Ang Magandang Balita ng PaskoHalimbawa
Para sa mga Naghihintay
Sa ating mga naghihintay sa pagbabalik ni Hesus, maaaring tila ang ating paghihintay ay walang katapusan. Ngunit kapag tayo’y nalulumbay, maaari nating balikan ang buhay ng matatandang propetang ipinadala ng Diyos upang ihayag ang pagsilang ng Kanyang Anak: sina Simeon at Ana.
Sa pamamagitan ni Simeon, kinumpirma ng Diyos na ang mga Hudyo at maging ang mga Gentil ay maaaring tumanggap ng liwanag mula kay Hesus (Lucas 2:32): “Siya ang magbibigay-liwanag sa isipan ng mga hindi Judio na hindi nakakakilala sa iyo, at magbibigay-karangalan sa inyong bayang Israel.” Ang deklarasyong ito ni Simeon ay kumpirmasyon din ng propesiya ni Isaias (Isaias 49:6, 42:6): “‘Gagawin pa kitang ilaw ng mga bansa para maligtas ang buong mundo’ . . . ‘Gagawin kitang ilaw na magbibigay-liwanag sa mga bansa.’”
Ang mga salita nina Simeon at Isaias ay pinatotoo ng isa pang saksi at propeta. Si Ana, ang 85-taong-gulang na byuda, ay naghihintay din ng kanyang Manunubos. Nagmula si Ana sa isang tribo ni Aser—isang tribong ang kasaysayan ay naglaho sa panahon ng pagkatapon nila sa Asiria. Sa mahabang buhay ni Ana, alam nating marami na siyang dinanas at nasaksihan—mga bagay na maaaring pumatay sa pag-asang darating nga ang Manunubos na ipinangako ng Diyos. Ngunit sa sandaling masilayan niya si Hesus ay naranasan at nakita na rin niya ang inantay niyang pagtubos ng Diyos dahil sa pagkakasaksi niya sa katuparan ng pangako ng Diyos—ang pagkasilang ng Tagapagligtas na si Hesukristo.
Sa ating mga naghihintay sa kasalukuyan, mayroon tayong katiyakang ang Diyos ay Diyos na tumutupad sa Kanyang mga pangako. Hindi natin kailangang pagdudahan ang Kanyang katapatan dahil tinupad Niya ang Kanyang pangako sa Lumang Tipan tungkol sa isang Tagapagligtas na tutubos sa atin.
Sa ating paghihintay, balikan natin ang diwa ng Pasko bilang isang paalala ng regalo ng Diyos na si Hesus, na muling darating upang wakasan ang ating pasakit, pagdurusa, at paghihintay.
Pagnilay-nilayan:
- Balikan ang panahong hindi ka pa naniniwala kay Hesus. Ano’ng pinagkaiba sa iyong buhay ngayong ikaw ay na kay Hesus na?
- Ano ang pinagkaiba ng paghihintay kasama ang Diyos sa paghihintay na mag-isa?
- Magdasal at magpasalamat sa kapanganakan ni Hesus at sa Kanyang sakripisyo sa krus para tubusin tayo sa kasalanan at sa kamatayan.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa susunod na limang araw, pag-aaralan natin ang regalo ng Diyos na na kay Hesukristo at ihahanda natin ang ating mga sarili para maging instrumento ng Diyos upang ipahayag at ibahagi sa iba ang pinakamahalagang regalong matatanggap nating lahat.
More
Nais naming pasalamatan ang Victory Ortigas sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://church.victory.org.ph/ortigas