Awesome God: Prayer & Fasting (Filipino)Halimbawa
Sa The Chronicles of Narnia, isang klasikong kuwentong pambata, ang mga mambabasa ay madalas na pinaalalahanan na si Aslan ay hindi isang maamong leon. Nang sabihan si Susan, ang pinakamatandang babaeng Pevensie, na si Aslan ay isang leon, sinabi niya na, “Ang akala ko’y isa siyang tao at ligtas tayo sa kanya. Hindi ba siya mapanganib?” Ang palakaibigang si Mr.Beaver ay sumagot, “Ligtas? . . . sino ba ang may sinabi tungkol sa pagiging hindi mapanganib? Siyempre mapanganib siya. Pero mabait siya. Sinasabi ko sa ‘yo, Siya ang Hari.”
Tulad ni Susan na may maling opinyon tungkol kay Aslan, may mga mali rin tayong pagkakaunawa tungkol sa Diyos. Marami sa mga ito ang nagmumula sa hindi pagkilala sa kadakilaan o kabutihan ng Diyos. Sa tuwing ipinapahayag natin ang kadakilaan ng Diyos, tinutukoy natin ang mga katangian na mayroon ang Diyos lamang tulad ng Kanyang kawalang-hanggan at pagiging pinakamakapangyarihan sa lahat.
Sa tuwing ipinapahayag natin ang kabutihan ng Diyos, tinutukoy natin ang mga katangian na maaari rin nating makita sa mga tao,tulad ng awa at kabaitan. Kung itutuon mo lamang ang iyong pansin sa kadakilaan ng Diyos, maaaring mahirapan kang paniwalaan na mahal ka Niya, lalo na sa gitna ng mga mahihirap na sitwasyon. Subalit kung itutuon mo naman ang iyong pansin sa kabutihan ng Diyos, maaaring maisip mo na Siya ay isang “maamong leon” na walang sapat na kapangyarihan.
Sa Isaias 57, sinaway ng propeta ang mga Israelita dahil hindi sila naging matapat. Sa halip na sambahin ang nag-iisang tunay na Diyos, naniwala sila mga walang kapangyarihang diyos-diyosan ng mga bayan na nakapalibot sa kanila. Hindi naalala ng mga tao ang kanilang dakila at mabuting Diyos, dahil kung naalala nila, hindi nila magagawang sumamba sa iba pa.
Si Isaias ay nagkaroon ng isang malalim na pananaw tungkol sa kadakilaan ng Diyos na kadalasan ay tinatawag niyang Nag-iisang Banal ng Israel. Ipinaalala niya sa mga tao na ang Diyos ang Pinakamakapangyarihan na nananahan sa banal na lugar at sa kawalang-hanggan. Subalit hindi dito huminto si Isaias. Ipinaalala Niya sa mga tao na ang Panginoon ang siyang kasama ng mga taong nawawalan ng pag-asa. Hindi lamang Siya dakilang Diyos, kahanga-hanga at banal, kundi Siya rin ay mabuti, na nagbibigay-buhay sa mga lumalapit sa Kanya nang may pagpapakumbaba at pagsisisi. Tiyak na ang ganitong Diyos ay karapat-dapat na tumanggap ng ating ganap na pagsamba.
Subalit kadalasan, tayo ay katulad ng mga Israelita. Nakakalimutan natin kung gaano kahanga-hanga ang ating dakila at mabuting Diyos. Pinahihintulutan natin ang ibang tao, bagay, kaisipan, layunin, pangarap—at kung anu-ano pa—upang nakawin ng pagsamba na Siya lamang ang karapat-dapat na tumanggap. Ngayong linggo, titingnan natin ang iba’t ibang katangian ng Diyos na hinati natin sa dalawang pangkat o kategorya: ang Kanyang kadakilaan at Kanyang kabutihan. Sa pagsasaalang-alang ng Kanyang kadakilaan, matututunan natin na Siya ay higit na nangingibabaw sa lahat, hindi nagbabago, at makapangyarihan. Sa pagsasaalang-alang ng Kanyang kabutihan, matututunan natin na Siya ay makatarungan, matiyaga, at mahabagin. Habang pinag-iisipan natin ang kadakilaan at kabutihan ng Diyos ngayong linggo, nawa’y ipakita ng Banal na Espiritu ang ating mga maling kaisipan at mga diyos-diyosan, upang maibaling natin ang ating pagsamba sa nag-iisang karapat-dapat na tumanggap nito.
DAHIL ANG DIYOS AY DAKILA AT MABUTI, KARAPAT-DAPAT SIYANG TUMANGGAP NG ATING PAGSAMBA.
Pag-isipan
- Anong aspeto ng katangian ng Diyos ang mas mahirap para sa iyo na paniwalaan—ang Kanyang kadakilaan o ang Kanyang kabutihan? Sa palagay mo, ano ang dahilan nito?
- Itala ang lahat ng dahilan kung bakit naniniwala ka na ang Diyos ay karapat-dapat na tumanggap ng iyong pagsamba?
Manalangin
O Diyos sa kalangitan, wala Kang katulad. Ikaw ay dakila, malakas, at makapangyarihan, ngunit Ikaw din ay mabuti, mahabagin, at makatarungan. Walang isang katangian na nakahihigit sa iba. Karapat-dapat Kang tumanggap ng aking pagsamba, hindi lamang dahil sa ginawa mo para sa akin, kundi dahil sa kung sino Ka. Ikaw ang Diyos na kahanga-hanga. Panginoon, ipinapanalangin ko na ngayong linggo, ako ay maturuan ng Iyong Banal na Espiritu upang higit na maunawaan ang iyong kadakilaan at kabutihan. Buksan mo po ang aking mga mata upang makita ko ang Iyong mga ginagawa sa aking buhay at sa mundong nakapaligid sa akin. Sa pangalan ni Jesus, ito ang aking dalangin, amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Bawat taon, nagsasama-sama tayo para sa limang araw ng pananalangin, pag-aayuno, at paglalaan ng ating sarili upang marinig ang Diyos at ang Kanyang direksyon para sa atin. Ngayong taon, titingnan nating mabuti ang kadakilaan at kabutihan ng Diyos. Ang mga tao sa Bibliya at kasalukuyang panahon na nakakilala sa Diyos ay nagkaroon ng malalim na pagkaunawa na Siya ay karapat-dapat tumanggap ng papuri at pagsamba. Ganito kadakila ang ating Diyos.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon bisitahin ang: http://victory.org.ph