Awesome God: Midyear Prayer & Fasting (Filipino)Halimbawa
Paghahanda sa Pag-aayuno: Ang Diyos ay Kasama Natin
Nang magsimula ang 2021, ipinakilala natin ang ating dakilang Diyos, at patuloy natin itong gagawin sa ating pananalangin at pag-aayuno ngayong kalagitnaan ng taon.
Kapag iniisip natin ang pagiging dakila at kamangha-mangha ng Diyos, pumapasok sa isipan natin ang Kanyang walang hanggang kapangyarihan, kaalaman, presensiya, at pati na rin ang Kanyang kaluwalhatian at kadakilaan. Naiisip natin ang Diyos na higit na mas malaki kaysa sa kalawakang nilikha Niya. Nagsimulang umiral ang mga bagay sa pagbigkas Niya ng mga salita. Wala Siyang hangganan. Siya ay labis na nakahihigit sa anumang nilikha, at hindi natin ganap na mauunawaan ang Kanyang kadakilaan.
Subalit ang kamangha-manghang kadakilaan ng Diyos ay hindi lamang makikita sa kung gaano Siya kalaki. Makikita rin ito sa Kanyang kakayahang magpakumbaba. Bumaba Siya sa antas natin, at naging maliit gaya natin—mas mababa pa nga sa antas natin— upang magawa Niya tayong iligtas at paglingkuran.
Ipinakita ito ng Diyos sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ni Jesu-Cristo. Si Jesus ang Salita ng Diyos, at Siya Mismo ay Diyos, at sa pamamagitan Niya ay nalikha ang lahat ng mga bagay na nakikita at hindi nakikita. Sa kabila nito, Siya ay nagkatawang tao at naging tao, dala ang mga limitasyon ng pagiging tao. Magagawa ba natin itong unawain? Ang walang katapusan at walang hangganang Diyos, sa Kanyang dakilang kapangyarihan at kabutihan, ay piniling magkaroon ng limitasyon. Ang immortal ay naging mortal. Ang hindi nalilimitahan ng oras ay nagpasakop sa oras at lumaki mula sa pagiging sanggol hanggang sa pagtanda. Ang hindi nangangailangan ng anuman ay nakaranas ng pagkagutom at pagkauhaw. Ang Lumikha ng kalawakan ay nagkaroon ng katawan ng isang nilikhang nilalang.
Ang Diyos ay hindi nananatili sa kung saang malayong lugar na hindi maaabot ng napakaliit nating mga buhay. Siya ay Diyos na bumaba sa ating antas kung kaya’t naranasan at alam na alam Niya ang sitwasyon ng mga tao—ang ating kahinaan, kabiguan, at paghihirap; ang ating mga pangarap, pag-asa, at mga hinahangad; ang mga malalaki at maliliit na bagay sa buhay natin. Siya ang Diyos na kasama natin (Mateo 1:23). Ito ang Diyos na pinaglilingkuran natin.
Habang patuloy nating hinaharap ang walang katulad na panahong ito, tandaan natin na hindi tayo kailanman mag-iisa. Sa mga susunod na araw, makikilala natin ang Diyos bilang tagapagbigay-ginhawa, patnubay, at tagapagpanumbalik natin sa Kanya. Ang Kanyang pagmamahal, kabutihan, at katapatan ay walang limitasyon. Sama-sama nating kilalanin at saksihan kung gaano kadakila at kamangha-mangha ang ating Diyos—pinili Niyang maging maliit upang makasama tayo.
Dahil kasama natin ang Diyos, hindi tayo kailanman mag-iisa.
Pag-isipan
Balikan ang nakaraang anim na buwan. Paano ka lumago sa iyong pagkakaunawa sa Diyos? Sa gitna ng lahat ng nangyayari, paano Siya nagiging malapit sa iyo?
Basahin at pag-isipan ang Mateo 1:23. Pag-isipan ang bahagi ng buhay mo kung saan ka nakakaramdam ng sakit at kawalan ng katiyakan. Isipin na kasama mo ang Diyos at sinasabi Niya sa iyo na, “Kasama mo 'Ko, anak Ko. Hindi ka nag-iisa.” Paano nakakapagbigay sa iyo ng kakayahan ang presensya ng Diyos upang harapin ang mga pagsubok na ito?
Manalangin
Mahal na Diyos, maraming salamat dahil hindi Ka lamang dakila at kamangha-mangha sa pamumuno at paghahari sa mundo. Maraming salamat dahil Ikaw ay malapit din sa akin. Ipinadala Mo ang Iyong Anak upang maging tao at mamuhay kasama ang Iyong mga nilikha. Nawa'y lumago pa ang aking pagkaunawa dito at patuloy kong ikasiya ang pagkakatawang-tao ni Cristo. Ipinapanalangin ko na ang Iyong Banal na Espiritu ay magbigay sa akin ng gabay, mangusap sa akin, at magpalalim pa ng Iyong salita sa puso ko. Sa lahat ng araw at sa lahat ng pagkakataon, naniniwala akong kapiling Kita. Hindi ako nag-iisa. Hindi ako kailanman mag-iisa. Dahil dito magagawa kong harapin ang lahat ng laban sa hinaharap, buong tapang na ipahayag ang Iyong salita, at isulong ang Iyong kaharian sa mundong ito. Sa pangalan ni Jesus, amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa simula at kalagitnaan ng bawat taon, naglalaan tayo ng oras sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Ipinapakita ng Kanyang kamangha-manghang kadakilaan hindi lamang kung gaano Siya kalaki, kundi ang Kanyang kakayahang magpakumbaba, at naging maliit gaya natin—mas nagpakababa pa Siya sa antas natin upang tayo ay iligtas at paglingkuran.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: http://victory.org.ph/