Awesome God: Midyear Prayer & Fasting (Filipino)Halimbawa
Unang Araw: Ang Diyos ay Kaginhawahan Natin
Noong Nobyembre 1873, isang lalaking nagngangalang Horatio Spafford ang nagplano ng isang mahalagang paglalakbay sa Europa kasama ang kanyang pamilya. Marami silang naranasang mga kalamidad sa nagdaang dalawang taon. Dahil sa Great Chicago Fire noong 1871, nagkaroon sila ng problemang pinansyal at karamihan sa kanilang ari-arian at mga pinaglaanan ng puhunan ay nasunog.
Noong paalis na sila, napilitang magpaiwan si Spafford dahil may mga kinailangan siyang gawin para sa kanilang negosyo. Samantala, ang kanyang asawa at mga anak ay natuloy sa pagsakay sa barko. Subalit ang dapat sana’y panahon ng pagsasaya ng isang pamilya ay nauwi sa isang trahedya. Habang ang barko ay nasa Karagatang Atlantiko, bumangga ito sa isa pang sasakyang pandagat. Nasawi ang apat na anak na babae ni Spafford; ang asawa niya lamang ang nakaligtas.
Nalaman ni Spafford ang nangyari sa kanyang mga anak sa pamamagitan ng telegrama, at dali-dali siyang nagpunta sa Inglatera upang makasama ang nagluluksa niyang asawa.
Ang totoo, hindi na bago sa marami sa atin ang mga trahedyang gaya nito. Ang kasalukuyang pandemya ay naglagay sa lahat sa atin sa kapahamakan at kumitil ng buhay ng milyon-milyong tao sa buong mundo. Ang pagsubok na hinaharap natin ay nag-iiwan ng malaking sugat sa ating mga puso.
Subalit sa mga bitak na ito ay lumalabas din ang liwanag ng Diyos na nagbibigay ng kaginhawahan. Ito ang mensahe ni Pablo sa 2 Mga Taga-Corinto: Ang Diyos ang ating kaginhawahan. Hindi ito basta lamang naisip ni Pablo na isulat. Dahil sa dami ng mga paghihirap na pinagdaanan niya sa kanyang buhay at ministeryo, naranasan niya mismo ang ginhawang nagmumula sa Diyos.
Ang walang katulad at walang kapantay na Diyos na namamahala sa lahat ng bagay mula sa Kanyang trono sa langit ay isa ring Diyos na hindi nagbabago at palaging malapit sa mga may hinanakit sa puso:
- Ang ating Ama sa langit ang Diyos na nagbibigay ng kaginhawahan, na nagpapalakas ng ating loob sa lahat ng ating paghihirap.
- Si Jesus ang dakilang Punong Pari, na nakakaramdam ng ating mga nararamdaman at nag-aanyaya sa atin na buong pagtitiwalang lumapit sa Kanya upang matanggap natin ang habag at biyaya sa oras ng pangangailangan. Dahil sa Kanyang sakripisyo sa krus, tayo ay nabibigyan ng ginhawa sa pamamagitan ng katotohanan na maaari na tayong sumamba sa Diyos sa Kanyang trono sa langit.
- Ang Banal na Espiritu ang ating tagapagbigay ng ginhawa at tagapayo na nagbibigay sa atin ng kakayahan at namamagitan para sa atin sa mga panahong labis-labis na ang ating paghihirap. Ang salitang Griyego na ginamit dito ay parakletos, na nangangahulugang “tagapagbigay ng ginhawa.” Ang literal na kahulugan ng salitang ito ay “ang tinawag upang hingan ng tulong.”
Sa gitna ng labis na kalungkutan, ang Diyos—Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo—ay nasa tabi natin sa oras na humingi tayo ng tulong. Ito ang pinagmumulan ng ating ginhawa at tiwala. Dahil sa mga pagsubok at paghihirap, nararanasan natin ang ginhawang nagmumula sa Diyos sa paraang nadarama at nakikita natin. Maihahalintulad ito sa pagkakita sa ganda ng mga bituin sa langit sa pinakamadidilim na mga oras ng gabi.
