Awesome God: Prayer & Fasting (Filipino)Halimbawa
Ang “duct tape” ay nalikha noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig bilang isang pandikit na hindi nababasa at gawa sa goma. Simula noon, ang duct tape ay nakilala dahil sa tibay nito. Ito ay isang napakatibay na materyal kung kaya’t ito ngayon ay kadalasang ginagamit ng mga mahilig mag-DIY upang makagawa ng iba’t ibang mga bagay, mula sa mga pormal na damit hanggang sa mga bangka. Sa pelikulang The Martian na lumabas noong 2015, gumamit ang tauhan na ginampanan ni Matt Damon ng duct tape upang magkumpuni ng mga gamit sa Mars! Nagkaroon ng reputasyon ang duct tape dahil maaasahang hindi ito magbabago. Pinangakuan tayo ng mga gumawa nito na ang duct tape ay waterproof at matibay, at ito nga ang kanilang ginawa—sa lahat ng pagkakataon.
Ngayon, titingnan natin ang isa sa mga katangian ng Diyos na maaasahan nating hindi magbabago. Ito ay tumutukoy sa katotohanan na ang katangian at walang hanggang layunin Niya ay hindi mag-iiba kailanman. Mananatili siyang pareho sa nakaraan, sa kasalukuyan, at sa habang panahon. Siya ay maaasahan at hindi magbabago kailanman.
Ang katotohanang ito ay nagbibigay ng kapayapaan lalo na sa mundo na puno ng pagbabago at kawalan ng katiyakan. Dahil hindi nagbabago ang Diyos, maaari tayong magtiwala at umasa nang ganap sa Kanya.
Sinabi ng sumulat ng liham sa mga Hebreo na kapag ninais ng Diyos na ipaalam na ang Kanyang layunin ay hindi nagbabago, ibinibigay Niya ang katiyakan sa pamamagitan ng isang pangako. Sinabi pa niya na dahil sa hindi nagbabagong katangian ng Diyos, hindi Niya kailanman magagawang magsinungaling. Hindi lamang natin Siya mapagkakatiwalaan nang ganap, subalit magagawa din nating magtiwala sa Kanyang salita. Kapag sinabi ito ng Diyos, ito ay Kanyang gagawin. Kapag ipinangako Niya, Kanya itong tutuparin.
Bagama’t malinaw sa Bibliya na ang katangian at layunin ng Diyos ay hindi nagbabago, nakikita rin natin na ang Diyos ay tumutugon sa ating mga ginagawa, gaya ng pananalangin at pananampalataya. Subalit hindi ito nangangahulugan na sa atin nakasalalay ang mga bagay na para bang kailangan nating manalangin nang tama at ipunin ang ating sariling lakas upang magawa nating manalig sa Kanya. Sa halip, ang malakas na pananampalataya ay posible lamang dahil hindi nagbabago ang Diyos at maaasahan natin ang Kanyang salita. Manalangin nang buo ang loob ngayong linggo, dala ang kaalaman na ang tugon ng Diyos ay naaayon sa Kanyang hindi nagbabagong katangian at walang hanggang layunin.
DAHIL ANG DIYOS AY HINDI NAGBABAGO, ANG PANANAMPALATAYA NATIN AY MAY MATATAG NA PUNDASYON.
Pag-isipan
1. Paano nakatutulong ang hindi nagbabagong katangian at salita ng Diyos upang magkaroon ka ng malakas na pananampalataya?
2. Ang Diyos ay tutugon sa iyo ayon sa Kanyang hindi nagbabagong katangian at walang hanggang layunin. Paano maaapektuhan ng katotohanang ito ang paraan mo ng pananalangin?
Manalangin
Panginoon, sa Iyong piling, kami ay ligtas sa lahat ng henerasyon. Hindi Ka nagsisinungaling o kaya ay nagkukulang sa pagtupad ng Iyong mga pangako. Jesus, hindi Ka nagbabago kahapon, ngayon, at magpakailanman. Dahil sa Ikaw ay hindi nagbabago, ibinibigay ko sa Iyo ang aking mga alalahanin at ako ay naniniwala na ang aking buhay ay nasa Iyong plano na walang anumang kamalian. Nagsisisi ako sa lahat ng panahon na ako ay nag-alinlangan at hinihiling ko na palakasin Mo ang aking pananampalataya upang lalo pa akong magtiwala sa Iyo. O Diyos, salamat sa Iyong hindi nagbabagong katapatan! Sa pangalan ni Jesus, amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Bawat taon, nagsasama-sama tayo para sa limang araw ng pananalangin, pag-aayuno, at paglalaan ng ating sarili upang marinig ang Diyos at ang Kanyang direksyon para sa atin. Ngayong taon, titingnan nating mabuti ang kadakilaan at kabutihan ng Diyos. Ang mga tao sa Bibliya at kasalukuyang panahon na nakakilala sa Diyos ay nagkaroon ng malalim na pagkaunawa na Siya ay karapat-dapat tumanggap ng papuri at pagsamba. Ganito kadakila ang ating Diyos.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon bisitahin ang: http://victory.org.ph