Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Awesome God: Prayer & Fasting (Filipino)Halimbawa

Awesome God: Prayer & Fasting (Filipino)

ARAW 6 NG 7


Kapag naiisip natin ang salitang “pagtitiyaga,” kadalasan ay naiisip natin na ang kahulugan nito ay “pasensya.” Naiisip natin na ang pagtitiyaga ng Diyos ay katulad ng ating pasensya at na Siya ay naghihintay lamang sa atin. Subalit ang pagiging matiyaga ay higit pa sa pagpapakita ng pasensya. Ito ay nangangahulugan na ang Diyos ay hindi madaling magalit. Ang nasa kabilang dulo ng Kanyang pasensya ay poot.

Sa kabuuan ng Lumang Tipan, paulit-ulit na inalala ng mga mamamayan ng Israel ang katotohanan na ang Diyos ay hindi madaling magalit at nag-uumapaw sa hindi nagbabagong pagmamahal. Kinilala nila kung gaano kalalim ang pagkakabaon ng kasalanan sa puso ng mga tao subalit patuloy na nagtitiis ang Diyos sa Kanyang kabutihan at pagmamahal. Ang mga Israelita ay nagpapabalik-balik sa pagsamba sa Kanya at pagkahulog sa kasalanan. Nakita nila kung gaano katagal bago magalit ang Diyos. Ang pagiging matiyaga Niya ay may hangganan, subalit nagtitiis Siya nang mas matagal pa sa kaya nating maisip o maunawaan.

Natutunan natin sa 2 Pedro 3 na ang pangakong paghuhukom at pagtubos ng Diyos ay tiyak na darating. Kahit sa katuparan ng pangakong ito, hindi Niya ninanais na magdusa ang sinuman sa ilalim ng kabuuan ng Kanyang poot. Ang Diyos ay makatarungan at mahabagin. Bilang mga mananampalataya, natatanggap natin ang kabutihan ng Diyos na hindi natin karapat-dapat na matanggap. Ito ang siyang umakay sa atin patungo sa kaligtasan at upang maranasan natin ang pagbabagong buhay. Ibinigay Niya sa atin ang pangako na magkakaroon ng bagong langit at bagong lupa.

Tayo na mga mananampalataya ay hindi dapat makalimot na noong tayo ay mga makasalanan pa, namatay si Cristo para sa atin (Mga Taga-Roma 5:8). Ipinakita Niya ang Kanyang pagiging matiyaga para sa ating kapakanan at patuloy Siyang nagtitiyaga para sa mga hindi pa nananampalataya. Samantalang ang iba na hindi pa nakakikilala kay Cristo ay patuloy sa pagkakasala, tayo ay tinawag upang ipalaganap ang ebanghelyo na magdadala ng pag-asa sa kanila. Ang pagsisisi at pagpapatawad ay mga kaloob para sa lahat, subalit isang pribilehiyo ang makapagbahagi ng katotohanan ng pag-asang ibinibigay ng Diyos sa kanila.

Kapag naunawaan na natin ang kahulugan ng pagiging matiyaga ng Diyos, nagbabago ang paraan natin ng pakikipag-ugnayan sa mga hindi Kristiyano. Natututunan natin kung paano magtiyaga sa mga relasyong ito habang patuloy nating ibinabahagi ang ating pananampalataya at pagmamahal.

DAHIL ANG DIYOS AY MATIYAGA, MAGAGAWA NATING MAGTIYAGA SA PAGBABAHAGI NG EBANGHELYO NG HABAG AT BIYAYA NG DIYOS.

Pag-isipan

1. Anu-ano ang mga bagay sa iyong buhay kung saan ipinakikita ng Diyos ang Kanyang pagiging matiyaga? Paano ka tumugon dito?

2. Paano mo maipapakita ang pagiging matiyaga? Paano nito maaapektuhan ang iyong mga relasyon?

Manalangin

O Diyos, ipinapakita Mo ang Iyong pagiging matiyaga sa Iyong salita at sa aking buhay. Walang sinumang maaaring magpakita ng habag at hindi nagbabagong pagmamahal na katulad ng ipinapakita Mo. Ang Iyong pasensya ay ipinakita Mo sa krus kung saan Ka namatay para sa kasalanan ng lahat, maging sa mga hindi tumanggap sa Iyo. Kahit na ako ay nagkakasala, binibigyan Mo ako ng kakayahan upang magsisi dahil Ikaw ay mabuting Ama. Hinihiling ko na ang Iyong Banal na Espiritu ay pagkalooban ako ng katiyagaan upang magawa kong magpasensya sa iba tulad ng pagpapasensya Mo sa akin. Ito ang dalangin ko sa Iyong pangalan, amen.

Banal na Kasulatan

Araw 5Araw 7

Tungkol sa Gabay na ito

Awesome God: Prayer & Fasting (Filipino)

Bawat taon, nagsasama-sama tayo para sa limang araw ng pananalangin, pag-aayuno, at paglalaan ng ating sarili upang marinig ang Diyos at ang Kanyang direksyon para sa atin. Ngayong taon, titingnan nating mabuti ang kadakilaan at kabutihan ng Diyos. Ang mga tao sa Bibliya at kasalukuyang panahon na nakakilala sa Diyos ay nagkaroon ng malalim na pagkaunawa na Siya ay karapat-dapat tumanggap ng papuri at pagsamba. Ganito kadakila ang ating Diyos.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon bisitahin ang: http://victory.org.ph