Awesome God: Midyear Prayer & Fasting (Filipino)Halimbawa
Ikatlong Araw: Ang Diyos ay Tagapagpanumbalik Natin
Ang propetang si Jeremias ay sumulat sa mga Judio sa Babilonia—ang mga pinaalis mula sa kanilang bansa. Sinabihan niya silang maghanda para sa pitumpung taong pagkabihag, na bunga ng pagsuway nila sa kautusan ng Diyos. Ang Diyos ay naging matapat sa Kanyang mga mamamayan, subalit nanatiling matigas ang kanilang ulo at kinailangan nilang harapin ang bunga ng kanilang kasalanan. Sa kabila ng kanilang rebelyon, ipinangako ng Diyos na bibigyan Niya sila ng ginhawa at tiniyak Niyang mananatili Siyang tapat sa kanilang kasunduan. Ang pagkabihag nila ay isang paraan ng pagdisiplina sa kanila at hindi pagwasak.
Sa pamamagitan ni Jeremias, sinabihan ng Diyos ang Kanyang mga mamamayan na magtayo ng mga bahay at magtatag ng mga pamilya habang sila ay nasa pagkabihag. Dapat din nilang hintayin ang kanilang pagbabalik sa kanilang lupain (Jeremias 29:4–9). Ipinangako ng Diyos na pananatilihin Niya sila. Ipinaalala Niyang mayroon Siyang magandang plano upang pagyamanin sila at hindi wasakin, bigyan sila ng pag-asa at magandang kinabukasan. Ang mga mamamayan ng Diyos ay tumugon nang may pagsisisi, at bumalik sa Kanya, at binuksan nila ang kanilang mga puso upang alamin ang kagustuhan Niya. Layunin ng Diyos na sa pamamagitan ng Kanyang mga mamamayan ay maipakita Niya ang Kanyang katuwiran sa iba pang mga bayan, upang sila rin ay sumunod sa Kanya (Deuteronomio 4:5–8). Samakatuwid, dahil ang mga mamamayan ng Diyos ay nagbalik-loob sa Kanya, hindi lamang Siya nangakong ibabalik Niya sila sa kanilang lupain, kundi ipapanumbalik din Niya ang kanilang yaman gaya ng dati.
Hindi kalaunan, natalo ang imperyo ng Babilonia at bumalik ang natitirang mga mamamayan ng Israel sa kanilang lupain. Tinupad ng Diyos ang ipinangako Niya. Ngunit higit pa rito, ang dakilang plano ng Diyos ay natupad sa pamamagitan ng isang bagong kasunduan na natanggap nila dahil kay Jesu-Cristo. Sa halip na mga batas na nakasulat sa mga tableta, ang mga ito ay nakasulat na sa ating mga puso't isipan (Jeremias 31:31–35). Sa halip na sunud-sunod na pag-aalay ng mga sakripisyo, nagkaroon ng kalayaan sa pamamagitan ng ginawa ni Cristo sa krus at ng Kanyang muling pagkabuhay. Sa halip na kaligtasan para sa mga Judio lamang, nagkaroon ng kaligtasan na para sa lahat ng taong tumatawag sa pangalan ng Panginoon (Mga Hebreo 8:6–13).
Ang Diyos ay hindi lamang tapat sa pagpapanumbalik ng yaman ng Kanyang mga mamamayan. Kasama sa Kanyang mga dakilang pamamaraan ang pagkakaroon ng higit na pag-asa kay Cristo sa buhay na ito at sa walang hanggan.
Higit pa sa pagpapanumbalik ng mga nawala sa atin, ang Diyos ay nagbibigay ng kaligtasan, katubusan, at kapayapaan sa lahat, malayo man o malapit sa Kanya.
Pag-isipan
Isipin ang mga pinsala at sakit na pinagdaanan mo sa buong panahon ng pandemya. Ginagamit kaya ito ng Diyos bilang pagdidisiplina o pagsasaayos ng iyong espirituwal na buhay? Ano ang tugon mo sa mensahe ng pangako ng Diyos sa pamamagitan ni Jeremias?
Naniniwala ka ba na tayo ay ipinapanumbalik ng Diyos sa Kanya? Paano ka kaya inihahanda ng Diyos upang tanggapin ang mas malaking biyaya mula sa Kanya at gawin ang mas marami pang bagay para sa Kanya? Paano ka lalapit sa Kanya nang buong puso at aasa sa Kanya araw-araw?
Manalangin
Panginoon, naniniwala akong may mas dakila Kang layunin sa lahat ng bagay. Nagtitiwala akong may plano Ka sa buhay ko. Naniniwala akong ang mga ito ay para sa aking kabutihan, at nais Mo akong pagkalooban ng magandang kinabukasan at pag-asa. Ipinapahayag ko ang pangangailangan ko sa Iyo. Umaasa akong maibabalik Mo ang lahat ng nawala sa akin. Ngunit higit pa dito, umaasa ako sa Iyo para sa aking kaligtasan at kapayapaan. Dalangin kong maipanumbalik, mapagtibay, at mapatatag Mo ako. Sa pamamagitan ng Iyong biyaya, araw-araw kong hahangarin ang Iyong presensiya at dakilang plano sa buhay ko, sa aking pamilya, sa aking bayan, at sa mundo. Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa simula at kalagitnaan ng bawat taon, naglalaan tayo ng oras sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Ipinapakita ng Kanyang kamangha-manghang kadakilaan hindi lamang kung gaano Siya kalaki, kundi ang Kanyang kakayahang magpakumbaba, at naging maliit gaya natin—mas nagpakababa pa Siya sa antas natin upang tayo ay iligtas at paglingkuran.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: http://victory.org.ph/