Awesome God: Midyear Prayer & Fasting (Filipino)Halimbawa
Ikalawang Araw: Ang Diyos ay Gabay Natin
Ang paglalakbay sa ibang lugar ay isa sa mga bagay na nalimitahan dahil sa pandemya. Ang lahat ay nasasabik nang magbiyahe, sa loob man o sa labas ng bansa, bumisita sa mga paborito nilang lugar, at makatuklas ng mga bago pang lugar. Subalit kung ikaw ay magbibiyahe patungo sa mga lugar na hindi pamilyar sa iyo, ano ang isang bagay na kakailanganin mo? Kakailanganin mo ng isang kagamitang magsisilbing gabay sa direksyon, ito man ay isang app o isang pisikal na mapa, o kaya ay isang tao na nakakaalam ng tamang daan. Bago ka magbiyahe sa isang lugar na hindi mo pa alam, kailangan mong makakuha ng isang gabay.
Simula sa umpisa, ipinakita na ng Diyos ang Kanyang sarili bilang isang matapat na pinuno. Sa kabuuan ng Kasulatan, ginabayan ng Diyos ang Kanyang mga mamamayan. Sa Exodo 15, si Moises at ang mga Israelita ay nagbibigay-puri sa Diyos matapos ang kanilang mahimalang paglaya sa Ehipto. Ipinagdiwang nila ang katapatan ng Diyos at ang kapangyarihan Niyang namumo sa kanilang paglaya mula sa pagkaalipin. Ginabayan sila ng Diyos sa gitna ng isang sitwasyon kung saan wala silang kaalaman at katiyakan.
Ang mga taong 2020 at 2021 ay nagdala ng napakaraming pag-aalinlangan sa atin. Ang mga ito ay hindi naman bago. Marami ang nananatiling walang katiyakan, at ito ay nagdudulot ng kalituhan, pangamba, at takot. Iniisip pa rin natin kung paano magiging maayos ang lahat. Kailangan natin ng tulong. Kailangan natin ng gabay na nakakaalam ng daan at kaya tayong pamunuan sa mahirap na sitwasyong ito. Tulad ng mga tupa na nangangailangan ng pastol, kung hindi tayo gagabayan at pamumunuan ng Diyos, hindi natin mahahanap ang tamang daan. Kung sa ating mga sarili lamang, kapag nakapasok ang mga pagdududa at pangamba sa ating mga puso, aasa tayo sa sarili nating pagkaunawa at mauuwi ito sa sarili nating pagsusumikap na gawing tuwid ang ating mga landas. Tanging ang karunungan at paggabay ng Diyos lamang ang paraang maaasahan natin upang gabayan tayo sa daang ito.
Subalit ang Diyos ay hindi lamang isang gabay na nagdadala sa atin sa mas magandang daan. Hindi Siya isang taong hinihingan lamang ng gabay kapag tayo ay naliligaw na ng landas. Hindi lamang Siya basta nagbibigay ng mapa na magpapakita sa atin ng tamang direksyon at pagkatapos ay aalis na. Ang Diyos ay gabay na gumagawa ng plano, direksyon at destinasyon, at kasama natin sa paglalakbay. Kasama natin Siya simula sa umpisa hanggang sa huli, at nais Niyang sundin natin ang Kanyang pamumuno araw-araw. Sa ating paglalakbay sa natitirang bahagi ng taon, ang ating katiyakan at kapayapaan ay nagmumula sa kaalaman na tayo ay hindi nag-iisa. Hindi tayo dapat maglakbay nang may takot o pangamba dahil ang Diyos ay patuloy na gagabay sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Salita at Espiritu. Sa pamamagitan ng walang tigil Niyang pagmamahal ay pinamumunuan Niya tayo, at sa pamamagitan ng Kanyang lakas ay ginagabayan Niya tayo.
Dahil itinuturo ng Diyos ang ating landas, at ginagabayan Niya tayo, tayo ay inaanyayahan Niyang magtiwala sa Kanya at magpasakop sa Kanyang plano.
Pag-isipan
May mga bahagi ba sa buhay mo kung saan umaasa ka sa sarili mong plano o paggabay, at hindi sa Diyos? Sa anong partikular na desisyon o sitwasyon ka nangangailangan ng Kanyang patnubay ngayon, at ano ang pinaniniwalaan mong sinasabi Niya sa iyo tungkol dito?
Paano ka ginabayan ng Diyos sa kabuuan ng 2020 at sa unang bahagi ng 2021? Tulad ni Moises sa Exodo 15, ano ang pinanghawakan mong awit o pahayag mula sa Kasulatan sa mga panahong ito na nagbigay sa iyo ng patnubay mula sa Diyos?
Manalangin
Mahal kong Panginoon, pinapatnubayan Mo ako sa pamamagitan ng Iyong walang tigil na pagmamahal at pinamumunuan sa pamamagitan ng Iyong lakas. Ituro Mo sa akin ang Iyong pamamaraan, akayin Mo ako sa Iyong katotohanan, at turuan Mo akong maging mapagpakumbaba at sumunod sa Iyong kautusan. Sa mga oras ng kaguluhan at pangamba, tulungan Mo akong tumingin sa Iyong Salita at Espiritu upang gabayan ang buhay ko. Ako ang Iyong tupa, at Ikaw ang aking Dakilang Pastol na nagmamahal sa akin at kasama ko sa aking paglalakbay. Pinipili kong alalahanin ang Iyong katapatan sa akin, at patuloy akong magtitiwala sa Iyo nang buong puso hangga't ako ay nabubuhay. Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa simula at kalagitnaan ng bawat taon, naglalaan tayo ng oras sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Ipinapakita ng Kanyang kamangha-manghang kadakilaan hindi lamang kung gaano Siya kalaki, kundi ang Kanyang kakayahang magpakumbaba, at naging maliit gaya natin—mas nagpakababa pa Siya sa antas natin upang tayo ay iligtas at paglingkuran.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: http://victory.org.ph/