Awesome God: Prayer & Fasting (Filipino)Halimbawa
Ang mimic octopus na unang nakita sa baybayin ng Indonesia noong 1998, ay mahusay sa panggagaya. Ang kakaibang nilalang na pandagat na ito ay nagagawang magbago ng hugis, kulay, at galaw upang magaya ang halos labinlimang iba pang mga nilalang na pandagat. Sa debosyonal ngayong araw na ito, sisimulan nating tingnan ang mga katangian ng Diyos na nagpapakita ng Kanyang kabutihan. Ito ang mga katangian na nais Niyang tularan natin bilang Kanyang mga mamamayan. Ngunit ang kaibahan sa mimic octopus na gumagaya lamang sa panlabas na anyo, dapat ay nagsisimula sa puso ang pagtulad natin sa Kanya.
Ang ating kahanga-hangang Diyos ay matuwid, at nangangahulugan ito na pinangangalagaan Niya, at Siya mismo ang batayan ng anumang tama at mabuti. Bilang isang mabuting Diyos, nais Niya na ito rin ang ating maging batayan kung kaya’t pinarurusahan Niya ang kasamaan at ginagantimpalaan ang kabutihan. Kapag iniisip mo ang katarungan ng Diyos, maaaring ang iniisip mo lamang ay ang Kanyang pagpaparusa sa kasamaan, gaya ng pagkasira ng Sodom sa Genesis 19. Subalit makikita din natin ang pagtatanggol ng Diyos sa mga biyuda at sa mga ulila.
Dahil Siya ay makatarungan, ipinaglalaban Niya ang mga matuwid at ipinagtatanggol ang mga hindi nakatatanggap ng katarungan. Siya ay isang mabuting hukom, pantay-pantay sa lahat ng Kanyang ginagawa, tagapagtanggol ng mga walang kalaban-laban, at tagapagbigay ng gantimpala sa mga matuwid.
Ang pagtitiwala sa hustisya ng Diyos ay mahirap gawin sa mundong puno ng kawalan ng katarungan. Kung makatarungan ang Diyos, bakit umuunlad ang buhay ng mga masasamang tao? Bakit naghihirap ang mga matuwid? Bakit tila nagwawagi ang kawalan ng katarungan? Subalit sa tuwing napupuno ang ating isipan ng mga katanungang ito, maaari tayong tumingin kay Jesus. Siya ay matuwid at walang kapintasan at nagdusa sa kawalan ng katarungan upang tayo ay mapawalang sala at maging matuwid sa paningin ng Diyos.
Sa kasalukuyan, ang hustisya ay kadalasang hindi ganap. Gayunpaman, hindi laging ganito ang sitwasyon. Sa pagbabalik ni Jesus at pagtatatag Niya ng Kanyang kaharian, ang lahat ng kamalian ay maitatama. Hangga’t hindi pa ito nangyayari, tayo ay tinawag upang manindigan sa kung anuman ang tama, maging patas sa ating mga ginagawa, at ipagtanggol ang mga dumaranas nang kawalan ng hustisya sa ating mga komunidad.
DAHIL ANG DIYOS AY MAKATARUNGAN, INAASAHAN NIYA TAYONG MAGING MAKATARUNGAN SA LAHAT NG ATING MGA RELASYON.
Pag-isipan
1. Bakit kinakailangan para sa isang mabuting Diyos ang maging makatarungan? Paano ka natutulungan ng katangiang ito ng Diyos upang maintindihan ang ginawa ni Jesus sa krus para sa iyo?
2. Paano nakikita ang pagiging makatarungan sa iyong mga ugnayan sa ibang tao?
Manalangin
Jesus, Ikaw lamang ang Hari na makatarungan at may karunungan. Tumitingin ako sa Iyong pamamaraan upang maunawaan ang Iyong katuwiran at kabutihan. Kahit na kami ay mga taong puno ng pagkakamali na naninirahan sa isang mundong nawasak, magagawa Mong magpatupad ng katarungan sa mga pagkakataong walang katarungan. Tinawag Mo ako upang maging mga kamay at paa Mo, sabihin ang katotohanan, ipagtanggol ang mga hindi kayang ipagtanggol ang kanilang sarili, at manindigan sa kung ano ang tama. Panginoon, imulat Mo po ang aking mga mata upang makita ang mga nangangailangan ng Iyong kagalingan. Gabayan Mo po ako upang ako ang maging tagapagsalita Mo para sa katarungan sa mundong ito. Ito ang panalangin ko sa Iyong pangalan, amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Bawat taon, nagsasama-sama tayo para sa limang araw ng pananalangin, pag-aayuno, at paglalaan ng ating sarili upang marinig ang Diyos at ang Kanyang direksyon para sa atin. Ngayong taon, titingnan nating mabuti ang kadakilaan at kabutihan ng Diyos. Ang mga tao sa Bibliya at kasalukuyang panahon na nakakilala sa Diyos ay nagkaroon ng malalim na pagkaunawa na Siya ay karapat-dapat tumanggap ng papuri at pagsamba. Ganito kadakila ang ating Diyos.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon bisitahin ang: http://victory.org.ph