Habang naglalakbay si Horatio Spafford upang makasama ang kanyang asawa, napadaan ang barkong sinasakyan niya sa lugar kung saan pumanaw ang kanyang mga anak. Pinagaan niya ang nararamdaman ng kanyang nagdadalamhating puso sa pamamagitan ng pagsulat ng isang himno na hanggang ngayon ay nagbibigay ng kaginhawahan sa mga mananampalataya:
When peace like a river attendeth my way
When sorrows like sea billows roll
Whatever my lot, Thou hast taught me to say
It is well, it is well with my soul
Sa mundong ito na sinira ng kasalanan, ang pait at kamatayan ay hindi na mapipigilan. Subalit ipinangako ng Diyos na tutubusin at ipapanumbalik Niya ang lahat ng bagay. Balang araw, papawiin Niya ang lahat ng luha, wala nang makakaranas ng kamatayan at pighati, at habambuhay na nating mararanasan ang hindi nagwawakas na kagalakan sa presensiya ng Diyos na nagbibigay ng kaginhawahan (Pahayag 21:3–4). Ang ating ginhawa at pag-asa ay nakabaon sa katiyakan ng Kanyang pangako.
Tulad ni Spafford, mahirap man itong isipin, maaari tayong tumugon sa mga trahedya, kalungkutan, at sakit nang may pagtitiwala sa ating Diyos na nagbibigay ng kaginhawahan. Dahil sa presensiya ng Diyos, nawa'y masabi din natin ang “It is well with my soul (tanggap ito ng kaluluwa ko),” at nawa'y makapagbigay din tayo ng ginhawa sa iba dahil sa ginhawang natanggap natin mula sa Kanya.
Ang Diyos ay nasa tabi natin tuwing humihingi tayo ng tulong sa Kanya.
Pag-isipan
Sa nakaraang anim na buwan, ano ang pinakanagdulot ng dalamhati o paghihirap sa buhay mo? Paano ipinakita ng Diyos na Siya'y laging nakahandang sumaklolo sa oras ng kagipitan (Salmo 46:1)? Ano ang natutunan mo tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng mga pagsubok na ito?
Ang kaginhawahang mula sa Diyos ay hindi lamang para sa ating kapakinabangan. Para rin ito sa mga taong naghihirap. Sino ang maaari mong mabigyan ng ginhawa dahil sa ginhawa na natanggap mo mula sa Diyos? Ano ang handa kang gawin upang makilala din nila ang Diyos bilang tagapagbigay ng ginhawa?
Manalangin
Mahal kong Diyos, Ibinibigay ko sa Iyo ang aking mga alalahanin dahil Ikaw ang Diyos na nagbibigay ng ginhawa. Maraming salamat dahil Ikaw ang tanging pinagmumulan ng tunay na kaginhawahan. Ikaw ang aking kanlungan at kaligtasan. Sa pamamagitan ng Iyong makapangyarihang salita, pinakakalma Mo ang mga bagyong nananalanta sa puso ko. Jesus, maraming salamat sa iyong pagkamatay sa krus para sa akin. Dahil dito, nagagawa kong lumapit sa Iyong trono ng biyaya nang buo ang loob at humingi ng habag at biyaya sa oras ng pangangailangan. Maraming salamat, Banal na Espiritu, dahil Ikaw ang aking tagatulong, tagapayo, at tagapagbigay ng ginhawa. Gamitin Mo ako upang magdala ng Iyong kaginhawahan sa mga nangangailangan gaya ng ginhawang natanggap ko. Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa simula at kalagitnaan ng bawat taon, naglalaan tayo ng oras sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Ipinapakita ng Kanyang kamangha-manghang kadakilaan hindi lamang kung gaano Siya kalaki, kundi ang Kanyang kakayahang magpakumbaba, at naging maliit gaya natin—mas nagpakababa pa Siya sa antas natin upang tayo ay iligtas at paglingkuran.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: http://victory.org.ph/