala ng proteksyon ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng kaginhawahan at katapangang ipamuhay ang misyon.
Nabasa natin sa Mga Gawa 28 na habang patungo si Pablo sa Roma, nasira ang sinasakyan nilang barko sa isla ng Malta. Nakagat siya ng ahas pero himalang nabuhay pa rin siya. Gaya ng ipinakita sa atin ng bawat himala, intensyonal ang Diyos. Mayroong layunin sa bawat himalang ginagawa Niya. Pinrotektahan Niya si Pablo, pero simula lamang iyon ng mga gagawin Niya sa Malta. Nagpatuloy si Pablo at pinagaling ang ama ni Publius, pagkatapos ay ang mga tao naman mula sa kabilang dako ng isla. Ipinakita niya ang kapangyarihan ng Diyos at ipinangaral ang ebanghelyo.
Hindi nagtatapos ang “pamamagitan ng Diyos sa kalagayan ng mga tao” sa pagprotekta Niya kay Pablo mula sa kagat ng ahas. Dahil sa nangyari, marami pang iba ang nakaranas din ng paggaling na nagbigay kaluwalhatian sa Diyos. Nagpatuloy si Pablo patungong Roma, nagtiwala sa proteksyon ng Diyos at nangaral ng ebanghelyo nang may katapangan at walang hadlang.
Kapag tayo’y namumuhay bilang mga tagasunod ni Jesus, maaari itong tumanggap ng oposisyon, pero inaanyayahan din natin ang proteksyon ng Diyos. Pinoprotektahan tayo ng Diyos mula sa mga pakana ng kaaway katulad ng pagprotekta Niya kay Pablo mula sa kamandag ng ahas. Kasama natin ang Diyos kaya makakapagpatuloy tayo sa pamumuhay para sa Kanya—para makilala at maipakilala Siya.
- Balikan nang may pasasalamat ang panahon kung kailan pinrotektahan ka ng Diyos mula sa isang mapanganib na sitwasyon.
- Mayroon bang mga bahagi sa iyong buhay kung saan humihingi ka ng himala mula sa Diyos? Maglaan ng oras at magpasalamat sa Diyos sa Kanyang pagmamahal at kapangyarihan.
Hakbang ng Pananampalataya
Sa pagtatapos ng linggong ito ng pananalangin at pag-aayuno, umasa sa banal na interbensyon ng Diyos sa buhay mo habang namumuhay ka upang kilalanin Siya at ipakilala Siya sa iba.
Panalangin
Aming Diyos salamat at namagitan Ka sa mundong ito gamit ang Iyong mapaghimalang kapangyarihan. Salamat sa regalong ito at sa kalakasang nagmumula sa Iyong Banal na Espiritu. Ikaw ang dakilang tagapagpagaling, tagapagtustos ng pangangailangan, gabay, tagapagpalaya, at proteksyong kailangan ko. Ipinapakita Mo sa akin ang Iyong pag-ibig sa pamamagitan ng Iyong himala—buksan Mo ang aking mga mata upang makita ko ang pagkilos ng Iyong mga kamay. Bigyan Mo ako ng tapang upang maging Iyong saksi sa mundong ito at maipangaral ko ang ebanghelyo ni Jesu-Cristo. Salamat at kapiling Kita habang ipinamumuhay ko ang misyon kasama Mo. Sa pangalan ni Jesus, AMEN.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa pagsisimula ng bawat taon, maglaan tayo ng oras para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Sa panahong ito, tingnan natin kung paano ipinapakilala ng Diyos ang Kanyang sarili at ipinapakita ang lalim ng Kanyang pagmamahal sa atin sa pamamagitan ng mga himala.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/