Awesome God: Midyear Prayer & Fasting (Filipino)Halimbawa
Paghinto sa Pag-aayuno: Ang Diyos ay Pag-ibig
Sa panahong inilaan natin para sa pananalangin at pag-aayuno, pinag-isipan natin ang tungkol sa ating dakilang Diyos: Siya'y kasama natin, at Siya ang tagapagbigay ng ginhawa, gabay, at tagapagpanumbalik sa Kanya. Inilalarawan ng mga ito kung sino Siya, at hindi lamang kung ano ang ginagawa Niya para sa atin. Ipinapakita ng mga ito ang Kanyang tunay at likas na katangian: ang Diyos ay pag-ibig.
Sa Lumang Tipan, nang magsalita ang Diyos tungkol Kanya, inilarawan Niya ang Kanyang sarili bilang sagana sa pagmamahal (Salmo 103:8). Ang orihinal na salitang Hebreo na ginamit para sa “sagana sa pagmamahal” ay ang salitang khesed. Ang salitang ito ay puno ng kahulugan. Maraming mga wika, kabilang na ang Ingles at Filipino, ang walang katumbas na salita para dito. Ang salitang khesed ay isinasalin bilang pagmamahal, matatag na pagmamahal, matapat na pagmamahal, tapat na pagmamahal, mapag-alagang pagmamahal, at habag. Ang lahat ng mga ito ay nagpapahayag ng iba't ibang aspeto ng salitang khesed, subalit hindi ang kabuuan nito.
Ang khesed ng Diyos ay isinasalin bilang “pagmamahal” dahil tumutukoy ito sa Kanyang mga saloobin, na nakasentro sa iba. Ang Diyos ay hindi makasarili; inuuna Niya ang para sa kapakinabangan ng iba nang higit sa Kanyang sarili. Ang khesed ay isinalin din bilang “kabutihan” at “habag” dahil ang Kanyang pagmamahal ay hindi lamang emosyon. Dahil sa Kanyang kabutihan at habag, kumikilos Siya para sa kapakanan ng mga minamahal Niya. Ito rin ay tinawag na “matatag na pag-ibig” dahil ito ay hindi nagbabago at hindi nabibigo. Hindi ito ayon sa kung tayo ba ay karapat-dapat na tumanggap nito o hindi, o kung tayo ay tapat o hindi. Siya ay laging mananatiling tapat.
Bukod dito, ito ay isinasalin din bilang “matapat na pagmamahal,” “tapat na pagmamahal,” at “pagmamahal ayon sa pangako” dahil ipinapakita nito na ang basehan ng pagmamahal ng Diyos ay ang Kanyang katapatan sa kasunduan Niya sa Kanyang mga mamamayan. Palaging mananatili ang Kanyang dedikasyon at katapatan sa kanila.
Dahil ang pagmamahal ng Diyos ay hindi nagbabago at laging tapat sa kasunduan, ibinigay Niya sa atin si Jesus upang makasama at mailigtas Niya tayo (Juan 3:16). Dahil sa Kanyang dedikasyong hindi nagbabago, nabibigyan Niya tayo ng ginhawa at pag-asa (Salmo 119:76; Panaghoy 3:20–23), nakatalaga Siyang pamunuan at gabayan tayo (Exodo 15:13), at maaari tayong magtiwala na maipapanumbalik Niya tayo sa Kanya (Jeremias 33:11–13). Anumang mabuting bagay ang naiwala natin, maibabalik Niya ito at magbibigay Siya ng mas mainam pa rito, sa panahon mang ito, o sa susunod na panahon.
Ang pagmamahal ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng katiyakan na lagi Siyang mananatiling kamangha-manghang Diyos.
Samakatuwid, maaari nating tapusin ang pananalangin at pag-aayuno sa kalagitnaan ng taon at hangaring makita ang natitirang bahagi ng taon nang may pasasalamat sa Panginoon dahil sa Kanyang kabutihan at pagmamahal na mananatili kailanpaman.
Pag-isipan
Basahin ang Panaghoy 3:20–23. Paano mo naranasan ang pagmamahal ng Diyos? Ang pagkakaunawa mo ba ng Kanyang habag, pagmamahal, at katapatan ay nagbibigay sa iyo ng katiyakan upang harapin ang bukas?
Mag-isip ng isang kapamilya o kaibigan na nangangailangan ng paalala tungkol sa pagmamahal ng Diyos. Paano mo maipapakita si Cristo sa taong ito? Ano ang magagawa mo para sa kanya ngayon?
Manalangin
Mahal kong Panginoon, maraming salamat sa Iyong pag-ibig na matatag, matapat, at masigasig. Maraming salamat dahil hindi Mo ako sinusukuan. Tulungan Mo akong maunawaan na ang Iyong pagmamahal ay mananatili magpakailanman at ang Iyong habag ay hindi mapapawi. Ipinapanalangin ko na manatili akong matatag sa Iyong pagmamahal. Nawa'y harapin ko ang kinabukasan nang may katiyakan ng Iyong pagmamahal at katapatan sa akin. Nawa'y maisalamin ko sa mga tao sa aking paligid ang Iyong pagmamahal, na magbibigay parangal at magtuturo sa kanila kay Cristo. Ipinapanalangin kong makilala Ka ng mga tao sa aking tahanan, komunidad, at bayan, at nawa'y lumapit din sila sa Iyo. Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa simula at kalagitnaan ng bawat taon, naglalaan tayo ng oras sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Ipinapakita ng Kanyang kamangha-manghang kadakilaan hindi lamang kung gaano Siya kalaki, kundi ang Kanyang kakayahang magpakumbaba, at naging maliit gaya natin—mas nagpakababa pa Siya sa antas natin upang tayo ay iligtas at paglingkuran.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: http://victory.org.ph/