O' Banal Na Gabi: Himig Ng PaskoHalimbawa
Unang Araw
Juan 3:16
–Ganito ang pag-ibig ng Dios sa mga tao sa sanlibutan: Ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak, upang ang sinumang sumasampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Ang Bagong Silang Na Hari
Noong bata pa ako, hindi kami nagdiriwang ng Pasko. Lumaki kasi ako sa isang pamilya na hindi naniniwala kay Jesus. Kahit ganoon, nagdesisyon pa rin kami ng aking mga kapatid at aming mga kaibigan na magpalitan ng regalo tuwing Pasko. Nagpapalabunutan kami ng pangalan kung sino ang aming reregaluhan ng isang espesyal na regalo. Masaya kami sa tuwing ginagawa namin iyon. Kaya naman, nagdesisyon kaming gawing tradisyon ito tuwing sasapit ang Pasko.
Habang ginagawa namin ang tradisyong iyon, wala kaming kamalay-malay na ibinigay na pala ng Dios ang perpektong regalo para sa lahat. Makikita ang katotohanang ito sa pampaskong himno na isinulat ni Charles Wesley na “Hark! The Herald Angels Sing.” Si Jesus ang tinutukoy ng kantang iyon na Siyang kapahayagan ng pagmamahal ng Diyos at nagbigay buhay sa lahat ng magtitiwala sa Kanya.
Sinabi naman ng Biblia, “Ganito ang pag-ibig ng Dios sa mga tao sa sanlibutan: Ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak” (Juan 3:16). Bakit kaya ibinigay ng Diyos ang Kanyang kaisa-isang Anak at ano ang nais nitong iparating sa atin? Ipinanganak si Jesus upang “ang sinumang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (t. 16).
Noong nagdalaga ako, narinig ko ang tungkol kay Jesus na ipinanganak para bigyan ng buhay na walang hanggan ang lahat ng magtitiwala sa Kanya. Si Jesus ang Diyos na isinilang sa anyo ng tao at Siya ang naging perpektong regalo sa atin. Kaya naman, nagtiwala ako sa Panginoong Jesus bilang aking Diyos at aking Tagapagligtas. Naging espesyal din sa akin ang Pasko dahil lubos kong naunawaan ang kahulugan nito. Minamahal ako ng Diyos at ipinahayag Niya ito noong namatay si Jesus sa krus para sa akin. Sinabi pa sa awit ni Wesley, “Purihin at sambahin ang bagong silang na Hari!”
—Isinulat ni Poh Fang Chia
Anong tradisyon ang ginagawa niyo tuwing Pasko? Paano naipapaalala nito sa inyo ang tungkol sa kapanganakan ni Jesus?
Diyos Ama, maraming salamat po dahil Ikaw ang perpektong halimbawa na ang pagbibigay ay pagpapakita nang lubos na pagmamahal.
TALATA SA BIBLIA SA ARAW NA ITO | JUAN 3:16-21
16 “Sapagkat ganito ang pag-ibig ng Dios sa mga tao sa sanlibutan: Ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak, upang ang sinumang sumasampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
17 Sapagkat hindi sinugo ng Dios ang Kanyang Anak dito sa mundo upang hatulan ng parusa ang mga tao, kundi upang iligtas sila.
18 Ang sumasampalataya sa Kanya ay hindi hahatulan ng kaparusahan, ngunit ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, dahil hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Dios.
19 Hinatulan sila dahil dumating ang Anak ng Dios bilang ilaw dito sa mundo, ngunit mas ginusto nilang manatili sa dilim kaysa sa lumapit sa Kanya na nagbibigay-liwanag, dahil masama ang mga ginagawa nila.
20 Ang taong gumagawa ng masama ay ayaw sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, dahil ayaw niyang malantad ang kanyang mga gawa.
21 Ngunit ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa liwanag, upang malaman ng lahat na ang mabubuti niyang gawa ay nagawa niya sa tulong ng Dios.”
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Limang Araw na Pagbubulay mula sa Pagkaing Espirituwal
More
Nais naming pasalamatan ang Our Daily Bread Asia Pacific sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://filipino-odb.org/