O' Banal Na Gabi: Himig Ng PaskoHalimbawa
Ikalawang Araw
Mateo 2:15
–Sa gayon, natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, “Tinawag Ko mula sa Egipto ang Aking Anak.”
Galak Sa Panahon Ng Pangungulila
Minsan, hindi ko akalain na maantig ang puso ko sa isang awiting pampasko na inawit sa simbahan kung saan kami dumadalong mag-asawa. Nangyari iyon sa aking unang Pasko sa bansang Inglatera na naging mahirap para sa akin ang paninirahan doon. Kaya naman, nang marinig ko ang himig ng tunog ng piano sa saliw ng awiting “Away in a Manger,” bigla akong naluha. Naisip ko na masaya ako na magkaasawa pero malungkot dahil malayo ako sa mga nakasanayan ko.
Gayon pa man, sakto sa aking pangungulila nang mga oras na iyon ang awit na pampasko. Tumutukoy din kasi sa nangyari sa kapanganakan ni Jesus ang unang pangungusap sa kanta, “Inilayo sa sabsaban at wala man lang higaan.” Hindi lang isinilang si Jesus sa isang mahirap na kalagayan kundi noong bata pa lamang Siya ay kailangan Niyang lumayo at tumakas mula kay Haring Herodes. Sinabi ng anghel kay Jose, “Bumangon kaʼt dalhin ang bata at ang Kanyang ina sa Egipto. Doon muna kayo hanggaʼt hindi ko sinasabing bumalik kayo, dahil hinahanap ni Herodes ang sanggol para patayin” (Mateo 2:13). Naging ligtas si Jesus mula kay Herodes, kaya alam ni Jesus ang pakiramdam na inilayo sa nakasanayan. Ito rin ang Kanyang naranasan nang magkatawang-tao Siya dito sa lupa at napahiwalay sa Diyos Ama sa langit.
Hindi naman natin kailangan na mapunta pa sa ibang lugar upang maranasan ang pangungulila at kalungkutan. Minsan kasi nangyayari ito sa kahit ano mang oras at kahit saan pang lugar. Kung mangyari man ito, makakalapit tayo kay Jesus na Siyang nakaranas din nito. Ang Kanyang kapanganakan at Kanyang presensya ang nagbibigay sa atin ng pag-asa at lakas ng loob.
—Isinulat ni Amy Boucher Pye
Kailan ka huling nakaranas ng kirot sa puso dahil sa pangungulila o kalungkutan? Sa mga panahong iyon, paano ka lumapit sa Panginoong Jesus?
O aming Diyos na nagkatawang-tao, naranasan Mo po ang mahiwalay nang pumarito Ka sa mundo bilang isang sanggol. Kaya naman, sa Inyo po ako kukuha ng lakas ng loob sa panahon na nangungulila ako.
TALATA SA BIBLIA SA ARAW NA ITO | MATEO 2:1-13
1 Ipinanganak si Jesus sa bayan ng Betlehem sa lalawigan ng Judea noong si Herodes ang hari. Isang araw, dumating sa Jerusalem ang ilang taong dalubhasa galing sa silangan.
2 Nagtanong sila, “Saan ba ipinanganak ang hari ng mga Judio? Nakita namin ang Kanyang bituin sa silangan, at naparito kami upang sambahin Siya.”
3 Nang mabalitaan ito ni Herodes, nabagabag siya at pati na rin ang buong Jerusalem.
4 Kaya ipinatawag ni Herodes ang lahat ng namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan, at tinanong sila kung saan isisilang ang Cristo.
5 Sumagot sila, “Sa Betlehem na sakop ng Juda, dahil ganito ang isinulat ng propeta:
6 ‘Ikaw, Betlehem sa lupain ng Juda, hindi ka huli sa mga pangunahing bayan ng Juda; dahil magmumula sa iyo ang isang pinuno na magsisilbing pastol ng mga mamamayan kong Israelita.’ ”
7 Nang marinig ito ni Herodes, palihim niyang ipinatawag ang mga taong galing sa silangan at inalam kung kailan talaga nila unang nakita ang bituin.
8 Pagkatapos, pinapunta niya sila sa Betlehem. Ibinilin niya sa kanila, “Lumakad na kayo at hanaping mabuti ang sanggol. At kapag nakita ninyo, balitaan nʼyo ako kaagad upang makapunta rin ako at makasamba sa Kanya.”
9-10 Pagkatapos nilang marinig ang bilin ng hari, umalis na sila. Habang sila ay naglalakbay, muling lumitaw ang bituin na nakita nila sa silangan, at lubos ang kanilang kagalakan. Nanguna sa kanila ang bituin hanggang makarating sila sa kinaroroonan ng sanggol.
11 Pagpasok nila sa bahay, nakita nila ang sanggol at ang ina nitong si Maria. Lumuhod sila at sumamba sa sanggol. Inilabas din nila at inihandog sa sanggol ang mga dala nilang ginto, insenso at pabangong mira.
12 Nang pauwi na sila, binalaan sila ng Dios sa pamamagitan ng isang panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes. Kaya nag-iba na sila ng daan pauwi.
13 Nang makaalis na ang mga taong galing sa silangan, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi ng anghel sa kanya, “Bumangon kaʼt dalhin ang bata at ang kanyang ina sa Egipto. Doon muna kayo hanggaʼt hindi ko sinasabing bumalik kayo, dahil hinahanap ni Herodes ang sanggol para patayin.”
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Limang Araw na Pagbubulay mula sa Pagkaing Espirituwal
More
Nais naming pasalamatan ang Our Daily Bread Asia Pacific sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://filipino-odb.org/