Awesome God: Prayer & Fasting (Filipino)Halimbawa
Sa trilogy na The Lord of the Rings, maraming tauhan ang nakilala dahil sila ay hindi makasarili. Subalit walang nakahihigit kay Samwise Gamgee, ang mapagpakumbaba at matapat na Hobbit na sumunod kay Frodo sa kapahamakan at tiyak na kamatayan at tumulong sa kanyang kaibigan na buhatin ang napakabigat na responsibilidad na dala ng nag-iisang singsing at tuparin ang kanyang misyon na wasakin ito. Habang papalapit na sila sa dulo ng kanilang paglalakbay, si Samwise ay hindi na uminom ng tubig upang si Frodo ay magkaroon pa ng sapat na maiinom. Isang gabi, habang si Sam ay nakahiga at hindi makatulog, sinabi niya sa kanyang sarili, “I’ll get there, if I leave everything but my bones behind. And I’ll carry Mr. Frodo up myself, if it breaks my back and heart.” (Makararating ako doon, kahit pa iwan ko ang lahat maliban sa aking mga buto. Bubuhatin ko si Mr. Frodo kahit pa mabali ang aking likod at puso). At iyon nga ang ginawa ni Samwise. Binuhat niya si Frodo noong wala na itong lakas upang lumakad. Si Samwise ay tunay na mabait at hindi makasariling kaibigan.
Ito rin ay totoo sa Diyos at sa Kanyang relasyon sa atin. Ang pagmamahal sa atin ng Diyos ay nagpapakita ng Kanyang kabutihan. Kapag pinag-uusapan natin ang kabutihan ng Diyos, tinutukoy natin ang Kanyang kagandahang-loob na nagmamalasakit sa Kanyang mga minamahal. Ang kamangha-mangha sa Kanyang pagiging mahabagin ay kusang loob Niya itong ibinibigay. Hindi natin ito pinaghihirapan o kaya'y karapat-dapat na matanggap.
Sa katunayan, sinasabi sa Bibliya na ipinapakita ng Diyos ang Kanyang mapagmahal na kabutihan sa mga taong hindi karapat-dapat tumanggap nito. Nagpasya ang Diyos na ipakita ang kanyang mapagmahal na kabutihan sa mga Israelita bagama’t sila ay isang maliit na bayan lamang (Deuteronomio 7:7–8). Pagkatapos ay pinamunuan Niya ang mga Israelita kahit na patuloy sila sa pagpapakita ng kawalan ng katapatan sa Kanya (Hosea 11:4). At dahil sa Kanyang mapagmahal na kabutihan, kahit na tayo ay mga makasalanan pa, ipinadala Niya si Jesus upang mamatay sa krus para sa ating mga kasalanan. (Mga Taga-Roma 5:8). Dahil mahal tayo ng Diyos, ibinigay Niya ang Kanyang sarili hindi para sa anumang maaari Niyang makuha, kundi para sa ating pakinabang.
Sa kabila ng ating kasalanan at kawalan ng katapatan, ipinadala Niya ang Kanyang anak upang tayo ay maipanumbalik sa Kanya, upang magkaroon tayo ng ugnayan sa isang dakila at mabuting Diyos. Wala tayong ginawa upang maging karapat-dapat na makatanggap nito, subalit dahil sa Kanyang nag-uumapaw na kabutihan, tayo ngayon ay nakakatanggap ng Kanyang biyaya. At hanggang sa walang hanggan, ang hindi masukat na yaman ng biyaya ng Diyos ay makikita natin nang ganap upang tayo ay mamangha habang nararanasan natin ang Kanyang mapagbigay na kabutihan sa atin.
DAHIL ANG DIYOS AY MAAWAIN, PANGHABAMBUHAY ANG PAGPAPALANG ATING INAABANGAN.
Pag-isipan
1. Sa Mga Taga-Roma 2:4, sinabi ng Diyos na “. . . ang Diyos ay mabuti sa iyo dahil binibigyan ka niya ng pagkakataong magsisi sa mga kasalanan mo.” Ngayong linggo, mayroon bang ipinakita sa iyo ang Diyos tungkol sa iyong buhay na kailangan mong talikuran? Paano nakatutulong ang kabutihan ng Diyos upang magawa mong magsisi at magtiwala sa Kanya?
2. Ang hindi makasariling kabutihan ba ay makikita sa iyong mga relasyon? Paano makikita ang kabutihan sa iyong mga ugnayan sa iba? Paano nakatutulong sa iyo ang kaalaman tungkol sa kabutihan ng Diyos upang magawa mong ibahagi ang kabutihang ito sa iyong mga relasyon?
Manalangin
Panginoon, ang Iyong mapagmahal na kabutihan ang humihila sa akin palapit sa Iyo, tungo sa pagsisisi, at tungo sa pagpapalang ipinangako. Wala akong nagawa upang maging karapat-dapat na tumanggap ng Iyong kabutihan. Ngunit kay Cristo, ibinibigay Mo ang lahat ng aking espirituwal, pisikal, emosyonal, pinansyal, at iba pang pangangailangan. Ang kabutihan Mo ay nagdadala ng saya sa aking puso sa lahat ng panahon. Maraming salamat sa Iyong walang hanggang biyaya. Sa pagbubukas Mo ng aking mga mata upang makita ang kabutihan Mo sa aking buhay, tulungan Mo po ako na maipakita ang kabutihang ito sa mga tao sa paligid ko. Sa pangalan ni Jesus, amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Bawat taon, nagsasama-sama tayo para sa limang araw ng pananalangin, pag-aayuno, at paglalaan ng ating sarili upang marinig ang Diyos at ang Kanyang direksyon para sa atin. Ngayong taon, titingnan nating mabuti ang kadakilaan at kabutihan ng Diyos. Ang mga tao sa Bibliya at kasalukuyang panahon na nakakilala sa Diyos ay nagkaroon ng malalim na pagkaunawa na Siya ay karapat-dapat tumanggap ng papuri at pagsamba. Ganito kadakila ang ating Diyos.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon bisitahin ang: http://victory.org.ph