Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Undefeated: The Victorious Prayer Life (Tagalog)Halimbawa

Undefeated: The Victorious Prayer Life (Tagalog)

ARAW 1 NG 4

Day 1: Pamilya at Kabataan

Basahin: Daniel 1:8 - 21

8 Pero ipinasya ni Daniel na hindi siya kakain ng pagkain ng hari o iinom ng kanyang inumin para hindi siya marumihan. Kaya nakiusap siya kay Ashpenaz na huwag siyang bigyan ng pagkain at inuming iyon. 9 Niloob naman ng Diyos na siyaʼy kalugdan ni Ashpenaz. 10 Pero sinabi ni Ashpenaz kay Daniel, “Natatakot ako sa hari. Siya ang pumili kung ano ang kakainin at iinumin ninyo, at kung makita niyang hindi kayo malusog gaya ng ibang mga kabataan, baka ipapatay niya ako.”

11 Dahil dito, sinabi ni Daniel sa itinalaga ni Ashpenaz na mangangalaga sa kanila, 12 “Subukan nʼyo kaming pakainin lang ng gulay at painumin ng tubig sa loob ng sampung araw. 13 Pagkatapos, ihambing ninyo kami sa mga kabataang kumakain ng pagkain ng hari, at tingnan ninyo kung ano ang magiging resulta. At bahala na kayo kung ano ang gagawin ninyo sa amin.” 14 Pumayag naman ito at sinubukan nga sila sa loob ng sampung araw.

15 Pagkatapos ng sampung araw, nakita ng tagapagbantay na mas malusog sila kaysa sa mga kabataang kumakain ng pagkain ng hari. 16 Kaya ipinagpatuloy na lang ang pagbibigay sa kanila ng gulay at tubig sa halip na pagkain at inumin ng hari.

17 Binigyan ng Diyos ang apat na kabataang ito ng karunungan at pang-unawa, pati na ang kaalaman sa ibaʼt ibang literatura. Bukod pa rito, binigyan ng Diyos si Daniel ng karunungan sa pagpapaliwanag ng kahulugan ng mga pangitain at mga panaginip.

18 Pagkalipas ng tatlong taon na pagtuturo sa kanila ayon sa utos ni Haring Nebucadnezar, dinala sila ni Ashpenaz sa kanya. 19 Nakipag-usap ang hari sa kanila, at napansin ng hari na wala ni isa man sa mga kabataan doon ang makahihigit kina Daniel, Hanania, Mishael, at Azaria. Kaya sila ang piniling maglingkod sa kanya. 20 Sa lahat ng itinanong ng hari sa kanila, nakita niya na ang kanilang kaalaman ay sampung ulit na mas mahusay kaysa sa kaalaman ng mga salamangkero at engkantador sa buong kaharian niya. 21 Patuloy na naglingkod si Daniel kay Nebucadnezar hanggang sa unang taon ng paghahari ni Cyrus.

Isipin:

1. Basahin Daniel 1:1-17: Anong pinagdaanan nina Daniel at mga kaibigan sa ilalim ng pamamalakad ng Babilonya?

2. Anong ginawa ni Daniel na kakaiba sa ibang kabataan sa paligid niya? Bakit mahalaga ito? (vv 8-12)

3. Paano nagbunga ang hiling ni Daniel? Anong ginawa ng Diyos para protektahan siya at ang kanyang mga kaibigan? (vv 9, 14-17)

4. Anong nangyari kina Daniel at kanyang mga kaibigan bilang resulta? Bakit ito makabuluhan? (vv 18-21)

Isabuhay:

Si Daniel at kanyang mga kaibigan, na lumaki sa kanilang pamilyang sumasamba sa Diyos, ay nasa ibang bansa – naglilingkod sa ilalim ng mga haring walang Diyos. Sa kabila nito, sila ay nanatiling tapat sa Panginoon at sa pakikitungo sa iba. Higit sa lahat sila ay patuloy na lumalapit sa Diyos, nananalangin ng matagumpay na paglakad kasama ang Diyos. Ang mabuting katatayuan ni Daniel ay nakaapekto sa kanyang mga kaibigan, sa mga bansa at mga kaharian, at tinutupad niya ang layunin ng Diyos habang siya ay nabubuhay

1. Anong mga halimbawa ng iyong personal na mga paniniwala? (Hingin sa Diyos kung anong bahagi ng iyong buhay na kailangan kang sumunod sa Kanya. Isulat mo ang mga ito dito.)

2. Paano ako magiging maka-Diyos na halimbawa at impluwensiya sa aking pamilya, kaklase/katrabaho, at mga kaibigan?

3. Paano ako makakabuo ng isang pamumuhay ng pananalangin at pag-aayuno habang ginagawa ko ang aking araw-araw na gawain at iba’t ibang tungkulin sa buhay? (set Simple, Measurable, Appropriate, Realistic, and Time- bound [SMART] commitments Halimbawa: Maglaan ng mga araw sa isang linggo para sa pananalangin, pagbabasa ng Biblia, pagmumuni-muni, at pag-aayuno. Mabuting gawin ito na kasama ang pamilya, small group, o mga kaibigan.)

Ipanalangin:

Hingin sa Diyos na gamitin ka bilang daluyan ng Kanyang pag-ibig sa mga taong malapit sa iyo, mga kamag-anak, at miyembro ng pamilya:

  • maging asawa, magulang, anak, miyembro ng pamilya, kaibigan na namumuhay nang tulad ni Kristo
  • gabayan ang ating mga pamilya at mga kaibigan sa mga paraan ng Panginoon
  • maging puspos ng Banal na Espiritu at makitaan ng bunga nito: pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabutihan, kagandahang-loob, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. (Galacia 5:22-23)
  • luwalhatiin at purihin ang Diyos sa lahat ng bagay, kahit sa gitna ng mapaghamong relasyon sa ating pamilya.

Aminin natin ang ating ugaling di-pagpapahalaga sa ating relasyon sa iba, di pag-pansin sa mga kaguluhan at kabalisahan, at di pagpapatawad sa mga nakasakit sa atin.

Idalangin na magawa mong makipagkasundo sa isang miyembro ng pamilya, kamag-anak, o kaibigan sa linggong ito.

Magkaroon ng pagkakataong manalanging kasama ang iyong mga mahal sa buhay at pagtibayin ang mabubuting ugali at gawa ng bawa’t isa.

Tanungin ang bawa’t isa: "Paano ako bubuti? Nasaktan ba kita? Mapapatawad mo ba ko? Saka ipanalangin ang bawa’t isa.

Ipanalangin ang kabataan sa iyong pamilya, sa ating iglesia, at sa ating bansa na makakilala kay Hesus habang sila ay lumalaki; sila ay madisipulo nang mahusay, makabuo ng habang buhay na mga maka-Diyos na paniniwala at ugali na mag-iimpluwensiya sa mga henerasyon at mga bansa para sa layunin ng Diyos.

Banal na Kasulatan

Araw 2

Tungkol sa Gabay na ito

Undefeated: The Victorious Prayer Life (Tagalog)

Araw-araw tayong may nilalabanang espirituwal, at ang tanging paraan para maging matagumpay dito ay sa pananalangin. Silipin natin ang Salita ng Diyos para sa iba't ibang sitwasyon kung saan naging solusyon ang panalangin sa mga hamon ng buhay, sa tulong ng Panginoon na Siyang nagbibigay ng ginhawa, kanlungan, at tagumpay!

More

Nais naming pasalamatan ang Christ's Commission Fellowship sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.ccf.org.ph